Dumaan ang halos sampung minuto at sa wakas ay natanaw ko na ang lawa kaya nananabik akong tumakbo rito.

Nang makarating ako, agad akong bumitaw sa kareta at maingay na napabuga ng hangin.

"Hoo!" Inikot-ikot ko ang aking mga braso dahil naramdaman ko ang pagtindi ng pangangalay nito. "Kapagod!"

Napapunas na naman ako ng pawis bago naglakad papalapit sa lawa. "Cetus!" Nakapameywang ako. "Andito na lunch mo!"

Napansin kong hindi gumagalaw ang tubig. "Cetus?"

Sumilip ako at repleksyon ko lang ang nakita ko kaya napayuko ako. "Cetus!" sigaw ko ulit sa ilalim ng tubig.

Natutulog ba siya?

Napaupo ako sa lupa nang biglang lumabas ang isa sa mga braso niya. Pumihit-pihit ang dulo nito na para bang may mga mata ito at tumitingin sa kapaligiran.

Tinuyo ko ang tubig na tumalsik sa mukha ko at mahinang natawa.

Tumayo ako. "Dito," sambit ko sa kanya.

Lumapit ang braso niya sa kinatatayuan ko. Hinawakan ko ang dulo nito at iginiya ito sa kareta ng pagkain niya.

Agad naman niya itong hinila papasok sa tubig at pagkaraan ng ilang segundo ay ibinalik ito sa lupa nang wala ng laman.

"Nagustuhan mo yung kangaroo?" tanong ko.

Kasunod na yumanig ang lupa nang magpakawala siya ng ingay mula sa pinakailalim ng lawa.

"Mas masarap pa rin yung horse meat, ano?" sang-ayon ko. "Naubusan kasi sila. Baka bukas meron na."

Dumako ako sa likod ng kareta at tinulak ito pabalik sa stables. Inutusan ako ng caretaker na iparada ito sa tabi ng shed kaya ginawa ko naman ito saka inilabas ulit ang listahan at ballpen ko.

Gumuhit ako ng isang heart sa pangalan ni Cetus at wala sa sariling napangiti.

"Okay..." humahangos kong bulong. "Yung susunod na gagawin ko ay-"

Napatigil ako.

'Take hippogriffs out for a walk.'

Dahan-dahan akong napaangat ng tingin.

By 'walk' they meant 'fly', didn't they?

Mayamaya'y hindi ko alam kung anong nangyari pero natagpuan ko nalang ang sarili ko na lumilipad habang nakakapit sa tali ng isang hippogriff.

"Teka lang!" Malakas ko itong hinatak.

Inilibot ko ang aking paningin sa himpapawid kung saan pinapalibutan ako ng limang hippogriffs na palusot-lusot sa mga ulap.

"Hoy!" tawag ko. "Bumalik nga kayo rito-" Napaikot ako sa hangin nang daanan ako ng isa sa kanila.

"Pwede bang-" Napaatras ako dahil isa na naman nila ang biglang lumipad pataas malapit sa harapan ko.

Kinuyom ko ang aking palad. Mula rito, lumabas ang maliliit na kislap ng kuryente.

"Sabing tigil!" sigaw ko sabay pakawala ng malakas na kulog na umalingawngaw sa buong kalangitan.

• • •

Napangiwi ako sa sakit nang i-lock ng nurse ang bandage na nakapalipot sa balikat ko. Kaka-bandage niya lang din ng kabila pagkatapos akong nagpatingin dito.

Hindi kasi tumalab ang pain reliever sa pananakit nito na nagsimula nang pakainin ko si Cetus at lumala pagkatapos kong ilipad ang hippogriffs.

"Please refrain from straining your arms," payo niya. "They haven't fully healed yet from your previous injuries."

Legends of Olympus (On Hold)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon