Blackened

23.3K 1.5K 1.4K
                                    

Zack's POV

Gamit ang kaliwang kamay, tinulak ko sa pinakamalapit na puno ang leeg ng huntsman at inangat siya. Napansin ko ang pagngiwi niya sa sakit nang dumausdos ang kanyang likod sa magaspang na balat ng puno.

Naramdaman ko ang bahagyang pagtaas ng mga pakpak ko nang angatin ko rin ang sarili ko mula sa lupa, sakal-sakal ang kanyang leeg na nagsimula nang mamaga. Idiniin ko pa ang katawan niya sa puno at nang makaabot kami sa tuktok ay umikot ako para itapon siya sa dalawa pa niyang mga kasama na tumatakbo sa lupa.

Bwisit. Nagawa nilang iwasan ang katawang inihagis ko.

Huminto sila malapit sa harap ko, at habang nakababa ang tingin sa kanila, minasdan ko kung paano liwanagan ng nag-aapoy kong mga pakpak ang mga mukha nilang napuno sa mga peklat.

Mas matanda silang tignan, mas malalaki ang mga katawan...

At hindi ako tanga para hindi malamang kanina pa nila ako sinusundan, na para bang binabantayan ako.

Agad nabaling ang aking atensyon sa higante ni Ash na gawa sa abo. Umalingawngaw ang pagsabog ng isang paa nito. Kumalat ang abo sa paanan ng higante bago ito humilig paatras dahil sa pagkawala ng balanse.

Sa kabutihang palad, nagawang lumundag ni Ash mula sa balikat ng higante papuntang platform bago bumagsak ang higante niya sa katabing ilog ng bundok.

Napatakip ako ng mukha gamit ang aking braso nang daanan kami ng malakas na tulak ng hangin na may kasamang makapal na abo.

Hindi pa malinaw ang pananaw ko dahil dito, nang bigla akong makaramdam ng lamig sa isang paa ko.

Yumuko ako at natagpuan ang isang maitim na kadenang mahigpit na nakapalipot sa'kin. Agad ako nitong hinatak pababa sa lupa, ngunit hindi ako nagpatinag sa pagkabigla dahil malakas akong lumipad paitaas para hilahin ito sa direksyon ko.

Iniunat ko nang malawak ang aking mga pakpak at pinagaspas ito papalayo.

Desidido rin ang kung sino mang may hawak ng kadena na labanan ang pwersa ko kaya natagpuan ko ang aking sarili na ilang segundong pilit kumakawala mula rito.

Hangga't hindi pa lumilinaw ang pananaw ko, hindi muna ako magpapahila, dahil hindi ko alam kung anong naghihintay sa'kin sa ibaba.

Nang lumubog na nang kaunti ang abo ay saka ko nakita ang dalawang huntsmen na nakakapit sa kabilang dulo ng kadena. Mula sa paa ko, sinundan ko ng tingin ang itim na kadena patungo sa banda nila kung saan humiwalay ito sa apat pang maliliit na kadenang nakagapos sa bawat braso nila.

Nagpalitan lang kami ng tingin nang may mahinuha ako.

May hinihintay sila.

Mula sa sulok ng aking pananaw, lumabas ang isang anino- hindi, isang taong nakasuot ng itim at mahabang kapa. Bahagya itong nakakubli sa itim niya ring terno ng damit pang-itaas at makapal na pantalon.

Sinundan ko siya ng tingin na papalapit sa'min.

Hindi tumutunog ang bawat hakbang niya sa lupa, kahit mabigat tignan ang suot niyang pares ng itim na boots, dahilan na mapasingkit ang aking mga mata.

Base sa tindig at hugis ng katawan niya, isa siyang lalaki.

Ipiniling ko ang aking ulo upang mahagilap ang mukha sa ilalim ng nakataob niyang hood, nang bigla siyang huminto at inangat ang kanyang ulo sa'kin.

Sinalubong lang ako ng isang pares ng nangungulimlim na mga mata. May nakahilig na peklat sa isang mata niya.

At maliban sa kanyang kakaibang presensya, mga mata at peklat niya lang ang mga katangiang napansin ko dahil natatakpan ng maitim na tela ang ibabang kalahati ng kanyang mukha.

Legends of Olympus (On Hold)Where stories live. Discover now