Bagama't dama ko ang pagdurugo ng aking ulo na tumama sa bato ay nagpatuloy ako sa pagtayo. Tumakbo at walang balak magpahuli ng buhay. Bilang pinuno, kahihiyan ang matalo sa laban at mahuli ng buhay. Hindi ko nanaising ikahiya ako ng buong Cagabong. Tatakbo ako hangga't kaya ko at mamamatay kung kinakailangan.

Gayunpaman ang isip ko ay iisa lamang ang tinatakbo. Sa tatlong araw na nagdaan, kamusta ka naman Olivia? Nais ko ang iyong kaligtasan, nawa ay magkita pa tayo kahit sa kabilang buhay man lang.

"Naroon ang erehe! Hulihin niyo siya!"

Dahil sa tama ay bumagal na rin ang aking pagtakbo kaya naman ako ay naabutan na ng mga Gwardya Sibil. Hindi ko man mapagtanto kung paano nauwi ang lahat sa ganito, ni ang pagkahuli nila Carlos at Olivia ay nananatiling katanungan sa akin, maging ang pagkaalam ng mga gwardya sibil sa aking kinalulugaran ay tinatanong ko na rin subalit hindi iyon ang tamang oras para roon kaya nagpatuloy ako sa pagtakbo pero tila ito na talaga ang katapusan. Dahil nang aking tingnan ang aking dinaraanan ay tuluyan na pala iyong walang patutunguhan. Bangin na ito at wala nang ibang matatakasan.

Napatawa na lamang ako sa sariling katapusan. Babalik pa sana ako subalit nagsidatingan na ang batalyong gwardya sibil.

"Wala ka nang ibang mapupuntahan, erehe. Sumama kana sa amin!" Bulyaw iyon sa akin ng isang Gwardya Sibil. Nanunuya at tila ikinatutuwa ang aking pagkahuli. Hindi lingid sa aking kaalaman ang pabuyang ibinagsak ng Gobernador Heneral sa aking ulo. Subalit nagpapatawa sila kung aasahan nilang magpapahuli ako ng mulat ang mga mata.

Sa pagkakataong iyon ay tumawa ako ng malakas. Tawang nagpalito sa kanila ng lubos.

"Inaasahan mo bang isusuko ko ng mulat ang sarili ko?" natatawang tanong ko. Sumama ang mukha niya kaya naman lalo ko siyang tinawanan. Ang gwardya sibil na kausap ko ngayon ay isang Pilipino. Pilipinong nagtaksil sa sarili niyang bansa at mas piniling maglingkod sa mga huwad na pinuno. "Sumasamba ka sa mga dayuhang sumira ng iyong bansa. Buhay ka pa man subalit higit ka pa sa inaagnas at nangangamoy na bangkay." Sa puntong iyon ay pinaputukan niya ang aking binti. Nagtangis ako at napaluhod sa sakit subalit ang ngisi ko ay nanatili. Taas noong tiningnan siya ng buong yabang. "A-Ang mga katulad mo ay isinusuka ko." Muli akong tumawa bago nagpasyang dahan-dahang iangat ang aking kamay habang hawak ang baril at taas noo pa ring itinutok iyon sa sariling sintido. Doon na sila nagkagulo.

"Ibaba mo iyan! Baliw ka! Hangal!" Natawa lalo ako ng husto. Kailangan nila ako ng buhay upang makuha ang pabuya, sayang nga lang at hindi ko sila hahayaang ako ay pagkakitaan.

"Perdoname Mi Amor." Iyon ang mga huli kong salita. Hindi ko akalaing sa ganitong paraan magtatapos ang lahat. Sayang lamang at hindi ko man lamang natapos ang aking akda. Patawad mahal ko, nabigo ako sa aking pangako. Kung bibigyan man ako nang panibagong buhay kasama ka, nais kong tuparin ang pangako nating dalawa.

Kasabay ng aking pagkalabit sa gatilyo ng baril ay ang malakas na pagputok nito na siyang bumingi sa akin. Sa nanlalabo kong mata at unti-unting pagbagsak sa kinatatayuan. Inilabas ko ang pambulsang orasan at iyon ay binuksan. Laman niyon ang isang maliit na larawang kahapon ko lamang nakuha mula sa San Nicolas kung saan kami huling nagpakuha ng larawan. Nagtuluan ang aking mga luha habang kinakatitigan ang mga nakangiti naming mukha.

Sa pagbagsak ng aking katawan ay siyang pagtilapon din ng orasan. Subalit mabilis ang pag-agos ng aking dugo at hindi nagtagal ay inabot ng aking dugo ang orasang pambulsa. Sa mga oras na iyon tuluyan nang nilamon ng antok ang aking kahimlayan. Bagay na akala ko ay magtatagal subalit nang ako ay muling magmulat ay hawak ko na muli ang orasang pambulsa. Ang lubos na pinagkaiba nga lamang ay maliliit ang aking mga kamay na nakahawak doon.

Naging sunod-sunod ang aking paglunok at halos matumba nang mapansing maliit din pati ang aking binti at kamay. Kakaiba rin ang aking panyapak at maging ang suot kong damit. Ang huling pagkakatanda ko na tanging aking kinahimlayan ngayon ay napupuno na ng damo at halamang ligaw. Nang titigan kong mabuti ang orasang aking hawak ay puno na lamang ito ng lupa.

"A-Anong nangyayari?" Dahan-dahan akong napaatras. Subalit sa liit ng hakbang ko ay tila naroon pa rin ako sa aking pwesto.

Jusko, ano ito?

"Peter! Peter anak? Peter anak ko asan kana ba?" Nakarinig ako ng pagtawag, boses iyon ng isang babae. Hindi naman naglaon ay napalitan iyon ng boses ng lalaki.

"Peter my son, where are you? Papa is coming. Let's stop playing hide and seek here. Pagabi na." May awtoridad ang boses ng lalaki. Gayunpaman ay nanatili akong nakatayo sa kinapu-pwestuhan at sobra-sobrang naguguluhan.

Ano bang lugar ito? Nasaan ba ako?

Nang may kumaluskos ay agad akong naging alerto. Subalit ang pagiging alerto ko ay natuldukan nang bumungad sa akin ang mukha ng lalaki at babaeng biglang lumabas mula sa kung saan. Naging sunod-sunod ang aking naging paglunok nang mamukhaan ko ang lalaki.

"P-Papa?" Halos maiyak ako nang makita ko siya.

Nasa langit na ba ako? Subalit bakit tila kakaiba ang suot ni Ama? Bago ito sa aking paningin at ang mas lalo kong ipinagtaka ay ang layo ng taas nila kaysa sa akin. Halos tingalain ko si Papa at ang babaeng kasa-kasama niya. Akala ko ay iyon na ang lubos kong ikagugulat subalit nang buhatin na ako ni Ama ay roon ko na napagtanto ang kakaiba.

A-Ang katawan ko ay lumiit. Subalit paano at bakit?

"There you are!" Maging ang mga salita ni Ama ay kakaiba. Lubha ko itong hindi maintindihan. Gayunpaman ay hindi ko maisa-tinig ang pagtatanong at hindi ko rin iyon maipaliwanag. "Let's go to our car na, okay Peter?" Lalong nagsalubong ang aking kilay. Tinatawag niya rin akong Peter, subalit bakit?

"Look Papa, Peter is holding something!" histerikal na turan ng babae at akmang iaalis sa kamay ko ang orasang pambulsa nang higpitan ko ang hawak doon. Nakita ko pang nagkatinginan sila dahil sa aking ginawa.

"Peter, hindi 'yan laruan. Dirty 'yan!" Pinilit pa ng babae na agawin sa akin ang aking orasang pambulsa subalit hindi ko siya pinayagan.

"A-Akin ito." Hindi ko na napigilang maibulalas. Nang araw na iyon ay tila masayang-masaya nila akong ipinasok sa kakaibang sasakyang panlupa na may gulong at umaandar ng walang kabayo. Hindi ko lubos maintindihan ang nangyayari, ang alam ko lamang ay wala ako sa aking mundo at hindi na pamilyar ang lugar na ito.

Subalit hangga't narito ang aking Ama ay susulitin ko na.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now