"Sugod!"

"Para sa kalayaan!"

Lalong nag-alab ang aking damdamin nang marinig iyon. Nagkagulo sa plaza at nagputukan na rin ang mga pailaw sa paligid. Nagsisitakbuhan ang mga taong nanunuod kani-kanina lang. Napuno ng dugo at bangkay ang buong paligid subalit hindi kami tumigil.

"Mabuhay ang Cagabong!" Ang sigaw na iyon na alam kong mula mismo kay Don Mariano ang nakapagpatayo sa akin sa kinadadapaang kubo.

"Mabuhay!" hiyaw ko pa kasabay ng pagpapakawala ko ng tatlong palaso nang sabay-sabay sa magkabilang direksyon. Hindi ko na hinantay pang maubos ang aking palaso dahil bago pa mangyari iyon ay mabilis na akong bumaba roon at tumakbo na pabalik kagaya ng plano. Hindi na rin naman nila ako kailangan dahil tiyak na lamang kami sa laban ngayong gabi.

Takbo lamang ako nang takbo palayo sa plasang pinanggalingan. Mayroong mga gwardya sibil ang nakatugon sa aking pagtakas kung kaya naman ako ay kanilang tinugis. Hinayaan ko na lamang sila dahil paubos na rin naman ang aking palaso. Agad akong lumiko sa pamilihan at tumalon bahagya para hindi matapid sa tulog na asong aking nadaanan.

Nang mapansing wala nang nakasunod ay pumasok ako sa likod na pintuan ng Bahay Aliwan at doo'y bumulaga sa akin ang silid sa likod ng entablado. Dali-dali kong ikinandado ang pinto at hingal na hingal na nagpalit ng kasuotan. Mula sa itim na damit ay balak ko sana itong palitan ng aking kulay bughaw na saya mula sa tukador. Mabilis ang ginawa kong pagkuha roon subalit nang makaramdam ng hapdi ay doon na lamang nagbalik sa aking alaala ang daplis ng bala sa aking braso. Bahagya akong nagtangis nang maramdaman muli ang hapdi niyon, marahil ay dahil sa aking kagaslawan.

"Paanong nagkaroon ako ng daplis? Tsk! Stupida!" Hindi ko na napigilang sabihin iyon sa aking sarili. Subalit imbis na pagkasisihin ang sarili sa nangyari na ay agad na lang akong umupo sa isang lamesa at inilatag ang kamay ko roon.

Mula sa isang gilid ay kinuha ko ang isang botelya ng alak at binuksan iyon. Walang pakundangan kong ibinuhos iyon sa sugat at gamit ang isang tela ay binalutan ko iyon. Ginamit ko rin ang aking ngipin upang higpitan ang pagkakatali niyon nang matigil ang pagdurugo. Matapos ay nagpalit na ako ng damit.

Lumabas ako ng silid na iyon at balak ko na sanang mag-ayos ng aking mukha nang bumulaga sa akin ang mukha ni Madame Racelita na mukhang kanina pa naghihintay sa akin. Nakasuot siya ng isang kulay lilang saya at bakas sa mukha niyang siya ay nakahinga ng maluwag nang ako ay kaniya nang nakita.

"Ano ba namang mukha iyan Anastasia? Malapit nang magsimula ang pagtatanghal!" pabulyaw na hiyaw nito. Hindi na lingid sa aking kaalaman na sinasadya nitong laksan ang boses niya upang marinig ng ilan sa paligid ang pambubulyaw nito sa akin. Mamaya-maya ay tinanguan niya ako at bahagyang nilapitan. "Magaling na trabaho, binabati kita." Tinapik pa ako nito sa balikat at tsaka ako iniwan. Doon na ako napangiti subalit panandalian lamang iyon dahil nang magsimulang magkagulo sa likod ng silid na aking pinanggalingan ay naalerto na ako.

"Papasukin niyo kami!" Boses iyon ng mga gwardya sibil, muli akong napasipol.

"Subalit mga Ginoo, mahigpit na ipinagbabawal sa amin ang magpapasok ng lalaki sa—" Hindi ko na tinapos ang pakikinig at agad akong umupo sa harapan ng isang salamin, doon ay marahang inayusan ang sariling buhok.

Napangiti na lamang ako habang pinagmamasdan ang aking repleksyon. Sinigurado ko kaninang nakabaon sa ilalim ng tukador ang aking kasuotan at maging ang pana't palaso ko ay iniwan ko roon. Hindi nila ako mahuhuli, magkakamatayan muna kami.

"Anastasia, ikaw na ang sunod!" Tumayo na ako sa aking pagkakaupo nang marinig ang sigaw na iyon ni Madame Racelita.

"Andyan na po ako, saglit lamang." Sa aking pagtakbo palabas ay bahagya pa akong natisod. Gayunpaman ay sinigurado kong maayos ang aking sarili bago pumasok sa entablado.

Naroon na rin si Agnes nang madatnan ko. Maraming mga Parokyanong nanunuod ngayon subalit hindi na ako nakaramdam pa ng kaba. Nagkatinginan kami ni Agnes at alam kong nagtatanong siya sa akin kung ayos lamang ba ako base sa kaniyang tingin. Nginitian ko na lamang siya bilang sagot bago siya lapitan.

"La Monarcha," Anang ko kay Agnes. Kung kaya naman agad niya iyong sinimulang tugtugin. Gamit ang kaniyang instrumento ngayon na bandurya. Sinabayan naman iyon ng masiglang pag-ihip ng flauta ng isa sa aming mga tagapagtanghal.

Sikat ang awiting ito kung kaya gustong marinig ng mga Parokyanong Espanyol at Espanyola. Isa itong komposisyon nang kanilang pananakop. Napag-alaman ko ito nang ituro sa amin ni Madame Racelita ang tugtog na nilapatan na lamang namin ng awit ukol sa pag-ibig na wagas upang hindi na isipin ang kung ano.

♪Pagibig ko aking sinta
Na sing ganda ng gumamela♪

Nagsimula akong kumanta kung kaya naman natuon sa akin ang atensyon na kanina ay nasa instrumento lang. Masigla ang simula nito kung kaya naman mabilis ang aking pag-awit. Inilibot ko sa buong paligid ang aking paningin. Doon ko na napansing naroon at nagkakasiyahan ang ilang mga tao.

May ibang nag-i-inuman at napapaindak sa aking ina-awit. Bihis ang ilang ilustradong parokyano. May ilan din namang mga nakasuot ng naggagandahang barong at saya. Hindi ko napigilang lubos na humanga sa kalidad ng mga iyon.

Subalit natigil na lang ang aking malikot na mata nang mabaling ang tingin ko sa isang ginoong nakatalikod sa aking direksyon at hindi man lamang nag-abalang balingan ako ng tingin. Nakaupo ito sa isang upuan malapit sa may imbakan ng alak at abala muli sa pagsusulat.

Nandito na rin pala siya. Subalit akala ko ba ay panunuorin niya ako?

Nakaramdam ako ng pagkadismaya. Hindi ko na napigilang mapabuntong hininga, na bigla na lamang ako nang sikuhin ako ni Agnes. Kung kaya nilingon ko siya. "Hay! Gustong-gusto mo talaga ang ginoo,  ano? Sabagay, hindi na iyon kataka-taka makisig at napakagandang lalaki ni Ginoong Leonardo." Nginitian niya pa ako nang husto na tila inaasar. Nanlaki ang aking mata.

Paano niya iyon nalaman?

Hindi ko naman magawang magtanong dahil ako ay kasalukuyang umaawit.

"Akin na iyong nahahalata binibini." Muntik pa akong pumiyok nang sabihin niya iyon. Tinawanan lamang ako ni Agnes dahil doon. Hindi ko na lang ito pinansin at mas pinagtuunan ng pansin ang pagkanta habang tinititigan ang likod ng ginoong lubos kong minamahal. Hinihiling na sana man lang ay kaniya akong lingunin.

Hindi rin halos mawala sa aking balintataw ang paglalapat ng aming mga labi kanina subalit pilit ko na iyong iwinawaksi kasabay ng aking damdamin sapagkat alam ko sa aking sarili na hindi iyon makakatulong sa akin, o kahit sa kaniya.
Binitawan ko na ang aming pag-ibig sa kagubatan, ano pa ba itong aking ginagawa ngayon? Kahangalan ito Olivia.

Sa panahong ito, hindi mahalaga ang pagmamahalan ng dalawang tao. Dahil ang panahong ito ay panahon ng pakikibaka sa pagitan ng buhay at kamatayan para sa kalayaan ng inang bayan.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now