'A-Anong gagawin ko?'

"G-Ginoo—"

"Sandali, dito kana lamang. Ako na ang bahala." Nakita niya kung papaano pagsalikupin ni Leonardo ang kamay nito. Matapos ay bigla nitong hinipan ang kamay niya na lumikha ng tunog na pawang kuliglig. Ikinatakha ni Olivia ang inasal na iyon ng Ginoo.

"A-Ano ang iyong ginagawa? Baki—"

"Maghanda ka. Tumago ka rito at tiyakin mong walang kahit na sino ang makakakita sa iyo. Nagkakaintindihan ba tayo?" Lalong ikinatakha ni Olivia ang pagiging ma-otoridad ng pananalita nito.

"S-Subalit—"

"Sumunod kana lamang sa aking pinag-u-utos, binibini." Wala siyang nagawa nang itulak na siya nito sa katabing malaking puno ng Apitong.

Iniwan siya roon na mag-isa ng Ginoo. Binalak pa niya itong habulin subalit naging kakaiba at mabilis na ang pagkilos nito. Hanggang sa makalayo na at hindi na niya matanaw pa. Nilamon ito ng kadiliman ng gubat kasabay ng paglamon ng takot sa kaibuturan ni Olivia.

"Ahh!" Napalingon siya nang marinig ang impit na hiyaw ng kaibigang si Agnes.

"Tama na po! Maawa na po kayo sa aking anak!" Naglulupasay na lumuluhod si Aling Marcela, ang Ina ni Agnes upang pigilan ang mga guwardya sibil sa kanilang ginagawang paghagupit sa anak. Subalit ang mga walang pusong guwardya ay pinagtawanan lamang ito at itinuloy ang paghagupit kay Agnes.

"Manahimik ka dukha! Karapat-dapat lamang iyan sa iyong maarteng anak. Siya na itong inaaya ni Señorito Felicito para maging tagapag-aliw. Siya pa ang nagmamatapang. Ano ba ang inyong maipagmamalaki? Wala! Kaya huwag kayong umastang respitado!" bulyaw ng isa pang guwardya sibil sabay hampas ng latigo kay Agnes. Si Felicito Fernando ay ang anak ng Heneral ng Bayan ng San Fernando. Kilala ito bilang isang lalaking lasinggero at laki sa layaw.
"Hermana!" hiyaw ng nakababatang lalaking kapatid ni Agnes na nagngangalang Angelito. Sampung taong gulang na ito subalit lumaking hindi nakapagsasalita. Kaya naman, lubos na ikinagulat ni Agnes at nang kaniyang Ina na marinig ang tinig ng kapatid.

"Manahimik ka bata! Lapastangan! Bubulagin niya pa ang Panginoon namin. Nasisiraan na siya!" Muli ay hinagupit na naman sila. Sa na saksihang iyon ni Olivia ay natuptop niya ang kaniyang labi. Nanlalaki ang kaniyang mga mata at hindi makapaniwala.

'Kung gayon ay dahil ito sa walang utak na Felicito na iyon. Paano niya nagawa ito kay Agnes? Alam niyang matalik kong kaibigan si Agnes. Ano namang pumasok sa maliit niyang kokote at pinagkainteresan niya ang aking kaibigan? Hindi ko siya mapapatawad!'

Naikuyom ni Olivia ang kaniyang kamao. Unti-unti niyang nadama ang pagkagalit. Nagdilim ang paningin niya at akmang susugod doon.

Subalit, ikinagimbal niya ang sumunod na nasaksihan. Bigla na lamang ginilitan ng isa sa mga guwardya sibil ang leeg ni Aling Marcela.

"Napakaingay!" Doon na tuluyang nawalan ng balanse si Olivia at sunod-sunod na pumatak ang mga luha niya. Ang katotohanang harapan niyang nasaksihan iyon ang mas lalong nagpatindi ng sitwasyon.

"Ina!" malakas na hiyaw ni Agnes at ng kapatid nito.

"Ano ba! Huwag kayong mag-ingay kung ayaw ninyo agad sumunod sa Ina at Ama ninyo!" Tila'y tuwang-tuwa pa ang Guwardya Sibil sa pinaggagagawa niya.

"Ano kaya kung isunod na natin—" Hindi natapos ng isa pang guwardya sibil ang sasabihin niya nang biglang may magpaulan sa kanila ng palaso at sibat. Agad na namatay ang isa sa apat na guwardya sibil.

"Sino iyan? Maging alerto, may kalaban!" Naglabas ng baril ang isang guwardya sibil at ipinaputok iyon. "Sino iyang nandiriyan? Lumabas kayo!" matapang na hiyaw nito. Ngunit imbis na lumabas ay pinalipadan lang sila nito ng palaso. "Mga lapastangan! Paputukan sila!" utos nito. Agad namang sinunod ng dalawa ang pinag-u-utos. Pinaputukan nila ang mga kalaban na nagtatago sa dilim. Subalit ang hindi nila alam ay wala roon ang mga iyon. Dahil ang dalawang nagpapalipad ng palaso at sibat ay nasa itaas ng puno.

"Hindi mo man lang ako sinabihan na may ganito na palang nangyayari, Leonardo. Nasaan na si Olivia?" seryosong tanong ni Carlos.

"Mamaya na tayo mag-usap. Iligtas mo at ilayo rito si Agnes at ang kaniyang kapatid." Tila nagulantang si Carlos nang marinig ang pangalang binanggit.

"A-Agnes?"

"Siya nga, humayo ka at tulungan mo siya."

"Masusunod." Agad na tumalon si Carlos pababa ng puno. Gayon din naman ang ginawa ni Leonardo. Muli siyang humuni bilang hudyat. Nagdatingan ang ilang mga nakasalakot at baluti.

"Humayo kayo at magtungo sa may puno ng apitong. Ilayo ninyo sa lugar na ito ang taong nagtatago roon," utos niya. Matapos ay tinakpan niya ang kalahati ng kaniyang mukha.

"Masusunod." Kagaya ng pinag-u-utos ni Leonardo ay palihim silang nagtungo roon. Doon nila namataan ang isang babaeng may mahabang buhok na nakasuot ng damit na panglalaki. Walang ano-ano ay dinakip nila ito. Pinaamoy nila ng dahon na pangpahilo at binitbit palayo sa lugar na iyon.

Samantalang sa kabilang dako naman ay napatumba na ni Carlos ang dalawa sa mga Guwardya Sibil. Nakatakip din ang kalahating mukha ni Carlos kaya't hindi ito makilala ni Agnes.

"G-Ginoo, t-tulungan ninyo kami ng aking k-kapatid," bulalas ni Agnes habang nakaluhod at akap ang Inang wala ng buhay. Itinutok ng Guwardya sibil ang kaniyang baril kay Carlos. Ngingisi-ngisi pa ito subalit nang patamaan ni Carlos ng palaso ang kamay ng Guwardya Sibil ay nabitawan nito ang baril niya. Gulat ang rumihistro sa mukha nito.

Akmang huhugot muli ng palaso si Carlos nang biglang kunin ng tusong guwardya sibil ang nakababatang kapatid ni Agnes.

"A-Angelito!" hiyaw ni Agnes.

"Sige, bitawan mo iyan kung hindi ay makikita mo kung papaano ko gilitan ang leeg ng batang ito!" Natigilan si Carlos nang tutukan ng Guwardya Sibil ang leeg ng bata.

"Maawa ka, nakikiusap ako! Ako nalang! Huwag ang kapatid ko!" nagsusumamong turan ni Agnes habang magkadaop ang palad at nakaluhod.

"Tumahimik ka kung hindi ikaw ang isusunod ko—" Subalit hindi na nito natuloy ang litanya niya nang biglang sa hindi inaasahan ay maghabol ng hininga ang bata.

"Angelito! Parang awa mo na, may sakit ang kapatid ko!" Umiiyak na hiyaw ni Agnes.

"Tumahimik ka—" Hindi natapos ng Guwardya Sibil ang sasabihin niya nang bigla siyang patamaan ng palaso ni Carlos sa dibdib. Agad na binawian ito ng buhay at bumagsak sa lupa. Patakbong nilapitan ni Carlos si Agnes at kinalagan ito.

"S-Salamat po, g-ginoo," sinabi iyon ni Agnes nang hindi tumitingin kay Carlos. Pagapang niyang nilapitan ang naghihingalong may sakit na kapatid. Panay ang pagpatak ng luha niya. "A-Angelito, kapatid ko. L-Lumaban ka, pakiusap!" Niyakap ni Agnes ng mahigpit ang kapatid.

Hindi maiwasan ni Carlos ang hindi makaramdam ng awa sa kaniyang nasasaksihan. Nag-iwas siya ng tingin lalo na nang makita niya ang pagtatapos ng buhay ng bata.

"Angelito!" Atungal ni Agnes. Puno ng pagdurusa, galit at pagsisisi. Hindi malaman ni Carlos kung bakit, subalit namataan na lamang niya ang sariling nakalapit na kay Agnes at alo na niya ito. "K-Kung sana hinayaan ko na lang. K-Kung sana hindi ako nanlaban. K-Kung sana hindi ako pumalag. H-Hindi sana mangyayari ito. Namatay sila nang dahil sa'kin. Kasalanan ko itong lahat!" Naghihinagpis na turan ni Agnes.

"Hindi, wala kang kasalanan. Sila ang may kasalanan sa'yo," tanging turan ni Carlos.

T E N

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon