Chapter XCVIII

5.8K 1.1K 251
                                    

Chapter XCVIII: Happenings in the Past: The Ethereal Sun Emperor and the Black Dragon Emperor

“Nabanggit ko na sa iyo na bago pa man tuluyang matapos ang digmaan, at bago ko pa man matapos ang Devil Transformation Pill, pinuntirya na ako ng mga diyablo dahil sa kanilang nalaman tungkol sa aking pinag-e-eksperimentuhan. Inatake nila ako, at nagawa nilang wasakin ang pinagmumulan ng aking alchemy flame,” pagsasalaysay ni Firuzeh habang ang kanyang mga mata ay taimtim na nakatulala sa kawalan. “Ang kanilang lahi ang pinaka kinamumuhian ko sa lahat. Gusto ko silang tuluyang magapi, at kung may pagkakataon ako, gusto ko silang magapi sa tulong ng aking kompleto at walang masamanf epekto na Devil Transformation Pill.”

“Pero, mukhang malabong mangyari iyon dahil wala ng tatapos sa aking Devil Transformation Pill. Ganoon man, gusto kong malaman mo na hindi ako nagpapaawa o anoman. Ito lang ang gusto kong mangyari upang maipatikim ko sa kanila ang sarili nilang kapangyarihan,” dagdag pa ni Firuzeh.

Hinayaan lang ni Finn si Firuzeh na magsalita. Naiintindihan niya ang pinagmumulan nito. Nararamdaman niya mula rito na bukod sa kabiguan sa pagkawala ng alchemy flame,  mayroon din itong matinding muhi sa mga diyablo--katulad ng pagkamuhi niya kay Jero Siporko at sa mga nasa likod ng pagkawasak ng Ancestral Continent.

“Ang mga diyablo... walang eksaktong nakakaalam kung saang lugar talaga sila nagmula o kung kailan pa sila nagpupugad sa mundong ito. Bigla na lamang silang lumitaw kung saan, bigla na lamang silang dumami nang hindi namin namamalayan,” paglalahad ni Firuzeh.

Nakuha ng mga sinabi ni Firuzeh ang interes ni Finn lalong-lalo na sa huling sinabi nito tungkol sa pagdami ng mga diyablo.

“May kakayahan silang magparami? Paano?” Tanong ni Finn dahil kahit siya ay walang kaalam-alam tungkol sa bagay na ito.

Huminga ng malalim si Firuzeh at tumugon, “Hindi ko alam ang eksaktong sagot sa iyong tanong dahil palaisipan pa rin sa akin ang kakayahan nilang iyon. Mayroon silang kakayahan na makapanghawa. Mayroong uri ng diyablo na sa kanilang hanay na parang may dalang epidemya na sa oras na mapasok ang katawan ng isang adventurer o nilalang, magiging isa na rin siyang diyablo at mawawala na siya sa katinuan. Ganoon man, sa aming pananaliksik at pagsisiyasat, para lamang ito sa mga nilalang na may mahihinang mentalidad, ang mga may malalakas na paninindigan ay hindi kayang gawing diyablo ng mga diyablo.”

Napatango si Finn sa kanyang narinig. Tila ba nakaramdam din siya ng ginhawa dahil sa kanyang nalaman. Malaking bagay ang tungkol sa impormasyong ito, at magagamit niya ito sa hinaharap upang labanan ang mga diyablo. Ganoon man, mayroon pa ring tanong na naiwan sa kanyang isipan.

“Kung gano'n, kung sakaling maging diyablo ang isang nilalang, mayroon bang paraan para maibalik siya sa rati?” Taimtim na ekspresyong tanong ni Finn.

Muling umiling si Firuzeh. Nagkaroon ng kakaibang emosyon sa kanyang mga mata at malungkot siyang tumugon, “Sinubukan ko na ang lahat ng alam ko para ibalik sa rati ang mga nilalang na ginawang diyablo ng mga orihinal na diyablo, ganoon man, hindi ako nagtagumpay. Wala ng lunas para ibalik pa ang isang nilalang pabalik sa kanyang orihinal na katauhan, at dalawa na lamang ang pagpipilian mo kung sakaling makasalamuha ka ng mga kagaya nila.”

“Alinman sa papaslangin mo sila, o hahayaan mong paslangin ka nila.”

Natahimik si Finn sa tugon na kanyang nakuha. Naging blanko muli ang kanyang ekspresyon, at napakuyom ang kanyang kamao dahil nakaramdam siya ng galit sa mga diyablo. Tama nga ang mga naririnig niya mula kina Munting Black, kailangang mapuksa ng tuluyan ang mga diyablo dahil sa kanilang likas na kasamaan.

“Saan sila unang lumitaw? Bakit hindi napigilan ang kanilang pagdami at pangwawasak?” Tanong ni Finn.

Bahagyang tumawa si Firuzeh sa kanyang narinig. Napailing-iling na lang siya at natatawang nagsalita, “Paano? Magulo na ang mundong ito bago pa sila lumitaw. May mga kasalukuyang digmaang nagaganap sa divine realm sa pagitan ng mga emperador at imperatris. Walang may alam na aabot sa ganoong punto ang lahat, hindi namin alam ang tungkol sa mga diyablo dahil iyon ang unang beses na lumitaw sila sa kasaysayan.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now