Chapter LXXXV

5.6K 1.1K 118
                                    

Chapter LXXXV: Against the Shrine

Habang ang ibang grupo ay kumikilos na para isagawa ang kanilang napagplanuhan, si Eon at ang magkakapatid na demonyo ay kasalukuyan pa ring naglalakbay sa himpapawid. Tinatahak nilang apat ang direksyon patungo sa kinaroroonan ng teritoryo ng Nightrage Gang. Napakabilis ng kanilang paglipad, at sa kanilang tantya, mararating nila ang kinaroroonan ng grupo ilang minuto lamang mula sa kasalukuyan.

Hindi pa rin mawala-wala ang simangot sa mukha ni Eon. Samantala, ang magkakapatid na demonyo ay kasalukuyang nakangisi. Punong-puno ng sigla ang kanilang mga aura, at hindi na sila makapaghintay na sumabak muli sa isang labanan. Matagal silang nagpahinga dahil ang tanging ginawa lang nila nitong nakaraan ay maghintay at manood sa ikalawang bahagi ng pagtatasa. Tatlong linggo silang walang interesanteng ginagawa, at ngayon magiging abala na muli sila sa pakikipaglaban.

Higit sa lahat, isang mahirap na laban ang kanilang susuungin dahil isang buong grupo ang kanilang kakalabanin, isang buong grupo na binubuo ng libo-libong mga miyembro.

Makaraan pa ang ilang minuto, natanaw na ni Eon ang teritoryo na kinaroroonan ng Nightrage Gang. Isa ring malawak na lungsod ang teritoryo ng grupong ito. Nakararamdam din siya ng iba't ibang aura mula sa lugar na iyon kaya nasisigurado siyang may mga adventurer ang nasa loob ng lungsod.

Napalitan ang simangot ni Eon, ganoon din ang inis na kanyang nararamdaman. Nakangisi na siya ngayon, at ang nararamdaman niya ay pananabik ngayong natagpuan niya na ang kanyang magiging biktima. Mas binilisan niya pa ang kanyang paglipad, at bumulusok siya pababa ng lungsod.

Naramdaman niya na may mga matang nakatingin sa kanya, at naramdaman niya na ang ilan sa mga adventurer sa lungsod ay naging handa. Ganoon man, wala siyang pakialam.

Nakakita siya ng isang Heavenly Emperor Rank, at sa kanyang pagbulusok, sinuntok niya ito pabaon sa lupa.

BANG!!!

Kumalat ang makapal na alikabok dahil sa kanyang pinakawalang atake. Nagkaroon din ng malakas na pag-ihip ng hangin, at nang mawala. Maraming miyembro ng Nightrage Gang ang nagulat sa paglitaw ni Eon sa kanilang teritoryo. Agad nilang inilabas ang kani-kanilang enerhiya at sandata, at naghanda sila sa mga maaaring mangyari.

Sa loob ng makapal na alikabok, dahan-dahang tumindig ng ayos si Eon habang pinagmamasdan ang kanyang kamao. Makahulugan ang kanyang ngisi habang ang tatlong magkakapatid na demonyo ay dumating na rin at tumayo sa kanyang likuran.

“Nagbigay sa akin ng utos si Master... ang inyong grupo ay dapat nang matanggal sa kompetisyong ito,” mapaglarong sambit ni Eon. Bumaling siya sa kinaroroonan ni Tayk at ng mga tauhan nito. Ngumiti siya at muling nagpatuloy sa pagsasalita, “Naalala mo pa ba ako, hangal? Narito ako para turuan ka ng leksyon sa ginawa mo amin sa kasagsagan ng ekspedisyon na isinagawa ng hangal na punong komandante ng Crimson Guardian. Masaya ka bang makita akong muli?”

Natigilan si Tayk. Nagngitngit ang kanyang mga ngipin dahil dumating na ang sandaling kanyang kinatatakutan. Hindi niya inaasahang ganito kabilis kikilos ang grupo ni Finn para maghiganti sa kanyang nagawa noon. Nakaramdam siya ng pangamba, at sobrang muhi ang nararamdaman niya dahil malaki ang posibilidad na matanggal agad ang kanilang grupo sa kompetisyon.

Ganoon man, hindi nagtagal ay mayroon din siyang napagtanto. Muli niyang tiningnan si Eon at ang magkakapatid na demonyo, tumingin din siya sa himpapawid at nakiramdam. Pagkatapos ng ilang sandali, huminahon siya at bahagyang napangiti. Hinamak niya ng tingin si Eon at marahang nagwika, “Masyado kang mayabang. Hindi ko akalain na mayroong adventurer na kasing hambog mo. Gusto mong turuan ako ng leksyon? Gusto mong pabagsakin ang aking grupong pinamumunuan?!”

“Nang kayo lang apat? Nahihibang ka na!” Para bang baliw na sabi ni Tayk.

Nanatili ang ngisi ni Eon sa kanyang mukha. Humalakhak siya na para bang baliw at inilabas niya ang kanyang aura. Natigilan ang mga adventurer sa panig ni Tayk--ganoon din ang magkakapatid na demonyo dahil sa kasalukuyan, ang antas at ranggo ni Eon ay wala na sa 1st Level Chaos Rank, bagkus, isa na siyang ganap na 2nd Level Chaos Rank!

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon