Chapter XX

5K 1K 47
                                    

Chapter XX: Shopping

Marahang naglalakad ang grupo ni Finn sa malawak na plasa ng lungsod. Nililibot nila ito habang lumilingon-lingon sa paligid. Mabigat ang paligid dahil sa kasalukuyang tensyon na nararamdaman mula sa mga adventurer na nagbebenta ng mga kayamanang kanilang nakuha mula sa mundong ito. Nagkalat sila ngayon sa paligid, at marami ring mamimili na lumilibot kagaya nina Finn. Isa lang ang layunin nila; iyon ay maghanap ng kayamanang magagamit at mapakikinabangan nila sa kanilang pagsasanay at pakikipagsapalaran.

Karamihan sa mga nagbebenta at bumibili ay nakasuot ng balabal at maskara. Marahil ito ay para panatilihing pribado ang kanilang pagkatao upang makaiwas sa komplikasyon dahil kayamanan pa rin ang ibinebenta at ipinagbibili nila.

Ang karamihan sa kanila ay hindi kayang protektahan ang kanilang pambihirang mga kayamanan dahil halos lahat sa kanila ay Heavenly King Rank lamang habang kakaunti ang nasa Heavenly Emperor Rank.

Ganoon man, kahit na mahihina ang mga adventurer na nagbebenta, ang kanilang mga kayamanang ibinebenta ay interesante--maging si Finn ay interesado sa mga kayamanang ibinebenta ng ilang mga adventurer.

Nakikita niya sa sulat sa mga karatula sa tabi ng mga adventurer kung anong kayamanan ang kanilang ibinebenta. May ilan pang aktwal na itinatanghal ito upang makuha ang atensyon ng mga mamimili.

Subalit, interesado lang si Finn sa mga kayamanan ngunit wala siyang balak na bilhin ang mga ito. Ang gusto niyang bilhin ay ang mga kayamanan na maaari nilang mapakinabangan. Ang hinahanap niya ngayon ay ang pinakamahahalagang kayamanan na magagamit niya sa kasalukuyan alin man sa pagpapanday, alchemy, inscription o formation.

Nagpatuloy sila sa paglilibot sa plasa. Malawak ito at maraming adventurer ang nagbebenta ng kanilang mga kayamanan. Hindi rin nagmamadali sina Finn dahil may ilang araw pa sila bago tuluyang magsimula ang ekspedisyon. Makakasali pa sila sa huling sandali, at kumpyansa siya roon dahil sa mga impormasyong ini-ulat sa kanya ni Paul.

Maraming adventurer ang kakailanganin nina Kyuru at ng punong komandante mula sa Crimson Beast. Malawakang ekspedisyon ang kanilang binabalak kaya kailangan nilang bumuo ng malaki at malakas na puwersa dahil hindi sapat ang kanilang mga kawal at tauhan para punan ang mga posisyong iyon.

Alam ng lahat na ang mga rogue adventurer ang pinakamarami ang bilang. Hindi man sila kasing lakas ng mga malalaking puwersa, pero kung magsasama-sama lahat ng mga rogue adventurer, mas nakakatakot pa sila kaysa sa Crimson Lotus Alliance na pumasok sa mundo ng alchemy.

Makaraan ang mahigit isang oras na paglilibot, huminto si Finn sa paghakbang habang ang kanyang tingin ay nasa karatula na nakatayo sa tabi ng isang adventurer na nakaupo sa upuan.

Sa wakas, nakahanap na rin siya ng kayamanan na maaari niyang mapakinabangan.

Naglakad siya patungo sa kinaroroonan ng adventurer. Nakasunod sa kanya sina Paul, Eon at Poll. Napatingin din sila sa karatula, at tanging si Poll lang ang lubusang nakaunawa kung bakit sa dinami-rami ng kayamanang kanilang nadadaanan, ang kayamanang ibenebenta lang ng adventurer na balot na balot ng balabal, maskara at sombrero ang hinintuan ng kanyang guro.

Huminto sa paglalakad si Finn sa harap ng adventurer. Bumaling muna siya sa karatula bago niya muling ibigay ang kanyang atensyon sa adventurer na nakaupo.

“Gusto ko ang ibinebenta mong Black Iron Honey. Sabihin mo ang halaga,” ani Finn.

Tumayo ang adventurer. Isa lamang siyang 9th Level Heavenly King Rank at dahil tatlong Heavenly Emperor Rank ang nasa kanyang harapan, nagiging maingat siya. Hindi agad siya tumugon sa alok ni Finn, bagkus nag-alinlangan at nag-isip muna siya dahil ilang adventurer na rin ang lumapit sa kanya para bilhin ang kanyang kayamanang ibinebenta ngunit wala siyang pinagbigyan dahil hindi siya kontento sa mga inaalok ng mga ito.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon