Chapter LXVII

5.3K 1.1K 155
                                    

Chapter LXVII: Slaying the Devils (Part 3)

Pasensyadong naghintay ang mga miyembro ng New Order sa paraang naiisip ni Finn upang mapagtagumpayan nila ang unang bahagi ng pagtatasa. Handa silang makinig at sumunod kung ano mang hakbang ang balak ng binata basta makabuluhan at magbebenepisyo silang lahat. Kahit ang apat na may masasamang reputasyon na kasali sa New Order ay bukas din ang tenga para makinig at makiisa. Sa huli, may kanya-kanya silang rason kung bakit ang New Order ang pinili nila kaysa sa ibang puwersa.

Bawat isa sa kanila ay nais na magtagumpay at makatanggap ng pabuya, at kahit na mayroon silang mga pansariling intensyon, hindi pa rin nila babalewalain ang oportunidad na ito dahil lang sa kanilang katusuhan at kasakiman.

“Hindi ko na ito patatagalin pa. Ang nais kong ipaalam sa inyong lahat na aking pinaplano ay ang pagkukulong o pagseselyo sa dalawa sa limang 2nd Level Chaos Rank hanggang sa matapos ang nalalabing araw natin sa unang bahagi ng pagtatasa. Kung mababawasan ang ating malakas na kalaban, madaragdagan ang posibilidad na magtagumpay tayo,” paglalahad ni Finn na ikinanuot ng noo ng ibang adventurer na naroroon.

Inilahad ni Rako ang kanyang kamay at agad na nagtanong, “Ikukulong o seselyuhan ang dalawang 2nd Level Chaos Rank? Posible ba ang bagay na iyon? At paano natin iyon gagawin?”

Ang magkakasunod na tanong ni Rako ay tanong din ng karamihan. Tanging sina Eon at Poll lamang ang nanatiling kalmado habang nakatingin kay Finn. Hindi sila nagduda kahit kaunti sa binata, alam nilang may paraan ito para gawin ang bagay na iyon, at ang dahilan? Siyempre dahil matagal na silang magkakasama at alam na ng dalawang binatilyo na malawak ang kakayahan at kaalaman ni Finn.

Marahil hindi matukoy nina Eon at Poll kung gaano kalawak at kung paano naging ganito ka-eksperto si Finn sa iba't ibang larangan at kaalaman, ganoon man, tiwala silang alam ng binata ang kanyang mga sinasabi't ginagawa dahil siya si Finn, ang binatang ito ang kanilang guro at master.

“Mahirap gawin iyon para sa iba ngunit may paraan ako para gawin iyon. Mayroon akong alam na sealing formation para ikulong ang dalawang Chaos Rank na diyablo, at sa pamamagitan noon, maaalisan natin ng kakayahan ang dalawang diyablo na iyon na makilahok sa laban hanggang sa matapos ang nalalabi nating araw sa unang bahagi ng pagsusulit,” paliwanag ni Finn nang wala pa ring nagbabago sa kanyang ekspresyon.

Nagulantang ang mga naroroon maliban kina Poll, Eon, Paul at Klaws. Si Klaws ay napaisip lang at napatulala sa binata dahil minsan niya ng nasaksihan at napatunayan ang kakayahan ni Finn bilang formation master.

“Isa kang formation master..? Mayroon kang alam na pambihirang formation na kayang magkulong sa dalawang 2nd Level Chaos Rank..?” Naibulalas na lang ni Rako habang nakatulala kay Finn.

Kahit bawat isang miyembro ng grupong Bloody Puppeteers ay nabigla sa kanilang nalaman. Ganoon din sina Roger, si Faktan at ang magkakapatid na demonyo.

Napabaling si Yopoper kay Yagar at pilit-ngiting napabulalas, “Hindi tayo nagkamali ng panginoong kinilala... mas kahanga-hanga pa pala siya kaysa sa inaasahan ko.”

Bahagyang tumango si Yagar at huminga ng malalim, “Tama... masyado siyang maraming kaalaman bukod sa pagiging soul puppet master. Talagang nakikita ko na ngayon pa lang na nasa tamang landas tayo at ang ating kinabukasan ay magiging maganda.”

Sobrang saya ng dalawang pinuno at ng mga miyembro ng Bloody Puppeteers dahil sa kanilang nalaman. Mas lalo silang nanabik para sa magiging hinaharap ng kanilang grupo, at hindi na sila makapaghintay na maglakbay sa iba't ibang mundo kasama ang kanilang panginoong si Finn.

“Hindi na mahalaga ang tungkol sa bagay na iyan, ang mahalaga ay kaya kong gawin ang bagay na iyon,” simpleng tugon ni Finn kay Rako. Bumaling siya sa iba pang naroroon at nagwika, “Ngayon... ang nais kong gawin ninyo ay ipagpatuloy ang pagpaslang sa mga diyablo upang makapagpatuloy tayo sa pangongolekta ng puntos. Magkaisa kayo, at huwag ninyong pilitin ang inyong sarili kung hindi n'yo na kaya dahil ang bawat bilang sa grupong ito ay mahalaga. Ngayong natuklasan na natin ang tungkol sa ligtas na lugar na ito, maaari kayong magpahinga rito o magpagaling sa oras na kayo ay malubhang napinsala.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now