Chapter LXXIII

5.6K 1.1K 89
                                    

Chapter LXXIII: Qualified

Nakangangang pinagmamasdan ni Yopoper ang mabilis na pag-usad ng kabuoang bilang ng puntos ng New Order. Bawat sandali ay nagbabago at tumataas ang kanilang puntos habang dinig na dinig nila mula sa nayon ang sunod-sunod na pagsabog sa labas. Hindi pa nakalilipas ang isang oras mula ng umalis sina Finn, Paul, Poll at Eon sa nayon pero ang kanilang kabuoang puntos ay umabot na agad sa pitong daang libo. Higit na mas mabilis ang nangyayaring pangongolekta ngayon kaysa noong nakaraan na sa bawat minutong lumilipas, tila ba libo-libong puntos ang kanilang nakokolekta, at higit pa roon, patuloy ito at hindi humihinto.

Hindi lang si Yopoper ang kasalukuyang nakatitig sa kabuoang puntos ng New Order. Lahat ng mga miyembro, sugatan man o hindi ay pinagmamasdan ang pagbabago ng puntos habang nakanganga at tila ba hindi makapaniwala. Marami ang nakatulala gaya nina Faktan, Rako, Hara, Klaws at ang magkakapatid na demonyo. Hindi sila makapaniwala sa pagbabagong nangyayari, pero hindi rin nila maitago ang kanilang galak at pananabik dahil nakitaan nila ng pag-asa ang mabilis na pag-usad ng kabuoang bilang ng kanilang puntos.

Mayroon pang dalawang araw, at kung magpapatuloy ang ganitong pangyayari, malaki ang posibilidad na maabot nila ang isang milyong puntos na kailangan upang maging kwalipikado sa susunod na bahagi ng pagtatasa.

Hindi malinaw sa karamihan sa kanila kung ano ang eksaktong nangyayari, at kung paanong nagagawa nina Finn na magpasabog ng ganoon kalakas nang sunod-sunod. Masyadong malalakas ang pagsabog, at hindi ito humihinto magmula pa noong umalis ang apat kanina.

Hindi nila alam kung skill ba iyon o kayamanan, ang alam lang nila, ito na marahil ang alas na balak ilabas ni Finn sa oras na malagay sa alanganin ang New Order.

Nararamdaman na nina Klaws ang tagumpay. Mas lalong humahanga sina Yopoper, Yagar at ang mga miyembro ng Bloody Puppeteers sa kanilang kinikilalang panginoon dahil sa nangyayari. Mas lalong tumaas ang tingin nila kay Finn, at mas tumibay pa ang kanilang pananalig na hindi kalaunan ay matutupad na ang matagal na minimithi ng kanilang grupo.

Sa tulong ni Finn at ng pambihirang niyang kakayahan sa pakikipaglaban, at pag-iisip, maaabot nila ang tuktok. Magiging malakas silang grupo, at kikilalanin ang grupo nila bilang pinakamalakas na grupo ng soul puppet master sa hinaharap.

“Hindi ako nagkamali sa naramdaman ko noon sa kanya... Hindi ako nagkamali na siya ang kinilala kong panginoon...” Nananabik na sabi ni Yopoper habang malapad na nakangiti. Tila ba kumukulo ang kanyang dugo dahil sa sobrang pananabik. Hindi niya iyon mapigilan, at maging ang katabi niyang si Yagar ay nadadamay na rin sa kanyang pagdiriwang.

“Sobrang saya ko dahil magiging bahagi ako ng pag-angat ng Bloody Puppeteers! Siguradong matutuwa ang ating mga naunang pinuno sa kasalukuyang estado ng Bloody Puppeteers!” Aniya pa habang nakatingin sa labas kung saan tinatanaw niya ang mga nagaganap na pagsabog sa pamamagitan ng pagtuon ng enerhiya sa kanyang mga mata.

Samantala, nakatulala pa rin si Klaws sa mga numerong patuloy na nagbabago. Mababakas din ang pananabik sa kanyang mga mata, pero kita pa rin ang pag-aalinlangan mula rito.

Ibinuka niya ang kanyang bibig at tumingala. Itinuon niya ang kanyang enerhiya sa kanyang mga mata at pinanood niya ang walang tigil na pagsabog sa himpapawid at lupa.

“Posible ba talagang makolekta nilang apat ang kulang-kulang na tatlong daang libong puntos sa loob lang ng maikling panahon? Kung magpapatuloy sila sa kanilang ginagawa, posibleng mangyari iyon ngunit... hanggang kailan tatagal ang kanilang ginagawa? Hanggang kailan tatagal ang mga pagsabog na pumapatay sa mga diyablo?” Pabulong na tanong ni Klaws habang nakatingala.

“Wala ka bang tiwala sa kanila, Klaws Deterio?”

Napabaling si Klaws sa kanyang tabi nang marinig niya ang isang pamilyar na tinig. Napasimangot siya nang makita niya ang makahulugang ngisi ni Faktan habang nakatingala at nanonood din sa nangyayaring mga pagsabog.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Onde histórias criam vida. Descubra agora