Chapter XXV

5K 1K 59
                                    

Chapter XXV: Start of the Conflict

Bumakas ang kasiyahan sa mga mata ni Poll sa sinabi sa kanya ng kanyang guro. Pinagmasdan niya ang anim na makinang na kulay pilak na pill sa palad ng kanyang guro. Dahan-dahan niyang inilapit ang kanyang kamay rito, at pagkatapos, pinakiramdaman niya ito at sinuri. Mas tumindi pa ang sayang nararamdaman niya nang malaman niya na totoo ngang nagtagumpay siya, at hindi lang iyon, nakabuo pa siya ng anim na Heavenly Ironbody Pill na may matataas na kalidas.

Isang rank 7 emperor grade, tatlong rank 6 at dalawang rank 5!

Matataas na kalidad ng pill. Sa unang subok niya, hindi lang siya basta nagtagumpay, napalabas niya pa ang posibleng pinakamataas na uri ng Heavenly Ironbody Pill gamit ang mga kayamanang nagamit niya. Nagmamalaki siya sa kanyang isip, at bukod pa roon natutuwa siya dahil binati siya ng kanyang guro.

Nagpapasalamat din siya dahil nariyan ang kanyang guro para abangan ang pagtakas ng mga pill. Kung wala si Finn, siguradong makakatakas ang mga ito dahil hindi niya na kayang kumilos kanina dahil pinaabot niya sa limitasyon ang kanyang sarili.

Mababalewala sana ang lahat ng kanyang pinaghirapan at pinagpaguran, pero heto siya ngayon, matagumpay.

“Itago mo muna ang mga pill na ito. Pinag-iinteresan ka na ng mga naririto ganoon din ang mga pill na binuo mo,” taimtim na sambit ni Finn at marahan niyang inilagay sa palad ni Poll ang mga pill.

Ramdam niya ang interesadong tingin ng adventurer sa kanilang paligid. Umiiral ang kuryusidad sa isipan ng mga ito, at alam niyang hindi magtatagal ay mayroong lalapit sa kanila upang magtanong.

Agad na naunawaan ni Poll ang ibig sabihin ng kanyang guro. Naglabas siya ng isang lalagyan at inilagay lahat ng anim na pill dito bago tuluyang itinago sa kanyang interspatial ring. At pagkatagong-pagkatago niya sa mga pill, mayroong tatlong adventurer ang sumingit at humawi sa mga manonood. Puwersahan silang sumingit, at dere-deretsong humakbang patungo sa kinaroroonan nina Finn. Binalewala nila ang masasamang tingin ng mga nabangga nilang adventurer habang taas-noo silang naglalakad bitbit ang kanilang mga espada.

Ang nangunguna sa grupo ay isang lalaking may mahabang kulay abong buhok. Wala siyang suot na kahit anong baluti at pang-itaas, tanging ang payat na katawan niya lamang ang nakalantad. Mayroon siyang dalang mahabang espada na nakapatong sa kanyang balikat, at sa kanyang mukha ay kapansin-pansin ang makahulugang ngisi.

Isa siyang 9th Level Heavenly Emperor Rank, pero isa lamang siyang pangkaraniwang adventurer base sa kanyang marupok na pundasyon.

Sa tabi niya ay isang babaeng may seryosong ekspresyon. May bitbit din itong sandata, at isa itong scythe habang ang isa pa ay isang lalaking nakakrus ang mga kamay sa dibdib at ang kanyang sandata ay dalawang espada na nakasukbit sa kanyang likuran.

Ang dalawang ito naman ay parehong nasa 8th Level Heavenly Emperor Rank ngunit kagaya ng kanilang lider, walang espesyal sa kanila.

Ang tanging interesante lamang sa kanila ay ang kanilang mga sandata. Lahat ng kanilang sandata ay Emperor Armament--mataas na kalidad ng Emperor Armament. Mga top-tier Emperor Armament.

“Tingnan mo nga naman. Hindi ko akalaing makakakita ako ng kamangha-manghang palabas sa ekspedisyong ito,” ani ng lalaki walang suot na pang-itaas. Lumapad pa ang kanyang ngisi at mas lumapit pa siya kay Poll. Isinantabi niya si Finn at muling nagwika, “Mabuti na lang sumali ang aking Nightrage Gang sa ekspedisyong ito. May nakikilala akong kamangha-manghang alchemist na mayroong pambihirang kaalaman.”

Humalakhak ang lalaki at inilahad ang kanyang kamay habang malapad na nakangiti. “Ako si Tayk Rombursa, ang lider ng Nightrage Gang. Ikaw, maaari ko bang malaman ang kagalang-galang na pangalan ng isang talentadong alchemist sa harap ko?”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now