Chapter LXIII

5.6K 1.1K 194
                                    

Chapter LXIII: Symbol of Inspiration and Additional Members

Makalipas ang ilang oras na paghihintay, sa wakas ay si Finn na ang sasalang upang isulat ang pangalan ng kanilang grupo at iguhit ang kanilang magiging opisyal na simbolo. Pinagmasdan niya muna ang malaking papel sa kanyang harapan. Sinuri niya ang mga nabuong puwersa at napansin niya ang mga tanyag na puwersa at grupo ng adventurer sa mga pangalang nakatala. Nakita niya ang mga puwersa na kabilang sa Crimson Lotus Alliance, at ganoon din ang puwersa na kanilang nakagirian--ang Nightrage Gang.

Bukod pa roon, mayroong mga pangalan ng grupo na bago sa pandinig ni Finn, pero wala siyang balak na pagtuunan ng sobrang pansin ang mga grupo o puwersang ito dahil ang kanyang kabuoang atensyon ay nasa kanilang grupo lamang. Sisiguruhin niya na ang New Order ang magiging pinakamalakas na grupo sa lahat ng puwersang sasabak sa pagtatasa, at hindi lang dito nagtatapos ang pagbuo ng pangalan ng New Order dahil plano niya itong dalhin sa iba pang mundo.

At sa hinaharap, ang grupong New Order ay makatatapak sa divine realm. Magiging matagumpay siya sa pamumuno sa grupong ito at naniniwala siyang sa kanyang mga karanasan, kaalaman at kayamanan, ang New Order ang magiging pinakamalakas na puwersa sa mundo ng mga adventurer.

Bumaling si Finn sa bakanteng espasyo sa papel at dinampot ang lumulutang na pinsel sa kanyang tabi. Sinimulan niya nang isulat ang mga letra na bubuo sa pangalan ng New Order at sa bawat letrang kanyang isinusulat, may liwanag na naiiwan na nagbibigay-hiwaga at mangha.

Matiwasay niyang natapos ang pagsusulat sa pangalan ng kanilang grupo, at ngayon sinisimulan niya na ang pagguhit sa kanilang magiging simbolo.

Matagal niya nang napag-isipan ang tungkol sa simbolong nais niyang gamitin sa oras na bumuo siya ng hukbo. Ang nais niya ay simple ngunit makahulugan at mayroong matinding ugnayan sa kanyang pinagmulan, isang simbolo na hindi ganoon kaakit-akit ngunit magbibigay pamilyar at inspirasyon sa kanya sa tuwing nakikita niya ang simbolong ito.

Inunang iguhit ni Finn ang isang bilog, at pagkatapos nagsimula na siya sa pangunahing bahagi ng simbolo kung saan gumuhit siya ng maihahalintulad sa isang puno na may mga ugat, sanga at bagong tubo na dahon.

Nang matapos niya ang simbolong kanyang iginuguhit sa papel, nakaramdam siya ng kakaibang pakiramdam. Tila ba mayroong dumampi sa kanyang mainit na hangin na nagbigay sa kanya ng komportableng pakiramdam. Pinagmasdan niya ng mabuti ang simple ngunit eleganteng simbolo, at dahil sa simbolong ito, naalala niya ang kanyang pinagmulang angkan.

Tama, ginamit ni Finn na inspirasyon ang Azure Wood Family para buoin ang simbolong ito--ang angkan na kanyang kinabibilangan na ngayon ay wala na.

Pagkatapos niyang magawa ang nais mangyari ng may-ari ng mundong ito, isang bagay na pangmarka ang lumitaw sa kanyang harapan. Nakaukit na rito ang kanyang iginuhit na simbolo, at ito na ang sinasabi ng tinig na gagamitin niyang bagay para markahan ang kanyang mga magiging miyembro.

Ngayong wala na siyang dahilan para manatili pa sa harap ng malaking papel, pumihit na siya at tinalikuran ito. Ibinaling niya na ang kanyang tingin sa kinaroroonan nina Eon at walang pasubali siyang nagtungo sa mga ito nang hindi pinapansin ang tingin ng mga adventurer sa kanyang paligid.

Nakuha ng grupo ni Roger ang atensyon ni Finn. Nagkukumpulan ang mga ito kasama si Poll at Paul ngunit hindi niya muna nilapitan ang mga ito bagkus, mabagal siyang lumapag sa kinaroroonan nina Yopoper at Yagar upang makausap ang dalawa tungkol sa kanilang bagong grupo.

“Tapos ko nang isulat sa talaan ang pangalan ng ating grupo. Ngayon, sisimulan na natin ang pagmamarka sa inyo upang opisyal na kayong mapabilang sa grupong New Order,” ani Finn.

Walang pag-aalinlangan na lumapit sina Yopopero at Yagar kay Finn. Magkasunod na idinikit ng binata sa baluti ng dalawa ang pangmarka. Lumitaw agad ang simbolo, at nang makita ito ng dalawa, nanabik sila dahil sila ang kauna-unahang opisyal na miyembro ng New Order.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now