Chapter XCVI

5.9K 1.1K 168
                                    

Chapter XCVI: Gaining Levels

Kasalukuyang nakatitig si Finn sa pahina ng librong lumulutang sa kanyang harapan. Wala na siya sa palapag kung saan mayroon siyang mga kasama. Napunta muli siya sa kaparehong lugar kung saan naganap ang unang bahagi ng pagtatasa, at nasa nayon siya ngayon. Kasalukuyan siyang naghahanap ng kayamanan na maaari niyang magamit para sa hinaharap at para sa kanyang pagsasanay. Ang tangi niya na lang kasama ngayon ay si Firuzeh na kasalukuyan siyang pinagmamasdan sa isang tabi.

Hindi na suot ni Firuzeh ang saklob na nagtatago sa kanyang mukha. Ang ginagamit niya rin ngayon ay ang kanyang orihinal na hitsura. Sila lang dalawa ni Finn ang nasa lugar na iyon, at dahil kilala na ng binata ang kanyang pagkatao, wala ng dahilan para itago niya pa ang kanyang totoong mukha.

Isinara ni Finn ang mga pahina ng libro sa kanyang harapan gamit ang kanyang isip. Naglaho rin ito na parang bula, at pagkatapos, bumaling siya kung saan naroroon si Firuzeh. Nagsimula siyang humakbang upang lumapit dito. Umayos na rin ng tayo si Firuzeh nang makita niyang palapit sa kanya ang binata. Bahagya siyang ngumiti at sinalubong niya ng tanong ang binata.

“Nakapili ka na ba ng kayamanan na nais mong makuha?” Tanong ni Firuzeh. “Puwede mong piliin iyon sa libro, o direktang sabihin sa akin kung ano iyon. Ibibigay ko iyon sa iyo agad.”

Bahagyang tumango si Finn kay Firuzeh at marahang tumugon, “Mayroong isang kayamanan na nais kong makuha ngunit wala sa iyong libro. Nakita ko na ang kayamanang iyon sa mundong ito kaya magbabakasakali ako na baka mayroon ka pa noon.”

Napakunot ang noo ni Firuzeh. Naging interesado siya sa kayamanang gustong hilingin ng binata. Inilahad niya ang kanyang kamay at sinabing, “Ano iyon? Sabihin mo lang at agad kong tutugunan ang iyong kayamanang gustong makuha basta mayroon ako.”

“Binigyan mo noon si Poll ng ganoong kayamanan noong sumabak siya sa pagsubok ng Bundok ng Buhay at Kamatayan. Gusto ko ring subukan ang aking suwerte, gusto ko ring magkaroon ng susi patungo sa mundo ng mga Guardian Spirit upang subukan na magkaroon ng katuwang na Guardian Spirit,” agad na paglalahad ni Finn sa kayamanang gusto niyang makuha mula kay Firuzeh.

Nabigla si Firuzeh, ngunit agad din siyang nakabawi. Napatango-tango siya at malumanay na nagsalit, “Ang kayamanang iyon..? Hm. Totoong mayroon pa ako ng mga kayamanang iyon ngunit limitado lang iyon. Hindi ko iyon isinali sa mga pabuya ngunit hindi ibig sabihin ay hindi ninyo maaaring makuha ang ganoong kayamanan.”

“Kung talagang gusto mong magkaroon ng susi patungo sa mundo ng mga Guardian Spirit, kailangan mong ipalit ang iyong isang milyong puntos para sa isa noon,” dagdag pa ni Firuzeh. Seryoso niyang tiningnan sa mga mata ang binata at nagpatuloy sa pagsasalita, “Handa ka bang ipalit ang isang milyong puntos para sa kayamanang iyon? Dapat mong tandaan na sa iyong suwerte at kapalaran nakasalalay kung magtatagumpay ka sa pagkakaroon ng katuwang na Guardian Spirit. Ang iyong estudyante ay sinuwerte sa kanyang unang subok, at kamangha-mangha iyon dahil noon, ako ay naka-sampung subok bago ako tanggapin ng isang Guardian Spirit.”

“Siyam na susi ang nasayang ko, at talagang nakakapanghinayang ang mga kayamanang iyon,” buntong-hiningang pailing-iling na pagsasalaysay ni Firuzeh sa kanyang karanasan.

“Sigurado na ako. Gusto ko ng isang susi patungo sa mundo ng mga Guardian Spirit, at ang lahat ng matitira kong puntos ay ilalaan ko para sa mga Chaotic Seed Pill,” ani Finn. “Mayroon akong pitumpung araw sa lugar na ito, at uunahin ko muna ang pagpapataas ng antas bago sumabak sa espesyal na pagsasanay na sinasabi mo.”

Sandaling nagkaroon ng katahimikan. Pagkatapos mag-isip ni Firuzeh, muli siyang nagsalita upang tugunan ang gusto ni Finn.

“Isang milyong puntos ang halaga ng susi patungo sa mundo ng mga Guardian Spirit habang ang bawat Chaotic Seed Pill ay nagkakahalaga ng walumpu't limang libong puntos. Kung bibilangin lahat ng natitira mong puntos, magkakaroon ka ng labing anim na Chaotic Seed Pill. Napakarami noon, at hindi magiging mabilis ang pag-absorb mo sa mga kayamanang iyon,” komento ni Firuzeh. “Wala ako sa lugar upang pangunahan ka o tutulan ka, pero bilang pagsisigurado, sigurado ka ba sa iyong desisyon, Finn Doria?”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now