Chapter XCI

5.9K 1.2K 247
                                    

Chapter XCI: Deception (Part 4)

Kinakalaban pa rin ni Finn sina Geyaj at Zrimbo nang walang kahirap-hirap hanggang sa ngayon. Madali niya lang na napagsasabay ang pakikipaglaban sa dalawa gamit ang kanyang dalawang espada. Kalmado rin siya, at hindi mababakasan ng pangamba ang kanyang ekspresyon na tila ba hindi banta sa kanya ang dalawa sa pinakamalalakas na miyembro ng Crimson Lotus. Nasa maayos pa rin ang kanyang kondisyon, at kahit na dalawang Chaos Rank ang kanyang kapalitan ng mga atake, nananatili pa rin siyang hindi napupuruhan.

At ang dahilan, iyon ay dahil ang dalawa niyang kalaban ay halatang wala na sa kanilang isandaang porsyento ng kondisyon. Si Geyaj at Zrimbo ay kagagaling lang din sa laban, at hindi na sila nagpahinga dahil deretso nilang hinanap ang New Order pagkatapos nilang makipagkasundo sa Crimson Guardian upang pabagsakin ang grupong pinamumunuan ni Finn.

Nahirapan sina Geyaj at Zrimbo na pabagsakin ang Might of Planthora. Hindi naging madali sa kanila ang laban, at mahigit kalahati sa kanilang mga kawal ang nalagas dahil sa labanang iyon. At ngayon, kahit na hindi pa sila lubusang nakababawi at gumagaling mula sa pinsalang kanilang natamo, nakikipaglaban na muli sila, at kay Finn pa na nasa maayos na kondisyon.

CLANG! CLANG! CLANG!

SWOOSH!

Nagmumula sa iba't ibang direksyon ang mga atake nina Geyaj at Zrimbo. Gusto nilang basagin ang depensa ni Finn, pero dahil sa bilis at lakas ng binata, kahit anong gawin nila ay hindi nila magawang matamaan ng direkta ang katawan nito.

Hindi nila matapatan ang kagalingan ni Finn sa paggamit ng espada, at kahit pa gumagamit sila ng malayuang atake, madali lang rin na naiilagan ng binata iyon gamit ang kanyang pambihirang bilis.

Ganoon man, kahit na hindi pumapabor ang sitwasyon kina Geyaj at Zrimbo, desidido pa rin silang labanan si Finn. Ang kailangan nila ay maabala ang binata habang ang kanilang mga tauhan at kasamahan ay sinusubukan na makalapit kay Poll.

Mayroon lang silang isang prayoridad sa ngayon, at iyom ay ang mapatay si Poll sa kompetisyon upang tuluyan nang bumagsak ang New Order.

Malaking kabiguan para sa kanila na hindi nila magawang matalo si Finn kahit pa sila ay nagtutulungan. Isang hindi pangkaraniwang 2nd Level Chaos Rank si Zrimbo, mayroon siyang mayamang karanasan sa pakikipaglaban sa ilang daan taon niyang pagiging punong komandante. Tungkol kay Geyaj, hindi rin siya pangkaraniwang 1st Level Chaos Rank lamang. Ang kanyang abilidad ay higit na kamangha-mangha pa kaysa sa ibang talentadong batang adventurer sa henerasyong ito.

'Ganito ba talaga kalaki ang agwat ng aming lakas at kakayahan..? Kahit ako at si Zrimbo ay hindi siya kayang talunin..' sa isip ni Geyaj matapos niyang makabawi mula sa kanyang pagkakatilapon dahil sa ganting-atake ni Finn.

Umiling-iling siya at huminahon. Inihanda niya muli ang kanyang sarili para sumugod.

"Hindi dapat ako panghinaan ng loob. Mas mahalaga na makuha namin ang kampeonato kaysa matalo ng lubusan si Finn Doria..." Pabulong na sambit ni Geyaj bago siya muling sumugod.

Tinulungan niya si Zrimbo na makipagsabayan ng atake kay Finn. Pabilis nang pabilis ang kanilang mga pagkilos, at ramdam nina Geyaj at Zrimbo na habang tumatagal, ang puwersa sa bawat atake ng binata ay lumalakas. Habang tumatagal ay mas nahihirapan na silang makipagsabayan sa binata, idagdag pa ang mabilis nilang pagkonsumo ng enerhiya kaya unti-unti, nakararamdam na sila ng pagkapagod at panghihina.

Samantala, habang si Finn ay abala sa pakikipaglaban kina Geyaj at Zrimbo, si Eon ay abala rin sa pakikipaglaban sa tatlong punong komandante ng Crimson Guardian. Tatlo ang kanyang kinakalaban ngayon, at isa sa tatlong ito ay si Kyuru--ang kinikilalang pinakamalakas na punong komandante ng Crimson Guardian.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now