Chapter XI

5.2K 1K 108
                                    

Chapter XI: Fruitful Encounter and Gaestus

Inihinto ni Perya--ang pinuno ng Silverskull Bandits ang pakikipaglaban sa kanyang katunggaling si Khan--ang pinuno ng Black Hand Gang matapos marinig ang pagsabog. Humiwalay siya sa kanyang kalaban, at bumaling sa nagsalita. Narinig niya ang sinabi ni Finn, at agad siyang napabaling sa lugar kung saan naganap ang isang malakas na pagsabog. Para bang bumagal ang bawat sandali para sa kanya nang makita niya ang nakahandusay at sunog na katawan ng lalaki. Wala na itong buhay, at ang tanging baluti na lamang nito ang pagkakakilanlan niya sa lalaking ito.

Bumakas ang matinding poot sa kanyang ekspresyon. Inilabas niya ang kanyang kakila-kilabot na aura, at dahan-dahan siyang bumaling sa kinaroroonan ni Finn. Nagngitngit ang kanyang mga ngipin. Nagkaroon ng bitak ang lupa na kanyang kinatatayuan dahil sa inilalabas niyang mabigat na aura.

Isang 3rd Level Heavenly Emperor Rank si Perya, at naramdaman iyon nina Finn kaya napatingin sila rito. Naramdaman ng binata ang matinding muhi at kagustuhang pumatay sa aura ni Perya kaya naghanda siya sa maaaring mangyari.

“Pinaslang mo ang kapatid ko?! Pinaslang mo si Habok!” Nanggagalaiting sigaw ni Perya.

Naramdaman ni Khan na hindi na maganda ang mga mangyayari. Hindi lang siya nangangamba kay Perya, nangangamba rin siya sa ginawa nina Finn para makagawa ng isang napakalakas na pagsabog. Naramdaman niya ang panganib kaya agad siyang nagbaba ng utos.

“Black Hand Gang, umatras na muna tayo! Dalian ninyo!” Sigaw niya at agad na naglaho ang kanyang pigura.

Agad na sumunod sa kanyang utos ang mga miyembro ng Black Hand Gang. Lahat ng may bandana ng dalawang kamay ay agad na umatras at lumayo sa lugar. Tinangay nila ang kanilang mga kasamang sugatan pero humihinga pa. Inakay nila ang mga ito at mabilis na lumisan sa lugar. Iniwan na nila ang mga kayamanan at bangkay na nagkalat sa paligid dahil kahit na mahahalaga ang mga ito, kailangan nilang magmadali dahil sa huli, mas mahalaga pa rin na manatili silang buhay.

Hindi nila magagamit ang kayamanan kapag patay na sila. Hindi nila ito madadala sa kabilang buhay.

Walang emosyong tiningnan ni Finn si Perya. Wala siyang pakialam sa pag-atras ng grupo ni Khan, nakatuon lang ang kanyang atensyon kay Perya at inihanda ang kanyang pag-atake sa oras na sugurin sila nito.

“Papatayin kita!!” Sigaw ni Perya at mabilis siyang sumugod kay Finn.

Ang kapangyarihan ni Perya ay maihahalintulad kay Jetro. Asido rin ang kanyang kapangyarihan kaya delikado siyang labanan ng harapan.

Ganoon man, walang balak si Finn na labanan si Perya ng harapan. Kinuha niya ang pagkakataong ito, kung kailan nangingibabaw ang galit sa puso ni Perya.

Agad siyang naglabas ng Multi-colored Pill, at ginamitan niya ito ng kakarampot na enerhiya bago niya ito ibato kay Perya.

Tumama ang pill sa katawan ni Perya, at pagkatapos, muling naipon ang marahas na enerhiya. Naglabas ng magkakaibang liwanag ang pill, at isa muling napakalakas na pagsabog ang umalingawngaw sa tuktok ng bundok.

Ang lahat ng miyembro ng Silverskull Bandits ay nakatunganga lang sa lahat ng nangyari. Hindi sila nakakilos dahil masyadong mabilis ang mga pangyayari at hindi rin nila alam kung ano ang kanilang dapat gawin sa ganitong sitwasyon.

Basta na lamang sumugod ang kanilang pinuno nang hindi nagbibigay ng hudyat o utos sa kanila. Nasaksihan din nila ang matindinh galit nito kaya hindi na sila nakasingit pa.

At ang nangyari, pinanood lang nila ang kanilang pinuno na ito ay masabugan ng kakaibang pill. Bago ito sa kanilang paningin at kaalaman, at bawat isa sa kanila ay gulat na gulat sa pangyayaring ito.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon