Chapter IX

5.4K 1K 76
                                    

Chapter IX: Heartfelt Moment and the Pill that Explodes

Pinagmasdan ng grupo nina Finn ang napakalawak na espasyo sa loob ng kuweba, at sa halip na masiyahan, mas nahiwagaan at nagtaka pa sina Finn dahil halatang ang kuwebang ito ay hindi natural na nabuo. Mayroong bumuo rito dahil ang sahig ay makinis ganoon din ang kisame. Walang kahit na anong makikita sa loob ng kuweba maliban sa maliliit na tipak ng bato at kakaibang mga kristal na nagbibigay liwanag o ilaw sa buong kuweba. Ang kuwebang ito ay para bang silid na walang palamuti at mga muwebles.

Naglakad sina Finn sa malawak na espasyo, at wala silang naramdamang presensya ng kahit sinong nilalang doon.

“Eon, isarado mo ang bunganga ng kuweba upang walang makakitang ibang adventurer o nilalang sa kuwebang ito,” utos ni Finn kay Eon. “Dito na muna tayo pansamantala habang tinatapos ko ang lahat ng aking kailangang gawin bago tayo muling mag-imbistiga at makipagsapalaran sa mundong ito,” aniya pa.

Ngumiti ng malapad si Eon at agad na humarap kung nasaan ang pinasukan nilang bunganga ng kuweba. Mabilis na naglaho ang kanyang pigura upang sundin ang utos ng kanyang master.

Inalis ni Finn ang suot niyang maskara, at muling tumambad ang maaliwalas niyang mukha at pares ng ginintuang walang emosyong mga mata. Inilibot niya ang kanyang paningin, at agad niyang inutusan sina Reden na libutin pa ang kuweba upang masigurado nilang walang nilalang na nasa loob at natutulog.

Dahil sa mga kristal na nagliliwanag na nagkalat sa sahig, dingding at kisame, hindi problema nina Finn ang dilim sa lugar. Nagmistulan lang silang nasa labas, at dahil na rin sa kanilang matalas na paningin, mas madali para sa kanila na makita ang bawat detalye ng isang bagay.

Makalipas ang ilang sandali, agad na bumalik si Eon. Inalis niya rin ang kanyang sirang omaskara at nagwika, “Nagawa ko na ang ipinag-uutos mo, Master. Siguradong sa ginawa kong harang, hindi na tayo mapapasok basta-basta ng kung sino man. Hindi nila makikita ang lugar nila basta hindi nila mabusising susuriin ang kinalalagyan ng ating kuweba.”

“Kung gano'n...” tumango si Finn kay Eon. Inilabas niya ang interspatial ring na pinaglalagyan ng mga Crystal Eyes Turkey na pinaslang niya, at pagkatapos inilabas niya ang mga bangkay nito at kumalat ito sa buong lugar. “Sisimulan na natin ang pagpoproseso sa mga bangkay. Ilabas n'yo na ang lahat ng bangkay at kayamanan na ating nakolekta. Habang hinihigop nina Reden, Heren at Ysir ang death energy sa mga bangkay, kukuhanin naman natin ang mahahalagang bahagi sa mga bangkay ng halimaw upang masimulan ko na ang paggawa sa Multi-colored Explosive Pill.”

Lumitaw sina Reden sa likuran niya at agad na yumukod. Dala nila ang balita na walang kahit anong nilalang ang nagtatago o natutulog sa kuweba. Walang palatandaan na mayroong nanirahan ditong halimaw o adventurer.

Nang marinig ni Finn ang ulat ng tatlo, inutusan niya na ang mga ito na higupin ang lahat ng death energy ng mga bangkay na kanilang napaslang. Inilabas na rin ni Paul at Eon ang kanilang nakolekta bangkay, at sa kabuoan sobrang dami nito dahil bumibilang ito ng libo-libo.

Napakarami ng Heavenly Knight Rank at Heavenly Lord Rank habang ang mga Heavenly King Rank ay bumibilang sa daan-daan. Bukod sa mga kayamanang mapapakinabangan nila sa mga bangkay na ito, ang death energy ng mga ito ay siguradong malaki ang maitutulong kina Reden.

Sinimulan na nina Reden ang pag-absorb sa death energy ng mga bangkay habang sina Finn ay nagsimula na rin sa pagkuha ng mga kayamanan kayamanan mula sa bangkay ng mga halimaw.

Inunang kinolekta ni Finn ang mga kayamanan sa Crystal Eyes Turkey. Ang mahahalagang bahagi sa pabo ay ang mga mata at ang energy core nito. Mapakikinabangan din ang mga balahibo nito at buto dahil maaari iyong gawing armament ng isang blacksmith.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Onde histórias criam vida. Descubra agora