Chapter LVII

5.3K 1.1K 171
                                    

Chapter LVII: True Dragon and Submitting to a True Leader (Part 1)

Lumipas ang mga araw at linggo ngunit nanatiling walang ginagawa si Eon kung hindi ang magnilay-nilay. Ilang laban na ang naganap habang siya ay nananatiling payapang nakaupo sa kanyang inuupuang malaking tipak ng bato. Wala pa rin sina Finn, at habang masigasig siyang naghihintay, sinusubukan niyang palawigin pa ang kapayapaan ng kanyang isip. Sinusubukan niyang maging tahimik, ngunit paminsan-minsan ay mayroong lumalapit sa kanya upang siya ay istorbohin.

At ang sadya, siyempre ang pagsusubok na maisama siya sa isang grupo. May ilan na lumalapit sa kanya para hingiin ang kanyang tulong na pabagsakin ang dragon ngunit lahat ng ito ay hindi niya pinapansin. Mayroong nagagalit ngunit mayroon din namang hinahayaan na lang siya. Wala rin siyang pakialam sa kung ano ang reaksyon ng mga ito dahil ang tanging mahalaga lamang sa kanya ay ang muling makasama ang kanyang master upang masimulan na nila ang pakikipaglaban sa halimaw.

Upang mabawasan ang mga lumalapit at umiistorbo sa kanyang payapang pagninilay-nilay, naglagay siya ng karatula sa kanyang tabi na mayroong nakasulat na “huwag istorbohin”. Totoong nawala ang mga lumalapit sa kanya, pero marami ang itinuring kakatuwa ang kanyang paglalagay ng karatula.

Sa mga puwersa at grupo na kumalaban sa ilusyon ng fire dragon, walang pakialam si Eon. Kahit na may mga dumating ng adventurer na malalakas at tanyag ay hindi siya nagkaroon ng interes dahil ang lahat ng kanyang nais na makita ay nakita niya na noong kinakalaban nina Geyaj ang ilusyon ng fire dragon.

Ngayon, sinusubukan ni Eon na magnilay-nilay para paghandaan ang paggamit niya sa isang kakayahan na siguradong makatutulong sa kanila upang mabilis na mapabagsak ang halimaw.

‘Isang daang porsyento akong sigurado na nais labanan ni Master ang dragon na iyon ng kami lang. Pero, hindi iyon magiging madali kung lalabanan namin iyon sa simpleng paraan. Kailangan kong gamitin ang aking kakayahan para mas mapadali sa amin ang lahat, ngunit sa kabilang banda, matalo namin ang ilusyong ito nang hindi kinakailangan ng maraming adventurer,’ sa isip ni Eon.

Kahit na siya ay mapagmalaki, hindi niya pa rin binabalewala ang kapangyarihan at lakas ng isang dragon. Hindi nila matatalo ang ilusyong ito gamit lamang ang kanilang purong lakas o mga kakayahan, kailangan niyang gamitin ang kanyang kakayahan dahil siya lang sa kanilang grupo ang makagagawa noon upang matalo nang agaran ang halimaw.

Habang patuloy siya sa kanyang pagninilay-nilay, ang mga adventurer na naghihintay ay dumarami na rin. Naghihintay sila sa pagdating ng malalakas na puwersa o indibidwal. Wala pa sa kanila ang may lakas ng loob na kalabanin ang halimaw dahil wala pa sa kanila ang nasa Chaos Rank.

Kahit na nais na nilang makapasok sa Trial of Heavens, wala silang magagawa kung hindi ang maghintay kaysa mamatay sila dahil sa kanilang pagpapadalos-dalos.

Habang payapa pa ring nagninilay-nilay, napamulat si Eon nang may maramdaman siyang presensya ng tatlong pamilyar na adventurer. Agad niyang hinanap kung saan nagmumula ito, at nang makita niyang papalapit na sa kanya ang mga ito, napangiti siya ng malapad at nakahinga na siya ng maluwag.

Nakita niyang papalapit sa kanya sina Finn, Paul, Poll at ang tatlong soul puppet. Nakaramdam siya ng pananabik dahil sa wakas, magkakaroon na muli ng aksyon. Muli na siyang lalaban, at sa labang ito, siguradong kahit papaano ay mahihirapan siya dahil hindi na biro ang kanilang kahaharapin.

Hinintay ni Eon na makalapit sa kanya sina Finn. Kakaiba ang tingin sa kanya ni Poll, at kapansin-pansin na sinusulyapan nito ang karatula sa kanyang tabi.

Napakunot ang noo ni Eon ngunit hindi niya pinagtuunan ng pansin ang tila ba nakakainis na tingin sa kanya ni Poll. Ibinaling niya na lang ang kanyang atensyon sa kanyang master at magalang na yumuko rito.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon