Chapter LXX

5.6K 1.1K 101
                                    

Chapter LXX: Before the Final Plan

Sa pansamantalang pagkawala ng banta ng mga Chaos Rank na diyablo, namayagpag ang pangongolekta ng puntos ng grupong New Order sa kanilang kinaroroonang palapag sa Trial of Heavens. Iginugol ng bawat isa sa kanila ang kanilang panahon at lakas upang pumaslang ng mga diyablo para makolekta nila ang isang milyong puntos bago tuluyang matapos ang pagtatasa. Ang ilan sa kanila ay nakararamdam na ng pagod at panghihina kaya hindi nila naiwasan na sumunod sa napagkasunduan na kapag nawalan na sila ng kakayahan na makipaglaban, magtutungo sila sa ligtas na nayon upang magpahinga at magpagaling--kagaya na lang ni Roger at ng kanyang mga kasamahan dahil hindi na nila kayang magpatuloy pa sa pakikipaglaban sa kasalukuyan nilang sitwasyon.

Marami ring miyembro ng Bloody Puppeteers ang napilitang huminto sa pakikipaglaban dahil ang kanilang mga manika ay naubusan na ng enerhiya. Wala silang nagawa kung hindi ang magpahinga at ayusin muna ang kanilang mga manika bago sila muling bumalik sa lugar na pinaglalabanan upang pumaslang ng mga diyablo.

Tungkol sa malalakas na miyembro ng New Order, nagagawa pa rin nilang magpatuloy kahit na ang ilan sa kanila ay kinalaban ang mga Chaos Rank na diyablo at lumalaban hanggang ngayon mula umpisa ng pagtatasa. Hindi nila naabot ang antas na ito ng kanilang lakas dahil lang gumamit sila ng kayamanan, may dahilan kung bakit sila tanyag at malakas, at ang simpleng pagtagal sa labanan ay balewala na lamang sa mga kagaya nilang talentado at totoong may kakayahan sa pakikipaglaban.

Si Finn ang pinakamagandang halimbawa sa usaping ito. Para bang hindi siya nakararamdam ng panghihina kahit tuloy-tuloy ang kanyang paggamit ng enerhiya. Hindi lang siya nakikipaglaban, bumuo pa siya ng sealing formation na nakakapagod at nakapanghihina rin. Ganoon man, nasa wastong hugis pa rin siya hanggang ngayon, at ang pagod ay hindi mababakas sa kanyang ekspresyon, mga mata o aura. Nananatiling nasa isang daang porsyento ang kanyang kondisyon, at siya na lamang sa lahat ng kabilang sa New Order ang ganito dahil kahit si Klaws ay hindi na rin kayang panatilihin pa ang isang daang porsyento ng kanyang enerhiya dahil sa kagustuhan niyang makarami ng puntos para sa kanyang sarili at sa New Order.

Hinarap ni Klaws ang sandamakmak na mga diyablo. Bumibilang ito ng daan-daan, at kasalukuyan itong pasugod sa kanyang kinaroroonan. Nasa himpapawid siya at kalmado lang ang kanyang ekspresyon. Naghihintay siya ng tamang pagkakataon, at hinihintay niya na mas dumami pa ang mga diyablo na pasugod sa kanya sa iba't ibang direksyon.

Makaraan ang ilang sandali, kumpyansang ngumiti si Klaws at inilahad niya ang kanyang mga braso sa kanyang kaliwa't kanan. Mayroong naipong enerhiya sa kanyang palibot. Ilang metro ang layo ng naabot nito, at noong magbulong siya ng mga salita, nagkaroon ng mahinang pagyanig sa ilalim ng lupa at pagkatapos, may bigla na lamang buhangin na umangat sa lupa at naging tinik na tumuhog sa bawat diyablong palasugod sa kanyang kinaroroonan.

SWOOSH!!!

Bawat diyablong tinamaan ng tinik na buhangin ay agad na naglaho. Walang nakaligtas kahit isa sa mga diyablo, at naging maaliwalas na ang paligid dahil sa ginawang pagpaslang ni Klaws sa mga diyablo sa isang iglap lamang.

Agad na kumain si Klaws ng mataas na kalidad ng recovery pill. Muli niyang nasilayan ang paglitaw ng mga diyablo hindi kalayuan sa kanyang kinaroroonan, ganoon man, nanatili pa rin siya sa kanyang kinatatayuan habang mahinahong kinokontrol ang pagkalat ng bisa ng recovery pill sa kanyang katawan.

Nang malapit na sa kanya ang mga diyablo, itinuon niya na muli ang kanyang atensyon sa laban. Inilabas niya ang dalawa niyang espada at sinimulan na ang pagwasiwas sa mga ito. May matatalim na buhangin ang namumuo sa bawat wasiwas niya ng kanyang mga espada. Umaabot ng malayo ang kanyang bawat atake, at sa bawat pagwasiwas niya, dose-dosenang mga diyablo ang namamatay.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now