Chapter LXXIX

5.3K 1.2K 143
                                    

Chapter LXXIX: The Heaven's Punishment is also the Heaven's Blessings

Matapos ang halos limang oras na pagpapahinga at pagninilay-nilay, tumayo si Poll mula sa pagkakaupo niya sa sahig. Huminga siya ng malalim at iminulat niyang muli ang kanyang mga mata. Mababakas ka pa rin sa pares ng itim niyang mga mata ang nag-aalab na determinasyon at kalinawan. Handa na siyang magtungo sa ikalawang bahagi ng pagbuo ng pill. Nasa rurok na siya ngayon ng kanyang kondisyon. Handa niya nang pag-isahin at i-hulma sa hugis na pill ang mga likidong nakalagay sa mga babasaging garapon.

Naging tensyonado't sabik ang mga miyembro ng New Order dahil sa pagkilos ni Poll. Ilang oras silang naghintay sa muling paggalaw ng kanilang pambato, at ngayon, muli nilang masasaksihan ang pagtatrabaho ng kanilang inaasahan para makakuha sila ng puntos. Tahimik lang silang nakatingin sa imahe ni Poll, at hinihiling nila sa kanilang puso ang pagtatagumpay ng binatilyo sa binabalak nitong pagbuo sa pill.

Higit pa roon, hinihiling ng bawat isa sa kanila na makagawa si Poll ng pambihirang pill upang makuha niya ang unang puwesto, at makatanggap sila ng malaking bilang ng puntos mula sa may-ari ng mundo ng alchemy.

Pagkatapos ng sandaling pagtulala at pakikiramdam sa kanyang kondisyon, ibinaling ni Poll ang kanyang atensyon sa mga garapon na nakapatong sa mesa. Inalis niya ang takip ng mga ito, at muling kumalat ang halimuyak at amoy ng bawat isang likido sa paligid. Naghalo-halo na ang amoy, mayroong kaaya-aya at mayroon din namang hindi.

Hinayaan ni Poll na bukas ang mga garapon. Ang bisa ng mga likidong ito ay hindi mawawala kahit pa bukas ang garapon kaya hindi siya nakararamdam ng pangamba. Muli na lang siyang lumapit sa cauldron habang ang mga garapon na nasa mesa ay nagsimula ng lumipad at lumutang sa kanyang palibot.

Muling binuksan ng binatilyo ang takip ng cauldron. Inilabas niya muli ang kanyang blue alchemy flame at huminga muna siya ng malalim bago niya ito kontrolin papasok sa cauldron. Bumuo muli siya ng ugnayan sa cauldron at kanyang alchemy flame. Kinontrol niya ang lakas ng apoy sa loob, at nang makuha niya ang tamang pagliyap ng apoy, sinimulan niya nang kontrolin ang mga likido sa garapon gamit ang kanyang enerhiya.

Sinigurado niyang hindi matatapon ang kahit isang butil ng likido dahil bawat patak ng likido ng bawat sangkap ay napakahalaga. Dinahan-dahan niya lang ang pagkontrol at paggabay sa mga ito papasok sa cauldron. Nagiging maingat na siya ngayon hindi kagaya noong unang bahagi ng pagbuo sa pill, kailangan niya nang maging maingat dahil mas komplikado na ngayon ang bahaging ito.

Nang magabayan niya na papasok sa cauldron ang lahat ng likido, humalimuyak muli ang iba't ibang amoy ng likido dahil dumadampi na ang mga ito sa kanyang blue alchemy flame. Marahan niyang ibinalik ang takip ng cauldron. Sinimulan niya na muli ang pagkontrol sa alchemy flame at cauldron pero sa pagkakataong ito, nadagdagan ang kanyang kokontrolin dahil sa pagpasok ng mga likido sa eksena.

Magsisimula na siya sa pag-iisa sa mga likido. Kailangan niya itong gawin ng may pag-iingat at pagsisigurado. Hindi siya maaaring pumalya at magkamali dahil kapag nangyari iyon, mababalewala ang lahat ng kanyang pinaghirapan. Uulit siya sa simula ngunit wala na siyang magagamit na sangkap kahit isa, at kapag nangyari iyon, mapipilitan siyang gumawa ng ibang uri ng pill.

‘Hindi ako papalpak. Kakayanin kong buoin ang pill na iyon!’ Sa isip ni Poll at mas lalo niya pang itinuon ang kanyang konsentrasyon sa pagkontrol para mapagsama-sama niya ang iba't ibang uri ng likido sa loob ng cauldron.

Ang pag-iisa o pagsasama-sama sa iba't ibang uri ng likido na may iba't ibang katangian ay mahirap at mahabang proseso. Marahil tatagal ito ng ilang araw, at sa ilang araw na iyon, kailangang magpakatatag ni Poll lalo na sa oras na malapit niya nang mabuo ang pill.

Ngayon ay nasa madaling bahagi pa lamang siya. Nagsisimula pa lang siya sa kanyang kailangang gawin kaya nagagawa niya pang maging kalmado, ganoon man, hindi magtatagal ay mararanasan niya ang hirap at pagdurusang pisikal at mental na hindi niya pa nararanasan noon.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now