Chapter XXI

5.1K 1K 76
                                    

Chapter XXI: Priveleged

Pinagmasdan ni Finn ang kumpulan ng mga adventurer. Malalim na ang gabi ngunit ilang hanay ng siksikang pila ang kanyang nasasaksihan ngayon at hindi niya alam kung hanggang kailan sila makakapagpalista kung pipila pa sila at makikisali sa siksikan. Sa tantya niya, kahit na mabilis ang proseso, magtatagal pa rin ito ng halos isang buong araw. Buong araw silang maghihintay para lamang makapagpalista ganoong maaari pa nilang magamit ang isang buong araw na ito para maghanap pa ng mga kayamanang kanilang maaaring bilhin.

Matapos ang sandaling pag-iisip, bumaling si Paul kay Finn at sa iba pa niyang kasama.

“Maaaring ako na lang ang magpalista at magsali sa inyo sa ekspedisyon. Ako na ang bahalang pumila habang kayo ay naglilibot para mamili pa ng mga kayamanan,” pagpiprisinta ni Paul. “Wala pa akong masyadong nagagawa para sa inyo kaya gagamitin ko ang oportunidad na ito upang makatulong kahit kaunti,” dagdag niya pa.

Napabaling ang tatlo sa kanya. Makikita sa mga mata ni Poll ang pagpapasalamat habang nakatingin kay Paul habang si Eon ay walang pagbabago sa kanyang mga mata.

Inilahad niya ang kanyang kamay, umismid at mayabang na nagsalita, “Mabuti. Ngayon na may gagawa na ng paraan para makasali tayo sa ekspedisyon nang hindi pumipila sa siksikang iyan, malaya na ulit tayong makakapamili, Master.”

Ibinaling ni Finn ang kanyang tingin sa ibang direksyon. Walang kahit anong emosyon pa rin ang makikita sa kanyang mga mata habang nakatitig sa kawalan.

“Huwag kang gagawa ng hakbang. Kung mayroon mang pilit na gumugulo sa iyo, hayaan mo. Kami ang bahalang magturo ng leksyon pagbalik namin,” ani Finn.

“Naiintindihan ko, Ginoong Finn Doria. Mag-iingat ako at magpapakumbaba,” tugon ni Paul.

Kahit hindi sa kanya nakatuon ang atensyon ni Finn, at kahit simple lang abg pagkakasabi nito sa mga salitang iyon, ramdam ni Paul na kahit papaano ay hindi siya gustong mapahamak ni Finn. Naging masaya siya sa loob-loob niya dahil napagtanto niyang hindi lang basta utusan ang tingin sa kanya ng grupong kanyang kinabibilangan.

Aalis na sana si Paul upang pumila, ganoon man, huminto siya nang mapagtanto niyang may papalapit sa kanilang kawal. Mayroong tatak ng Crimson Beast sa suot nitong baluti, at sa hitsura at aura na tinataglay ng kawal na ito, isa siyang beastman na may antas at ranggong 2nd Level Heavenly Emperor Rank, kasing antas nina Eon at Finn.

“Ipagpaumanhin ninyo ngunit narinig ko ang inyong usapan,” ani ng kawal. “Ako nga pala si Vrukdu, komandante ng ikalawang dibisyon ng Crimson Beast na naglilingkod kay Punong Komandante Xernok,” pagpapakilala niya pa.

Naging mapanuri ang tingin ni Eon habang si Finn ay blanko lang ang tingin. Napansin ni Poll na walang balak na tumugon ang dalawa kaya siya na ang nakipag-usap.

“Ikinagagalak ka naming makilala, Komandante Vrukdu,” balik na bati ni Poll. “Ako naman si Poll Murayon, ito si Eon, ito ang aking Guro, si Gurong Finn Doria habang siya naman si Paul Bayson, ang aming kinatawan. Matanong ko lang, mayroon ka bang sadya sa amin? Nabanggit mong narinig mo ang aming usapan tungkol sa pagsali sa ekspedisyon, mayroon bang problema roon?” Pagtatanong ni Poll.

Ikinatuwa ni Vrukdu ang pagiging magalang ni Poll sa kanya. Ngumiti siya rito at bahagyang tumango. “Wala namang problema. Mayroon lang akong ipapaalam sa inyong magandang balita,” aniya.

Naglabas siya ng dalawang balumbon na papel. Hinawakan niya muna ang mga ito at marahang nagpatuloy sa kanyang nais sabihin. “Mayroong kautusan sa aming mga kawal na kapag may mga Heavenly Emperor Rank na nais sumali sa ekspedisyon, bibigyan sila ng prayoridad at hindi na nila kakailanganin pang pumila. Hindi lang kami naririto upang magbantay sa maaaring gulo na maganap sa pila, narito rin kami para personal na alukin ang mga Heavenly Emperor Rank na nais sumali sa ekspedisyon.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now