Chapter LIII

4.9K 1.1K 127
                                    

Chapter LIII: Spare them

“Sandali lang!” Mariing sigaw ni Krayon habang marahas na nakatingin kina Finn. Ginawa niya ito para pahintuin ang grupo ni Finn sa pag-abante, at kahit na alam niyang dehado ang kanilang pangkat kahit na lamang na lamang sila sa bilang, naglakas-loob pa rin siya na manindigan dahil naisip niyang kailangang malaman nina Herian ang tungkol sa pagkakakilanlan ng grupo ni Finn. Kailangan niyang ipaalam ang kanyang nalalaman dahil maraming nakasalalay rito.

Ngayon niya lang nalaman na naririto rin pala sina Finn sa mundong ito, at hindi niya alam kung ano ang talagang balak ng grupo ni Finn kung bakit sila nagtungo sa Crimson Lotus Realm. Sa pagkakaalam niya, nagmula sa lower realm sina Finn subalit ang hindi niya alam ay kung paanong nagmula sila sa isang lower realm ganoong noong una silang magkita ay nasa Heavenly King Rank na agad ang antas nila.

Kailangan niya pa ring ipaalam sa kanilang mga panginoon ang pag-iral ng grupo ni Finn sa Crimson Lotus Realm pero dahil sa paglitaw ng lagusan patungo sa mundong ito, isinantabi niya muna iyon at itinuon niya ang kanyang atensyon para sa kanilang misyon.

Dahil sa pagsigaw ni Krayon, huminto sina Finn at hindi na nagpatuloy sa paghakbang. Tiningnan niya lang si Krayon gamit ang kanyang mga matang hindi mababakasan ng buhay.

Naramdaman ni Herian ang tensyong nararamdaman ni Krayon. Seryoso rin siyang tumingin kay Finn at nagsalita, “Kilala mo sila? Sino ang mga taong iyan?”

“Hindi ko alam kung ano ang kanilang pangalan pero pamilyar sila sa akin dahil minsan nsng nagkrus ang mga landas namin. Hindi sila basta-basta lamang, Punong Komandante Herian! Sila ay hindi mga adventurer na nagmula sa Crimson Lotus Realm!” Agad na tugon ni Krayon habang nanlilisik na mga matang nakatingin pa rin kay Finn.

Nagulantang si Herian sa kanyang nalaman. Mas naging alerto pa siya at agad niyang inilabas ang kanyang katana na naging dahilan para mas maging alerto pa ang kanyang mga kawal. Kahit na hindi pa malinaw, agad niyang naunawaan ang kasalukuyan nilang sitwasyon. Kaharap nila ngayon ang banyagang grupo ng adventurer, at hindi nila alam kung ano ang balak ng mga ito kaya kailangan nilang maging handa.

Pero, wala sila sa kanilang isang daang porsyentong kondisyon. Wala na siya sa limampung porsyento ng kanyang lakas habang si Finn ay halatang nasa maayos na kondisyon. Pareho silang nasa 9th Level Heavenly Emperor Rank, at kung maglalaban sila, malinaw sa kanyang dehado siya.

“Ano'ng ibig mong sabihin? Paano mo nasabing hindi sila mamamayan ng Crimson Lotus Realm? Paano nagkrus ang landas ninyo? Ipaliwanag mo sa akin ang sinasabi mo,” tensyonadong tugon ni Herian.

Hindi nagsalita si Finn o sina Poll. Nanatili lang silang kalmado habang pinanonood ang dalawa sa ginagawa ng mga itong pag-uusap. Nararamdaman niya ang kasalukuyang kalagayan ng pangkat ni Herian, at wala siyang balak na magsayang ng panahon sa mga ito dahil para sa kanya, wala siyang makukuhang benepisyo sa pagpaslang niya sa mga ito bukod sa mga death energy at kayamanan.

Ganoon man, ang kanilang prayoridad ay nilinaw niya na. Kailangan nilang makuha ang Chaotic Fruit, at ang pakikipaglaban sa pangkat nina Herian at Krayon ay kasayangan lang ng oras para sa kanya.

Hindi pa rin inaalis ni Krayon ang kanyang tingin kay Finn. Nakikipagtitigan siya sa binata habang nagngingitngit ang kanyang mga ngipin. Hindi niya makakalimutan ang kanyang pagkatalo at muntik na kamatayan, at oo nangangamba siya na baka maulit iyon ngunit hindi siya natatakot dahil alam niya ang kanyang sinumpaang tungkulin.

“Noong natagpuan mo akong sugatan at hindi na halos makatayo, nabanggit ko sa iyo ang nangyari sa lugar na aking pinangangasiwaan. May grupo ng adventurer na nasa Heavenly King Rank ang nakapuslit sa Crimson Lotus Realm, at sila iyon, Punong Komandante Herian. Sila ang kahina-hinalang adventurer na sinasabi ko sa iyo noon pa man,” mariing sambit ni Krayon na ikinabigla ni Herian.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now