Chapter XLII

4.9K 1K 79
                                    

Chapter XLII: Using their own Secret Weapon

Habang kinakalaban si Gyuru, hindi mapigilan ni Finn na maalala ang lahat ng malalapit sa kanya na naging biktima ng pagkawasak ng Ancestral Continent dahil kay Jero. Ang kanyang mga atake ay pabigat nang pabigat, at ito ay resulta ng kanyang matinding galit sa lahat ng may kasalanan sa pagkawala ng kanyang mga mahal sa buhay. Hindi niya na makontrol ang kanyang emosyon kaya kahit maikukumpara lamang dapat sa isang pangkaraniwang 9th Level Heavenly Emperor Rank ang kanyang kapangyarihan, nabago ito at unti-unti niya nang natatapatan ang lakas ni Gyuru.

Gumagamit lamang siya ng mahinang klase ng mga sandata subalit dahil sa kanyang pinag-isang enerhiya at mga pambihirang skill, hindi naging hadlang ang kanyang mga sandata para malamangan siya ni Gyuru. Hindi lang lagi nakasalalay sa sandata o baluti ang lakas ng isang adventurer, karagdagan lang ito at ang totoong kailangan sa isang laban ay ang aktwal na lakas ng kapangyarihan.

Ito ang hindi maunawaan ni Gyuru nang lubusan. Hindi niya maintindihan kung bakit habang tumatagal ay mas tumitindi pa ang mga atake ni Finn na halos nakasasabay na sa kanyang mga atake. Sa tingin niya, dapat habang tumatagal ay negatibo ang lumalabas na epekto ng pagkain ng binata ng kung anong kayamanan subalit kabaligtaran nito ang nangyayari.

Nakararamdam na siya ngayon ng takot. Nangangamba't natatakot na siya sa kakila-kilabot na potensyal ni Finn. Alam niyang kung mabubuhay ang binata, malaking bangungot ang kanyang kahaharapin.

Hindi na siya maaaring umatras sa ngayon. Masyado na siyang maraming isinakripisyo para makuha ang kasalukuyan niyang posisyon. Marami rin siyang pinangangalagaan, at alam niya na kapag namatay siya sa labanang ito, malaki ang magiging epekto nito sa Crimson Guardian.

Ganoon man, paano pa siya makakaatras sa sandaling ito? Naiipit na siya at ayaw siyang lubayan ni Finn. Isa pa, hindi niya kailanman gagawin na tumakas sa labang ito. Kung gagawin niya, habang-buhay niyang dadalhin ang kahihiyang ito, at ito ang magiging dahilan ng pagkasira ng kanyang konsentrasyon na magreresulta sa kanyang hindi pagtaas ng antas at ranggo.

‘Ang kailangan ko lang gawin ay matalo ang taong ito at masira ang pabilog na harang na pumoprotekta kay Klaws Deterio. Mapapasakamay ko ang Chaotic Fruit na iyon! Marami na akong sinayang na oportunidad dahil sa pagtugis ko kay Klaws Deterio, at kung babalik ako sa Crimson Lotus Realm na nananatiling nasa 9th Level Heavenly Emperor Rank, mas nanaisin ko pang mamatay!’ Sa isip ni Gyuru.

Mayroon siyang mga kayamanan na alas niya kung sakaling maipit siya sa isang komplikadong sitwasyon, subalit sa pagkakataong ito isa lang sa kanyang mga kayamanan ang alam niyang makatulong sa kanya para matalo niya si Finn. Ihahanda niya sana ito para sa mas malalakas na kalaban, o kung sakali mang may makagirian siyang talentadong batang adventurer, ganoon man, hindi na siya maaaring magpigil pa ngayon dahil kung magpapatuloy ang ganito, siya ang matatalo at ang kanyang buhay at kamatayan ay hindi niya na makokontrol.

Kailangan niya nang ibigay ang isang daang porsyento niya. Ilalabas niya na ang lahat ng alas na maaari niyang ilabas habang may pagkakataon pa siya.

Pero sa ngayon, kailangan niya munang maghintay ng oportunidad para magamit ang mga alas na iyon. Hindi siya nilulubayan ni Finn kaya nakaisip siya ng paraan.

“Komandante Mizula, Komandante Gamban! Ipaubaya n'yo na sa iba ang pakikipaglaban n'yo sa mga kalaban n'yo! Tulungan n'yo muna akong abalahin ang isang ito ng kahit isang minuto!” Sigaw ni Gyuru.

Itinigil ni Finn ang kanyang pag-atake nang marinig niya ang ipinag-uutos ni Gyuru sa kanyang mga komandante. Umatras siya ng ilang metro kay Gyuru at umayos ng porma. Wala pa ring mababakas na buhay sa kanyang mga mata noong siya ay magsimulang magsalita.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now