Chapter LXIX

5.7K 1.1K 76
                                    

Chapter LXIX: Slaying the Devils (Part 5)

Dahil sa paglitaw ng diyablong may lakas na 2nd Level Chaos Rank, ang lahat ng mga miyembro ng New Order ay na-alerto at naging handa sa maaaring mangyari. Siguradong lilitaw rin ang iba pang 2nd Level Chaos Rank dahil magkakasunod na natalo nina Eon ang mga Chaos Rank noong unang araw ng pagtatasa. Lima iyong 2nd Level Chaos Rank, at hinihintay rin nila kung magaganap nga ba ang pinaplano ni Finn na ikulong ang dalawa para tatlo na lang ang haharapin nilang mga Chaos Rank na diyablo sa hinaharap.

Narating ni Finn ang kinaroroonan ng 2nd Level Chaos Rank nang walang kahirap-hirap. Ang kanyang tatlong soul puppet ang humawi sa mga diyablong humaharang sa kanyang dinaraanan. Sila rin ang pumipigil sa mga diyablong lumalapit sa kanya kaya kahit hindi siya kumilos ay ligtas siya at hindi tinatamaan ng mga atake ng mga ito.

Pinagmasdan niya ang isa sa limang natatanging diyablo na may hawak na sandata. Tila ba isa itong tao dahil sa pigura nito at paraan nito ng pagtayo. Nanlilisik ang mala-dugo nitong mga mata, at wala itong bibig hindi kagaya ng ibang diyablo. Mayroon lamang itong sungay na isa sa gitna ng kanyang noo, at ang kanyang madilim na lilang kulay ng balat ay mas nagbibigay kilabot ganoon din ang inilalabas nitong aura.

Lumapit si Eon sa tabi ni Finn. Sinamahan niya ang kanyang master na pagmasdan ang diyablong nananatili pa ring nakatayo hindi kalayuan sa kanila. Hindi ito katulad ng ibang diyablo na sugod lang nang sugod, kakaiba ito dahil para bang nag-iisip din ito at may sariling diwa.

Nanatiling seryoso ang ekspresyon ni Eon. Hindi na siya masyadong ngumingisi dahil sa pagkakataong ito, alam niyang hindi niya kontrolado ang mga mangyayari hanggang huli. Hindi na siya kasing kampante gaya ng dati, at ayaw niyang maging hambog sa isang bagay na hindi niya kayang kontrolin.

“Master, ikukulong mo na ba ang isang iyan o papaslangin na natin muna iyan habang hinihintay ang iba pang mga 2nd Level Chaos Rank na diyablo?” Tanong ni Eon.

“Patayin mo na agad ang isang iyan, Eon. Sa kasalukuyang lakas mo, madali na lang para sa iyo na gawin iyon ng madalian,” sabi ni Finn. “Hindi natin pupuwedeng hintayin na lumitaw pa ang ibang 2nd Level Chaos Rank na mga diyablo. Magsasabay-sabay sila at mahihirapan tayo kapag nagkataon.”

“Magsimula ka na. Mayroon na akong plano para sa mga susunod na tatlong 3rd Level Chaos Rank,” aniya pa.

Tumango si Eon bilang pagsang-ayon. Inilabas niya muli ang kanyang palakol, at ang kanyang katawan ay mabilis na napalibutan ng itim na enerhiya na maihahalintulad sa usok. Mas lumalim ang kanyang mga mata at ang kanyang tingin ay mas nanlamig pa. Nabalutan ang kanyang katawan ng mga kaliskis, at bumuo ito ng animo'y baluti.

Sa labang ito, dahil sa ini-atas ng kanyang master, ibibigay na agad ni Eon ang kanyang buong lakas upang madalian niyang mapatay ang diyablo. Wala na siyang balak na maglaro kagaya ng kanyang nakagawian.

Naglaho ang pigura ni Eon, at kasunod nito ay ang isang napakalakas na pagsabog.

ROAR!!!

BANG!!

Nagsimula na ang paglalaban ng dalawa. Nagawa agad ni Eon na maputol ang braso ng diyablo dahil sa kanyang pa-surpresang atake, pero nabuo ulit ang braso nito agad-agad. Ganoon man, walang pakialam ang binatilyo dahil patuloy pa rin siya sa kanyang pagpapaulan ng mabibigat na atake. Purong lakas at matitinding mga abilidad ang kanyang ibinabato sa diyablo. Sunod-sunod ang kanyang pag-atake na nagiging dahilan kung bakit ang diyablo ay unti-unti nang natatalo.

Habang si Eon ay nakikipaglaban sa 2nd Level Chaos Rank na diyablo, si Finn at ang kanyang mga manika ang pumapaslang sa mga diyablo na nais makisali sa laban ni Eon at ng diyablong Chaos Rank.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now