Chapter LXXXVII

5.7K 1.1K 91
                                    

Chapter LXXXVII: Trust

Walang pag-aalinlangan na itinarak ng kawal mula sa Crimson Beast ang talim ng hawak niyang sibat sa miyembro ng Union of Adventurers. Nagulat ang miyembrong ito ng Union of Adventurers, at hindi siya makapaniwala habang nakatingin sa sugat na nagawa ng sibat sa kanyang dibdib. Bumaling siya sa kawal ng Crimson Beast, at bakas na bakas sa kanyang mga mata na hindi niya tanggap ang pangyayaring ito. Naramdaman niya ang sobrang hapdi ng kanyang dibdib, pero ang mas inaalala niya ay ang unti-unting pagliliwanag ng kanyang sugat.

Ang kanyang sugat ay naglalabas ng ginintuang liwanag, at nararamdaman niya ang paghigop sa kanya ng kakaibang enerhiya patungo sa ibang dimensyon.

“Hindi... Mayroong umatake kay Jeon!!” Sigaw ng isa sa pang miyembro ng Union of Adventurers.

Agad na bumakas ang kawalan ng pag-asa sa kanyang ekspresyon, at nang marinig pa ng ibang miyembro ng Union of Adventurers ang sigaw niya, nawalan na rin sila ng pag-asa at naramdaman din nila na mayroong kung anong kapangyarihan ang humihigop sa kanila patungo sa ibang dimensyon.

Mayroong umatake sa kanilang pambatong alchemist. Nawala na rin ang mga protektor nito, at ngayon, malinaw na ang kahihinatnan ng laban sa pagitan ng Crimson Beast at Union of Adventurers.

Mawawala na sa kompetisyon ang buong Union of Adventurers dahil si Zion, ang pambatong alchemist ng Union of Adventurers na dapat ay pinoprotektahan ng mga malalakas na miyembro ay maaalis na sa kompetisyon.

Huminto na ang labanan. Tumigil na ang mga kawal at miyembro ng Crimson Beast sa pag-atake. Kahit na pagod at hindi na halos makagalaw ang iba, bakas ang pagmamalaki sa kanilang mukha at mapapansin ang ngiting-tagumpay sa labi ng karamihan.

Nagawa na nilang alisin ang isang grupo sa kompetisyon, malaki ang naging kapalit nito sa kanilang puwersa dahil nalagasan sila ng maraming miyembro, pero isa pa rin itong tagumpay na magagamit nila para maisakatuparan ang susunod nilang hakbang, at iyon ay makipag-alyansa sa iba pang puwersa sa ilalim ng Crimson Lotus Alliance para patalsikin pa ang ibang grupo.

Tuluyang naglaho ang mga miyembro ng Union of Adventurers. Hindi pa rin naaalis sa kanilang mukha ang ekspresyon nang hindi pagtanggap sa kanilang pagkakaalis sa kompetisyon, pero iyon ang resulta ng laban. Natalo sila, at wala na silang magagawa ngayon para baligtarin ang pangyayari.

Ang natira na lang sa teritoryo ng Union of Adventurers ay ang mga miyembro at kawal ng Crimson Beast, at ngayon labis ang pagmamalaki sa mukha ni Haran, ang punong komandante ng unang dibisyon ng Crimson Guardian. Katabi niya ngayon si Xernok, ang punong komandante ng ikalawang dibisyon. Matatandaang si Xernok ang kasama ni Kyuru noon sa pagbuo ng grupo para ekspedisyon. Pareho silang nasa 1st Level Chaos Rank, at kapansin-pansin sa kanilang inilalabas na aura na malapit na silang umangat patungo sa 2nd Level Chaos Rank.

Lumapit pa ang ibang punong komandante at ang mga natitirang talentadong adventurer ng Crimson Beast kina Haran at Xernok. Pinagmasdan nila ang mga kawal at ibang miyembro na nagsisimula ng magtipon-tipon, at ilang sandali pa, nagkatinginan sina Xernok at Haran, at nagtanguhan.

Humarap si Haran sa mga kawal ng Crimson Beast. Bakas ang kumpyansa sa kanyang mukha habang inililibot niya ang kanyang tingin sa mga kawal.

“Mga kawal at miyembro ng Crimson Beast, makinig kayo!” Paunang sabi niya. “Nagawa na nating alisin ang isa sa sampung grupo sa kompetisyon--ang Union of Adventurers, ganoon man, hindi pa rito nagtatapos ang ating laban sapagkat may mga grupo pa tayong pababagsakin upang makamit natin ang kampeonato!” Paglalahad ni Haran.

Narinig ng malinaw ng mga kawal ang bawat salita ni Haran. Gumagamit si Haran ng enerhiya para palakasin ang kanyang boses kaya para bang umaalingawngaw sa buong paligid. Nagkaroon din ng mga pagsigaw mula sa mga kawal. Nagdiriwang sila at pinupuri ang mga punong komandante at talentadong batang adventurer ng Crimson Beast. Mas lalong naging mapagmalaki ang ekspresyon sa mukha nina Haran, Xernok, ng iba pang natitirang punong komandante, at mga talentadong batang adventurer dahil sa pagpuri sa kanila ng mga kawal.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now