Chapter LXXXVIII

5.7K 1.1K 97
                                    

Chapter LXXXVIII: Deception (Part 1)

Kasalukuyang pinagmamasdan ni Pobos ang lumilipad na pigura ni Eon mula sa hindi kalayuan. Nasa tabi niya ang kanyang dalawang kapatid, at pabalik na sila ngayon sa teritoryo ng New Order upang tingnan kung naroroon pa ba ang kanilang mga kasamahan. Mabilis ang kanilang paglipad, at hindi nila alintana ang kanilang pagod at enerhiyang nakokonsumo dahil nagmamadali sila upang makasama na nila muli ang kanilang kinabibilangang grupo.

Siya lang ang tanging seryoso sa magkakapatid dahil sina Lobos at Mobos ay kasalukuyang ngiting-tagumpay dahil sa kanilang pagtatagumpay na matalo ang Nightrage Gang. Sobrang nagmamalaki ang dalawa sa kanilang pagkapanalo kahit na halos si Eon talaga ang umubos sa mga miyembro ng Nightrage Gang.

“Mga kapatid, ano'ng tingin n'yo sa grupong kinabibilangan natin ngayon? Lalong-lalo na kina Finn Doria at sa dalawang binatilyo na kanyang kabuntot palagi?” Biglang tanong ni Pobos sa kanyang dalawang kapatid.

Natigilan ang dalawa at nagkatinginan. Sumeryoso ang ekspresyon ni Lobos at agad siyang tumugon, “Malalakas sila, at hindi magandang hakbang na sila ay kalabanin. Nasaksihan natin ang kanilang mga kakayahan, lalong-lalo na ang binatilyong iyan. Bawat isa sa kanila ay may katakot-takot na kakayahan, at kahit na kilala tayo na may masamang reputasyon at mahilig manggulo, hinding-hindi ko itataya ang buhay ko para lamang sila ay kalabanin.”

“Ang binatilyong iyan na nagngangalang Eon ay tinapos ang grupong Nightrage Gang nang halos siya lamang. Ang binatilyong nagngangalang Poll Murayon ay isang alchemy ancestor na mayroong katuwang na kakaibang nilalang habang si Finn Doria... katakot-takot ang kanyang mga kakayahan at talento. Para bang alam niya ang lahat, at iyon ang mas nakapangingilabot sa kanya,” dagdag niya pa habang inaalala ang lahat ng mga pangyayari nitong nakalipas na panahon na kasama nila sina Finn, Eon at Poll.

“Tama si Lobos... isa pa, ang mga manika ni Finn Doria--lalong-lalo na ang nagngangalang Reden. Alam kong kayo rin ay pinanonood kung paano makipaglaban ang manikang iyon. Alam kong pinag-aaralan n'yo rin kung paano siya umatake dahil napapansin ko kayo, at napansin ko rin na bawat isa sa ating tatlo ay mas lumakas dahil natuto tayo ng iba't ibang mga kakayahan sa pamamagitan lamang ng panonood sa kanya,” singit ni Mobos.

Nagtanguhan sina Lobos at Pobos dahil totoo ang mga sinasabi ni Mobos. Totoong sa pamamagitan lang ng panonood nila kay Reden habang ito ay nakikipaglaban, tila ba natututo sila ng mga bagong kakayahan dahil ginagaya nila ang paraan ng pakikipaglaban ni Reden. Marahil hindi sila Blood Demon, pero demonyo pa rin sila, nasa iisang lahi pa rin sila kaya may pagkakapareho pa rin silang magkakapatid na Night Demon kay Reden. Nagbebenepisyo sila sa tuwing nakikita nilang lumalaban si Reden, at kung magpapatuloy ang ganito, mas lalo pang lumalaki ang kanilang potensyal.

“Kung gayon, nagkakasundo tayong magkakapatid na hindi natin kakalabanin si Finn Doria o ang malalapit sa kanya. Hindi ito takot, isa itong matalinong hakbang dahil mangmang lang ang kakalaban sa tatlong iyon,” sambit ni Pobos na agad na sinang-ayunan ng dalawa niyang kapatid. “Tungkol sa ating kinasusuklaman na sina Hara at Rako, darating din ang araw na makakaharap muli natin sila at makababawi tayo sa ginawa nila sa atin.”

Hindi pa rin nila nakalilimutan ang kanilang sinumpaan. Hindi pa rin nila natatanggap ang kanilang pagkatalo noon kay Rako, at hanggang ngayon ay nais pa rin nilang maghiganti. Ganoon man, dahil sa ilang komplikasyon kagaya ng babala ni Finn sa kanila, isinantabi na muna nila iyon pansamantala upang hindi nila magalit ang binata.

Malinaw na sa kanila kung ano ang nangyayari sa mga may atraso kay Finn at sa malalapit sa kanya, at isang magandang halimbawa na riyan ang kinahinatnan ng Nightrage Gang.

Samantala, habang ang magkakapatid na demonyo ay nag-uusap-usap, patuloy pa rin ang mabilis na paglipad ni Eon upang agad na makabalik sa teritoryo ng New Order. Bakas ang pagmamalaki at ngisi sa kanyang mukha. Nagawa niyang matapos ang misyon na ibinigay sa kanya ng kanyang master, at kahit na hindi siya kontento dahil sa pagtulong sa kanya ng magkakapatid na demonyo, nagagalak pa rin siya dahil siya ang gumawa ng halos lahat ng trabaho.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Onde histórias criam vida. Descubra agora