Chaptet LXVI

5.2K 1.1K 135
                                    

Chapter LXVI Slaying the Devils (Part 2)

Sa tore ng Trial of Heavens pa rin, sa isang palapag, abala rin ang isang puwersa sa pakikipaglaban sa mga diyablo kagaya ng New Order at ng iba pang puwersa ng mga adventurer sa Crimson Lotus Realm. Ang puwersang ito ay hindi hamak na mas marami ang bilang kaysa sa bilang ng grupo ni Finn. Umaabot ng libo-libo ang bilang nito, at higit na mas mabilis ang kanilang pangongolekta ng puntos at pagpaslang sa mga diyablo kumpara sa ibang grupo

Hindi Crimson Lotus o kilalang puwersa sa Crimson Lotus Realm ang puwersang ito, ito ay puwersang kabubuo pa lamang gaya ng New Order, at ang puwersang ito ay pinamumunuan ng isa sa pinakatalentado at pinakamalakas na batang adventurer sa henerasyong ito--si Hasiophea Yas, ang paboritong estudyante ni Eurogasi Rexon na kilala rin bilang maalamat na rogue adventurer sa Crimson Lotus Realm.

Kasalukuyang nasa 2nd Level Chaos Rank si Hasiophea habang ang kanyang dalawang kapwa estudyante ni Eurogasi na sina Este at Reben ay nasa 1st Level Chaos Rank. Sila ang mga namumuo sa Myriad of Illusion--ang grupong binuo nila kasama ang libo-libong rogue adventurer at ilang grupo na naninirahan sa Crimson Lotus Realm.

Bakas ang kahambugan at kumpyansa sa mukha ni Hasiophea habang mag-isa niyang nilalabanan ang kumpulan ng mga diyablo. Bawat wasiwas niya ng kanyang dalawang pamaypay ay may mga diyablong naglalaho ng parang bula.

Hindi siya gumagamit ng enerhiya sa kanyang pag-atake, purong lakas lang at ang kanyang dalawang pamaypay na sandata ang kanyang ginagamit pero kayang-kaya niyang paslangin ng isang tira lang ang mga kalaban niya. Napakalakas niya, higit na mas malakas sa isang pangkaraniwang 2nd Level Chaos Rank.

Habang siya ay kalmadong nakikipaglaban, hindi nakatakas sa kanyang paningin ang isang adventurer na nagpapahinga. Nakita niya itong pinoprotektahan ng iba pang adventurer, at dahil dito, nagdilim ang kanyang ekspresyon at agad na tinawag si Este na pinakamalapit sa kanya.

Hindi nag-atubili si Este na lumapit kay Hasiophea matapos niyang marinig ang pagtawag nito sa kanya. Inihinto niya ang kanyang pakikipaglaban sa mga diyablo, at habang siya ay lumilipad palapit kay Hasiophea, hindi niya pa rin inaalis ang kanyang atensyon sa mga diyablo upang hindi makaiwas siya sa insidente.

Nang makalapit si Este kay Hasiophea, gumawa si Hasiophea ng barrier na pumalibot sa kanilang dalawa. Inatake ng mga diyablo sa paligid ang barrier ngunit hindi nila ito magawang magasgasan dahil sa tibay na tinataglay nito.

Malamig ang mga mata ni Hasiophea habang nakatingin sa mga diyablong walang tigil na umaatake sa kanyang ginawang barrier. Ibinaba niya na ang kanyang depensa at mga pamaypay. Hindi siya bumaling kay Este na kasalukuyang magalang na nakatayo sa kanyang likuran habang naghihintay sa kanyang sasabihin.

“Mayroon akong nakitang mga adventurer na sa halip na tumutulong sa pagpaslang sa mga diyablo ay nagpapahinga sila. Hindi natin kailangan ng mga gano'ng miyembro kaya inaatasan kita at si Reben na balaan ang lahat na kung mahuhuli ko silang nagpapahinga o walang ginagawa nang walang konkretong dahilan, ako mismo ang papaslang sa kanila,” malamig na sambit ni Hasiophea. “Ayokong sila ang maging dahilan ng pagkatalo ko sa pagtatasang ito. Aabutin ko ang ikatlong bahagi, at wala akong pakialam kahit pa ubusin ko ang mga adventurer sa ating panig kung wala rin silang naitutulong na maganda.”

Walang mababakas na inis sa mukha ni Este kahit na inuutusan siya ng kapwa niya estudyante. Nanatiling kalmado ang kanyang ekspresyon at bahagya siyang tumango bago magalang na tumugon, “Naiintindihan ko, Hasiophea. Hahanapin ko si Reben at ipaaalam agad namin sa iba ang iyong mensahe. Asahan mong gagawin namin ito ng mabilis.”

“Kung malinaw na ang utos ko, alis na. Bawat segundo ay mahalaga para sa akin dahil sa bawat minutong hindi ako pumapaslang ay nasasayang ang mga puntos na maaari kong makolekta,” ani Hasiophea nang hindi pa rin tumitingin kay Este.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Onde histórias criam vida. Descubra agora