Chapter LXXXI

5.7K 1.2K 141
                                    

Chapter LXXXI: Pill that Defies the Law of Life and Death

“Rank 7 King Grade Pill: Mighty Emperor Pill. Ang pill na ito ay may kakayahang pansamantalang palakasin ang kabuoang lakas ng isang Heavenly Emperor Rank na adventurer ng hanggang limampung porsyento, pero bababa iyon sa pagtaas ng antas ng isang adventurer. Napakabisa nito sa isang labanan, at kahanga-hanga sapagkat nagawa mo itong buoin nang may isang daang porsyentong pagkapuro. Mapakikinabangan ito ng mga Heavenly Emperor Rank, at sa taas ng kalidad nito, kaya nitong tumagal ng ilang araw,” paglalahad ng lalaki matapos niyang suriin ang kulay asul na pill na ginawa ng alchemist mula sa Crimson Guardian na nagngangalang Roi. “Dahil sa kalidad at mga kahanga-hangang katangian ng iyong pill, bibigyan kita ng gantimpalang siyamnapung libong puntos. Binabati kita, Roi ng Crimson Lotus Realm.”

Ibinalik ng lalaki ang pill sa loob ng maliit na bote at muling ibinalik sa palad ni Roi. Naglaho ang kanyang pigura sa harapan ni Roi, at muli siyang lumitaw sa isa pang alchemist upang magpatuloy sa kanyang paghuhusga at pagbibigay-gantimpala.

Sobrang pagkagalak ang naramdaman ni Roi dahil sa kanyang natanggap na gantimpalang puntos. Nakakuha lamang siya ng kakaunting puntos sa unang bahagi ng pagtatasa dahil hindi siya ganoon kahusay sa pakikipaglaban at pagpaslang sa mga diyablo, pero ang nakuha niya ngayong puntos ay triple ng nakuha niyang puntos sa unang bahagi ng pagtatasa.

Higit pa roon, makatatanggap pa ng karagdagang dalawampu't pitong libong puntos ang kanyang mga kasamahan sa Crimson Guardian. Napakalaki ng kanyang na-i-ambag, at sigurado siyang pagkatapos ng pagtatasang ito at sa oras na makabalik sa Crimson Lotus Realm, ang kanyang posisyon ay aangat at mas bibigyang halaga siya ng mga haligi ng Crimson Guardian na sina Gamor at Urio.

Sa kasalukuyan, iilan na lang ang natitirang alchemist na hindi pa nahuhusgahan. Wala nang sampu ang mga alchemist na naghihintay pars mahusgahan ang kanilang produkto, at sa ilan na ito, kabilang pa si Hasiophea at Poll.

Hanggang ngayon ay wala pa ring alchemist at produkto ng alchemy na nakakakuha ng isandaang libong puntos. Nahusgahan na sina Reben at Este ngunit pareho lang silang nakakuha ng walumpung libong puntos.

Hindi pa rin nahuhusgahan ng may-ari ng mundong ito ang mga pinaka tanyag na alchemist ng Crimson Lotus Alliance. Inaasahan ng mga grupong Crimson Lotus, Crimson Guardian, Crimson Shrine, Crimson Beast at Crimson Rocks na may mga alchemist sa kanila ang makakakuha ng isandaang libong puntos o higit pa.

Dalawa pa ang natitirang alchemist ng Crimson Lotus at Crimson Guardian habang tig-iisa na lang ang natitira sa Crimson Shrine, Crimson Beast at Crimson Rocks. Sa kabuoan, kasama sina Poll at Hasiophea, siyam na lang ang alchemist na huhusgahan ng may-ari ng mundo ng alchemy.

Ito na ang pinakahihintay ng lahat. Tensyonado na ang mga grupong may kaugnayan pa sa mga alchemist na huhusgahan, at hindi na sila makapaghintay para sa resulta.

“Maaari bang malaman ang ngalan mo?” Tanong ng lalaki sa lalaking alchemist na nagmula sa Crimson Rocks.

“Stor, Respetadong Ginoo,” magalang na tugon ni Stor at bahagya siyang yumuko. Inilahad niya ang kanyang kamay, at ipinakita niya ang kanyang binuong produkto sa lalaki.

Ngumiti ang lalaki at tumango. Inabot niya ang maliit na bote sa palad ni Stor at binuksan ito upang suriin ang laman nitong pill. Inamoy-amoy niya muna ito at pinag-aralan sa kanyang daliri.

“Rank 9 King Grade Pill: Heavenly Stoning Pill,” panimula niya. Ibinalik niya sa bote ang pill at matapos takpan, ipinatong niya muli sa palad ni Stor. “Ang pill na iyan ay may kahanga-hangang kakayahan. Kaya niyang patibayin ang katawan ng sinomang kakain ng pill na 'yan. Magkakaroon din ng pagbabago sa kabuoan ng kakain niyan at magmimistulang bato ang kanyang balat at kalamnan. Ito na marahil ang pinakamataas ng kalidad ng Heavenly Stoning Pill na maaaring magawa, at nakatutuwang malaman na ang pagkapuro nito ay nasa isang daang porsyento--patunay lamang na bihasa at mahusay ang alchemist na bumuo nito.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now