Chapter XXVI

5.5K 1K 79
                                    

Chapter XXVI: The Beast King Forest

Inalok si Poll na umanib sa Crimson Guardian ngunit walang pag-aalinlangan niya itong tinanggihan. Tila ba hindi siya nakaramdam ng komplikasyon sa kanyang tugon, at para bang madali lang para sa kanya ang tumanggi sa alok ng isang napakalaking puwersa sa Crimson Lotus Realm. Hindi niya kinonsidera ang lakas ng puwersang ito, at hindi niya man lang inisip ang mga benepisyong matatanggap niya sa oras na maging isa siya sa mga Alchemy Emperor na pinangangalagaan ng Crimson Guardian.

Ganoon man, naiintindihan ng mga adventurer ang ganitong pag-uugali ni Poll. Kahit na mahina siya, hindi niya kailangang tanggapin o matakot. Isa siyang Alchemy Emperor, at mas bihira pa siya kaysa sa mga 9th Level Heavenly Emperor Rank.

Ang katayuan ng isang Alchemy Emperor sa Crimson Lotus Realm o sa kahit saang middle realm o upper realm ay tinitingala, at marami ang humihingi sa kanila ng pabor kahit pa mga Chaos Rank at Heavenly Chaos Rank.

Sa tugon ni Poll, nabura ang ngiti ni Kyuru. Alam niya nang ito ang magiging tugon ng isang Alchemy Emperor sa kanyang imbitasyon. Imposibleng mapapayag niya ang isang ganito kagaling na alchemist na umanib sa kanilang puwersa. Kahit ang kanyang mga panginoon ay hindi maimbitahan ang mga walang kinabibilangang puwersa na Alchemy Emperor sa Crimson Lotus Realm--ano pa kaya siya na isa pa ring hamak na 9th Level Heavenly Emperor Rank at walang matibay na katayuan sa Crimson Lotus Realm.

Ibinaba ni Kyuru ang kanyang braso. Seryoso na ang kanyang ekspresyon ngayon habang pinag-aaralan ang mga mata ni Poll.

“Kilala ko ang bawat Alchemy Emperor sa Crimson Lotus Realm--kabilang man sa Crimson Lotus Alliance o sa ibang organisasyon,” aniya. Muli niyang inilahad ang kanyang kamay at nagpauloy, “Ganoon man, wala akong kilalang Alchemy Emperor na nagngangalang Poll Murayon. Ikaw ba ay gumagamit ng pekeng pangalan o ikaw ba ay... taga labas?”

May ipinapahiwatig si Kyuru sa kanyang mga salita subalit nanatiling kalmado si Poll. Wala siyang dapat ikatakot dahil nasa likuran niya lang ang kanyang guro. Sa ganitong sitwasyon, madali na lang para sa kanya ang manatiling kalmado dahil isa ito sa katangiang kailangan niyang sanayin bilang alchemist.

“Hindi ako kagaya ng iba na duwag at takot ihayag ang aking totoong pangalan, at hindi rin ako taga labas kagaya ng iyong hinala. Isa akong Alchemy Emperor, at kaaabot ko lang ng estadong ito kaya hindi mo ako kilala,” seryosong tugon ni Poll.

“Kahit na ikaw ay isang Alchemy King pa lang noon, makikilala pa ri--”

“Bakit? Nahalughog mo na ba ang buong Crimson Lotus Realm? Kilala mo ba ang bawat alchemist at adventurer na naninirahan doon? Kung gayon, talagang kahanga-hanga ka,” malamig na putol ni Poll sa sasabihin ni Kyuru.

Natigilan si Kyuru dahil sa mga sinabi ni Poll. Nakaramdam siya ng galit, nagdilim ang kanyang ekspresyon ngunit hindi niya ito lantarang ipinakita. Binabalak niyang gisahin si Poll dahil sa misteryoso nitong pagkatao, ganoon man, siya ang ginisa nito at wala siyang magawa dahil napakatibay nito kahit na ginagamitan niya na ito ng aura upang bigyang babala.

Napa-ismid na lang si Kyuru. Pinahupa niya ang kanyang galit. Hindi ito ang tamang lugar upang magalit siya, at hindi rin niya maaaring lantarang kalabanin ang isang Alchemy Emperor.

“Ipagpaumanhin mo, Kagalang-galang na Alchemy Emperor. Masyado akong naging matanong kaya huwag mo sanang masamain ang aking mga sinabi. Isa akong punong komandante ng Crimson Guardian, at natural lang na gawin ko ang aking trabaho para sa aking mga panginoon,” mahinahong sabi ni Kyuru. “Ganoon man, hindi pa rin ako lubos na sumusuko at umaasa pa rin ako na makukuha ko ang iyong gabay. Narinig kong mayroon kang kakayahan na bumuo ng isang natatanging pill na tinatawag na Heavenly Ironbody Pill. Narinig ko ang katangian nito, at namangha ako kaya nais ko sana itong makita upang makumpirma.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now