Chapter LXXXVI

5.7K 1.1K 80
                                    

Chapter LXXXVI: The Fall

“Kung gayon, kami ang napili n'yong puntiryahin... Mukhang hindi pumapanig sa amin ang suwerte para makaharap ang grupong Crimson Guardian sa isang labanan,” sambit ni Diono, ang namumuno sa Crimson Traders habang kaharap si Kyuru. Nagkakaroon na ng matinding kaguluhan sa kanilang paligid. Kasalukuyan nang naglalaban ang mga miyembro Crimson Traders at Crimson Guardian. Walang tigil na ang mga pagsabog at hiyawan, at sa bawat sandaling lumilipas, ang dalawang grupo ay nalalagasan ng miyembro.

Kalmado ang ekspresyon ni Kyuru. Ang kanyang mga mata ay taimtim na nakatingin kay Diono. Hindi agad siya nagsalita, bagkus nanahimik lang siya habang patuloy pa rin ang kaguluhan sa kanilang paligid.

Ilang segundong katahimikan pa ang lumipas. Nagpapakiramdaman pa rin ang dalawa, at wala pang sumusugod sa kanilang dalawa.

“Ang labanang ito ay hindi maiiwasan, hindi maiiwasan na matanggal kayo sa kompetisyong ito dahil malinaw na dapat sa iyo na hindi ito para sa inyo,” sambit ni Kyuru. Inilahad niya ang kanyang kamay, at kumpyansang nagpatuloy sa pagsasalita, “Kahit na hindi kami sumalakay sa inyo, mayroon at mayroon pa ring mag-aalis sa inyo sa kompetisyong ito. Tatlong grupo lang ang maglalaban-laban, at sa kasalukuyang lakas ng Crimson Traders, hindi kayo nararapat na mapabilang sa tatlong grupo na 'yon.”

Nagdilim ang ekspresyon ni Diono sa kanyang narinig, ganoon man, bumuntong-hininga siya at umismid, “Marahil tama ka. Tama ka sa sinabi mong hindi sapat ang kabuoang lakas ng Crimson Traders para mapasali sa tatlong grupo na maglalaban-laban sa huli. Ganoon man, sa tingin mo ba ay magiging madali lang ang pagpapaalis ninyo sa amin sa kompetisyong ito? Marahil mahina kami sapagkat kami ay grupong sinusuportahan lamang ng mga negosyanteng mangangalakal subalit mga adventurer pa rin kami na may nabuong pangalan sa Crimson Lotus Realm, at kahit na kabilang pa kayo sa malalakas na puwersa, hindi kami basta-basta magpapatalo.”

“Lalaban kami, at dadalhin namin ang iba mong kasama sa labas ng kompetisyong ito. Hindi namin padadaliin ang kompetisyong ito sa inyo, Punong Komandante Kyuru ng Crimson Guardian,” mayabang na dagdag pa ni Diono.

Napalibutan ang kanyang katawan ng mapangwasak na berdeng enerhiya. Pumalibot din ang malakas na hangin sa kanyang katawan, at ilang sandali pa, nagbago ang kanyang anyo, at lumitaw ang animo'y baluti sa kanyang kabuoan.

Mayroon ding lumitaw na gauntlet na may mahahabang kuko sa kanyang kamao, at habang si Kyuru ay nananatiling walang kibo, kumilos na siya at nauna nang sumugod.

Sumimangot si Kyuru sa kanyang mga narinig, ganoon man, alam niya totoo ang mga sinabi ni Diono. Siguradong malalagasan sila ng maraming miyembro at kawal, at hindi na rin nakagugulat na ang ilang Chaos Rank sa kanilang panig ay maalis sa kompetisyon dahil ang pagkalahatang lakas ng grupong Crimson Traders ay hindi rin dapat balewalain.

Ganoon man, sa ngayon, hindi niya muna prayoridad ang magiging resulta ng labanan. Ang kailangan niyang pagtuunan ng pansin ngayon ay ang mabilis na pagtalo kay Diono.

Inilabas niya na rin ang kanyang sandata, at pinalibutan niya ang kanyang katawan ng mapangwasak na pulang enerhiya.

Hindi niya balak gamitin ang ikalawang antas ng kanyang foundation art dahil para sa kanya, sapat na ang paggamit ng enerhiya at ilan niyang kakayahan para pabagsakin at talunin si Diono.

Siya ang pinakamalakas na punong komandante ng pangalawa sa pinakamalakas na puwersa sa buong Crimson Lotus Realm, at ang paglaban sa isang kagaya ni Diono ay hindi masyadong komplikado para sa kanya.

--

Sa kasalukuyan, maliban sa grupong Myriad of Illusion at Crimson Rocks, ang bawat grupo ngayon ay sumasabak sa labanan. Ang Crimson Guardians ay kinakalaban ang grupo ng Crimson Traders, ang Crimson Lotus ay kinakalaban ang mga estudyante nina Yvei, ang Crimson Beast ay kasalukuyang kinakalaban ang Union of Adventurers, ang New Order ay kinakalaban ang Crimson Shrine habang si Eon at ang magkakapatid na demonyo na miyembro rin ng New Order ay kinakalaban ang Nightrage Gang.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon