Chapter XL

5K 1K 108
                                    

Chapter XL: Intent to Kill

Maririnig sa kuweba ang mabibigat na mga yabag ng mga kawal kasabay ng tunog ng mga nagtatamang baluti. Magulo ang kanilang hanay. Mayroong hindi maayos ang paglalakad dahil sugatan habang karamihan ay nagtamo lang ng ilang galos. Mayroon ding walang kahit anong pinsala, ganoon man, kahit na sugatan ang ilan sa kanila, ang lakas at katatagan ay makikita pa rin sa kanilang ekspresyon.

Dalawang araw na mula nang marating ni Gyuru at ng kanyang mga tauhan ang bulkan ng Bluemir. Hinahalughog nila ang bulkan habang kinokolekta ang mga kayamanan. Tama, sa kanilang pagpasok sa loob ng bulkan, nakakita sila ng mga lugar na kagaya ng dalawang lugar na nakita nina Finn. At maliban sa mga Sunlight Crystal at Redmond Crystal, nilimas din nila ang lahat ng kayamanan na kanilang natatagpuan sa bulkan.

Sa kabilang banda, kapansin-pansin ang pagbabago sa kanilang bilang. Kumpara noong nasa bundok sila na puno ng mga patibong at magic cannon, ang kanilang bilang ngayon ay mas kumaunti. Nabawasan si Gyuru ng ilang mga tauhan, at dahil iyon sa mga patibong sa bundok na naging dahilan ng kanilang kamatayan.

“Kung kailangan nating halughugin ang lahat ng daanan sa bulkan na ito, gagawin natin para mahanap si Klaws Deterio. Gagawin natin iyon habang kinokolekta ang lahat ng mga kayamamang ating madaraanan,” sambit ni Gyuru habang pinangungunahan ang hukbo ng kanyang mga kawal. “Siguradong narito lamang siya. Isa itong magandang taguan at ito lang ang siguradong kaya niyang puntahan dahil wala na siyang lakas para maglakbay pa.”

“Siguradong nagpapahinga siya kung saan kaya maging alerto kayo at pakiramdaman ninyo ang kanyang presensya,” dagdag pa ni Gyuru.

Nagpatuloy pa rin si Gyuru sa pagbibigay ng mga paalala sa kahyang mga tauhan habang nagmamartsa ang mga ito. Alerto siya sa kanyang paligid, at ilang sandali pa, huminto siya sa paglalakad at itinaas niya ang kanang kamay niya.

Pinanliitan niya ng mga mata ang daanan sa harapan niya. Pinakikiramdaman niyang mabuti ang kanyang paligid dahil mayroon siyang naramdamang presensya ilang kilometro ang layo sa kanilang kinaroroonan.

“Mayroong ibang adventurer na naririto bukod sa atin,” malamig niyang sambit.

“Nahanap n'yo na si Klaws Deterio, Punong Komandante Gyuru?” Tanong ng isa sa kanyang mga komandante.

Bumaling siya sa nagsalita at seryosong tumugon, “Hindi lang iisang presensya ang nararamdaman ko, at hindi ko maramdaman ang presensya ni Klaws Deterio mula sa mga adventurer na iyon.”

“Ganoon man, hindi sila banta sapagkat ang bawat isa sa kanila ay nasa mabababang antas ng Heavenly Emperor Rank lamang,” dagdag pa niya.

“Paslangin na lang natin sila. Marahil narito rin sila para sa kayamanan at malaki ang posibilidad na may mga nakuha na silang kayamanan sa bulkan na ito,” komento ng isa pang komandante.

Tumingin muli si Gyuru sa harapan. Makahulugan siyang ngumiti at nagwika, “Tama na ang pakikipagdaldalan. Magtungo na tayo sa kinaroroonan ng mga adventurer na iyon upang malaman mula sa kanila kung nakita ba nila si Klaws Deterio.”

Nagsimula na muli sila sa kanilang pagmamartsa, at sa utos ni Gyuru, ang kanilang paghakbang ay mas lalong bumilis. Walang nagawa ang mga sugatan kung hindi sumunod sa bilis ng pagmamartsa. Ang ilan sa kanila ay lumutang na lamang upang hindi na mapagod ang kanilang binting napinsala.

Mas lalong gumulo ang kanilang hanay. Wala na sila sa kaayusan at hindi na sila disiplinado ngunit walang pakialam si Gyuru sa hitsura ng kanyang mga tauhan. Ang mahalaga lang sa kanya ngayon ay ang mga kayamanan at ang makita si Klaws upang makuha mula rito ang dalawang Chaotic Fruit.

‘Kahit na hindi kita kayang paslangin, sisiguraduhin kong isusuko mo sa akin ang iyong dalawang Chaotic Fruit. Lalabanan din kita hanggang sa umabot sa puntong naghihingalo ka na para tumagal pa sandali ang iyong buhay. Sa pamamagitan nito, hindi malalaman ni Drotey na ako ang may kasalanan kung bakit ka namatay, Klaws Deterio,’ sa isip ni Gyuru.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now