Chapter LXII

5.9K 1.1K 133
                                    

Chapter LXII: The Trials and Forming a Team

Lumipas ang mga araw, at ang pagdagsa ng mga adventurer sa loob ng tore ng Trial of Heavens ay nagpatuloy. Maraming kilalang indibidwal at puwersa muli ang dumating, at habang tumatagal mas lalong dumarami ang mga adventurer na kasalukuyang naghihintay sa pagsisimula ng pagtatasa. Napakarami nila na umaabot na halos ng milyon-milyon subalit dahil sa sobrang lawak ng espasyo sa loob, nagagawa pa ring makapagbukod-bukod ang mga puwersa at indibidwal. Tila ba walang hangganan ang espasyo sa loob, ganoon din ang kisame na para bang kalangitan kaya kahit dumami pa ang bilang ng mga adventurer, mananatiling maluwag ang Trial of Heavens.

Nagpatuloy sa kani-kanilang paghahanda ang mga indibidwal at puwersa. Mayroong nagnilay-nilay habang mayroon din namang nagkaroon ng munting pagsasanay sa pamamagitan ng pagsusukatan ng lakas. May mga naglalaban-laban ngunit para lang iyon sa pagsasanay. Iniiwasan din nilang gumawa ng malaking gulo dahil hindi pa rin nila tukoy kung ano ang mangyayari sa oras na magpadalos-dalos sila ngayong nasa loob na sila ng Trial of Heavens.

At sa pagpatak ng itinakdang araw--ang palugit na ibinigay ng may-ari ng mundo ng alchemy para sa mga adventurer na tatlumpung araw, muling narinig ng bawat isang adventurer na nasa loob ng Trial of Heavens ang tinig ng may-ari ng mundong kanilang kinaroroonan.

“Isa muling pagbati, mga magigiting na adventurer ng Crimson Lotus Realm,” alingawngaw ng tinig na ikinatingala ng mga adventurer.

Hinahanap nila kung saan nagmumula ang tinig at kung sino ang nagmamay-ari nito ngunit nahihirapan silang tukuyin kung saan eksaktong nagmumula ang tinig.

“Sa paggamit pa lang ninyo sa ibinigay kong teleportation stone, ipinakita n'yo na agad ang inyong katapangan at pagiging determinado ma subukan ang aking ibibigay na pagtatasa. Karamihan sa inyo ay naglakas-loob, at ipinapangako kong hindi ninyo pagsisisihan ang oportunidad na ito dahil bawat isa sa inyo ay maaaring magkamit ng mga bagay na kailan man ay hindi pa ninyo nakukuha sa buhay ninyo,” pagpapatuloy ng tinig. “Gayunman, kailangan ninyong isaisip na ang pagtatasang ito ay hindi magiging madali. Marami sa inyo ang maaaring mamatay kung hindi kayo magiging maingat at matalino sa inyong desisyon. Marami ang sa halip na magtamasa ng oportunidad ay kasawian ang maaaring makamit habang sumasabak sa aking pagtatasa.”

“Subalit, ngayong naririto na kayo, hindi na kayo maaaring umatras pa. Pinili ninyong makipagsapalaran sa aking hamon, at ang inyong buhay at kamatayan ay nakasalalay na ngayon sa inyong sarili, swerte at tadhana. Kaya kung masasawi kayo, hindi ko iyon kasalanan, pinili ninyong sumugal at ang inyong itinaya ay ang inyong buhay, mga adventurer ng Crimson Lotus Realm,” dagdag na sabi pa ng tinig na para bang walang bigat ang kanyang mga sinasabi.

Halo-halong pakiramdam ang naramdaman ng karamihan sa mga adventurer habang pinakikinggan ang pagsasalaysay ng tinig. Mayroong natakot, nangamba, nagsisisi, nagalak, nanabik at mayroon din namang ipinagsawalang-bahala ang lahat ng kanilang narinig.

Mas marami pa rin ang nananabik at hindi na makapaghintay na magsimula ang pagtatasa. Alam na nila na ilalagay nila ang buhay nila sa kamatayan, pero siyempre, kung hindi sila susugal, hindi nila makakamit ang kani-kanilang minimithi. Tungkol sa mga ipinagsawalang-bahala ang mga sinabi ng tinig, sila ang mga adventurer na kumpyansang mabubuhay ano man ang mangyari dahil bilib sila sa kanilang kakayahan.

At kabilang na sa mga adventurer na iyon sina Finn at Eon. Silang dalawa ay naniniwalang hindi sila mamamatay sa pagtatasang magaganap dahil bawat isa sa kanila ay mayroong paraan para mabuhay.

Hangga't hindi imposible at hangga't makabuluhan ang pagtatasang ibibigay ng may-ari ng mundong ito, kumpyansa silang mabubuhay sila at magtatagumpay. Alam nilang dalawa ang kanilang kakayahan kaya hindi sila nangangamba ng sobra hindi kagaya ng iba na nag-aalinlangan at natatakot sa mga maaaring mangyari.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now