Chapter LX

5.9K 1.1K 138
                                    

Chapter LX: Strong Subordinates

Hindi na nagsayang pa ng oras si Finn para makipagkuwentuhan sa grupo ng Bloody Puppeteers. Magkakalahating oras na matapos nilang matalo ang dragon, at kung hindi pa sila kikilos ngayon, muling magsasara ang pinutan at muling magiging aktibo ang formation. Hindi na nila nais pang kalabanin muli ang dragon dahil wala na silang mapapala kung makikipaglaban pa sila rito. Nasubukan na nila ang kani-kanilang lakas, at sapat na iyon para sa kanila kaya wala na silang balak na magsayang pa ng lakas, at panahon sa bagay na hindi sila magbebenepisyo.

Tinalikuran ni Finn sina Yopoper at Yagar at pagkatapos, sinenyasan niya sina Eon na magtutungo na sila sa malaking pintuan upang pumasok sa tore ng Trial of Heavens. Ganoon man, noong patungo na sila sa pintuan, napansin ni Finn na nasa ibang direksyon ang tingin ni Poll. Napansin niyang may tinatanaw ito sa hindi kalayuan kaya napabaling din siya sa tinitingnan nito.

At nang makita niya kung saan ito nakatingin, lumapit siya sa kanyang estudyante at seryosong nagtanong, “Mayroon bang problema, Poll?”

Natauhan si Poll dahil sa pakikipag-usap sa kanya ng kanyang guro. Napatingin siya sa mga mata ni Finn at bakas ang pag-aalinlangan sa kanyang mga mata.

“Nakita ko lang ang grupo nina Ginoong Roger mula sa kumpulan ng mga adventurer na iyon. Maaari ko ba silang kumustahin, Guro?” Nag-aalinlangang pakiusap ni Poll. “Hindi ako magtatagal, pangako. Gusto ko lang silang makausap muli dahil kahit papaano ay naging kasama rin natin sila sa paglalakbay... Maaari ba, Gu--”

“Siguraduhin mong hindi ka aabutin ng pagsasara ng pinto. Puwede mo silang kausapin kung gusto mo subalit papasok na ako sa loob ng toreng iyan para malaman ko na kung ano ang mayroon sa loob,” sabi ni Finn bago pa man matapos si Poll sa pagsasalita.

Hindi niya na hinintay na makatugon pa si Poll. Marahan siyang lumipad patungo sa pintuan at bago siya umalis, muli siyang nagbitaw ng salita, “Isama mo si Paul Bayson. Kami ni Eon ay mauuna na sa loob.”

Lumapad ang ngiti ni Poll dahil sa mga katagang binitawan ng kanyang guro. Bumakas ang labis na kasiyahan sa kanyang mga mata habang pinagmamasdan niya ang pagpasok ng kanyang guro, ni Eon at ng tatlong soul puppet sa pintuan. Nasaksihan niya rin ang pagsunod ng Bloody Puppeteers ngunit hindi niya pinansin ang mga ito. Isinantabi niya muna ang mga ito at agad na bumaling kay Paul.

“Ginoong Paul, kumustahin natin sila! Mabuti na lang at muli ko silang nakita na magkakasama. Buo pa rin sila, at higit na mas malakas kaysa rati,” nananabik na sambit ni Poll.

Bumaling si Paul sa mga adventurer na kanina pa sinusulyapan ni Eon. Bahagya siyang tumango at natuwa rin siya sapagkat muli niyang nakita ang grupo nina Roger na magkakasama.

Tama, sina Roger ang balak na kausapin ni Poll. Nakita niya ang mga ito kanina habang abala si Finn sa pakikipag-usap kina Yopoper at Yagar. Nanabik siya at labis na natuwa sapagkat napag-alaman niyang buhay pa ang mga ito at kompleto. Gusto niyang makausap ang mga ito kaya naglakas-loob siyang nagpaalam kay Finn upang humingi ng permiso.

Pagkatapos magkasundo ng dalawa, agad silang lumipad patungo sa kinaroroonan nina Roger na kasalukuyang nagtitipon-tipon at nagdidiskusyon tungkol sa kanilang gagawin pagkapasok sa Trial of Heavens. Hindi nila agad na napansin ang presensya nina Poll at Paul, at ang unang nakapansin sa kanila ay si Gilbert na kasalukuyang nakaharap kay Roger.

“Ginoong Poll, Paul Bayson..?” Bulalas ni Gilbert na nagpahinto kay Roger sa pagsasalita.

Agad na napabaling ang iba pa sa tinitingnan ni Gilbert. Nasaksihan nila ang mabagal na pagbaba nina Poll at Paul sa kanilang kinaroroonan, at naging blanko ang kanilang isip dahil hindi nila alam kung ano ang kanilang sasabihin.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now