Chapter XXXI

4.3K 1K 75
                                    

Chapter XXXI: Facing their weakness

Nakaluhod si Poll sa harap ni Finn habang walang tigil na umaagos ang luha mula sa kanyang mga mata. Ang kanyang noo ay nakalapat sa lupa, at kapansin-pansin ang maraming galos at mga sugat sa kanyang katawan. Mabigat ang pakiramdam niya. Nahihirapan din siyang huminga dahil pakiramdam niya ay pagod na pagod siya. Nanghihina siya at tila ba bibigay na ang kanyang katawan ngunit humuhugot siya ng lakas upang magpatuloy.

Nagsisisi siya. Bakas sa kanyang mukha ang matinding pagsisisi habang walang tigil na humihingi ng tawad sa kanyang guro.

At tungkol kay Finn, sugatan din siya at marami siyang tinamong malulubhang pinsala. Mas lalong nawalan ng buhay ang kanyang mga mata habang nakatingin siya sa kawalan. Nakatayo lang siya sa harap ni Poll at walang kahit anong salita ang binibitawan niya.

“Patawarin mo ako, Guro! Hindi ko sinasadya... hindi ko alam na aabot sa ganito ang lahat... nagsisisi ako!” Walang tigil na pagmamakaawa ni Poll habang mahinang iniuuntog ang kanyang ulo sa lupa.

“Bakit kailangan mong gawin ang bagay na iyon..? Bakit kailangan mong sabihin sa kanila ang ating sikreto at bakit mo sila pinagkatiwalaan..?” walang emosyong sabi ni Finn. Dahan-dahan siyang tumungo at tumingin kay Poll bago muling magwika, “Sinabi ko na sa inyo--huwag kayong magtitiwala kahit kanino! Tingnan mo ang kinahantungan ng lahat ng ginaqa mo, Poll! Wala na si Paul Bayson, at isinakripisyo ni Eon ang buhay niya para lang mabuhay tayo! Bakit kailangan mong sabihin sa kanila kung sino tayo?!”

Kusang lumabas sa katawan ni Finn ang kanyang kapangi-pangilabot na aura. Bumakas na rin sa kanyang ekspresyon ang matinding galit habang nakatingin siya kay Poll. Nakakuyom ang kanyang kamao at nanginginig ang kanyang katawan habang nanlilisik ang kanyang mga mata.

Mas lalong bumuhos ang luha ni Poll. Mas tumindi pa ang kanyang pagsisising naramdaman dahil sa naging resulta ng kanyang pagkakamali. Dalawa sa kanila ang namatay, at isa pa roon si Eon na sobrang pinahahalagahan ng kanyang guro.

Ang lahat ng ito ay dahil sa pagkalat ng tungkol sa kanilang pagkatao at pinagmulan. Ipinaalam ng grupo nina Roger ang lahat ng kanilang nalaman sa Crimson Guardian na naging dahilan ng pagtugis sa kanila ng mga punong komandante ng puwersang ito. Namatay si Paul sa labanan habang isinakripisyo ni Eon ang sarili niya para makatakas sina Finn at Poll.

Ito ang pinaka kinatatakutang mangyari ni Poll, ang mabunyag ang kanilang pagkakakilanlan na magiging dahilan para sila ang maging pangunahing puntirya ng Crimson Guardian. Siya ang nagsabi ng kanilang sikreto sa grupo nina Roger, at pinagsisisihan niya iyon.

Ngayon, ito ang nangyari. Ito ang unang beses na nagalit sa kanya si Finn, at sobrang bigat sa kanyang pakiramdam na nagagalit sa kanya ang pinaka mahalagang nilalang sa buhay niya.

“Patawad.. Patawad.. Patawad, Guro!! Hindi ko alam.. Hindi ko alam.. Kasalanan ko..” Nagmamakaawa pa ring tugon ni Poll.

‘Ilusyon lang ito... Hindi totoo ang lahat ng ito... Hindi ito nangyayari subalit bakit gano'n? Bakit parang totoo ang lahat..? Paano ako makakaalis sa ilusyong ito?’ Sa isip ni Poll.

Gusto niyang lisanin ang sitwasyon na ito ngunit hindi niya alam kung paano. Gusto niyang tumakas. Kusang lumalabas sa kanyang bibig ang mga pagmamakaawa. Hindi niya mapigilan ang kanyang pagluhod at pag-untog ng noo sa lupa. Hindi niya alam kung anong gagawin niya dahil totoong nagsisisi siya sa pagbubunyag niya ng kanilang sikreto sa iba dahil lang nadala siya ng matinding kalungkutan at pangungulila.

“Hindi maibabalik ng paghingi mo ng tawad ang buhay ni Eon. Ang lahat ay umaayon na sa plano... malapit ko nang makamit ang lakas na kailangan ko para makapaghiganti ngunit sinira mo ang lahat ng iyon,” walang emosyong sambit ni Finn.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now