Chapter XLVI

5.3K 1K 87
                                    

Chapter XLVI: We'll Meet Again

Kahit na tapos na ang kasunduan sa pagitan nila, hindi pa rin umalis si Klaws. Hindi siya humiwalay sa grupo ni Finn, bagkus, balak niya munang hintayin na gumaling at makabawi ang binata ng lakas. Nalaman niya na mula kay Paul na kumain si Finn ng kayamanan na may kakayahang tapatan ang lakas ng isang 9th Level Heavenly Emperor Rank, at ang kapalit nito ay hindi makagagamit ng enerhiya ang binata sa loob ng isang buong araw.

Dahil dito, nagboluntaryo siya na mananatili muna siya rito at tatayo muna siyang protektor ng grupo upang makaiwas sa insidente. Hindi niya pa rin sigurado kung may humahabol sa kanya, at pakiramdam niya ay kulang na kulang ang kabayarang isang Chaotic Fruit para sa pagsisikap at pagprotekta ng grupo ni Finn sa kanya.

Bukod sa paggagawa ng binata ng formation para payapa siyang makapagpagaling at makapagsanay, gumamit pa ito ng kayamanan na maaaring makapagliligtas sa kanyang buhay sa hinaharap. Siya ay marunong tumanaw ng utang na loob, at nangako na lamang siya sa kanyang sarili na bukod sa pansamantalang pagbabantay sa grupo ni Finn, sa oras na makalabas sila rito ay susubukan niyang hingiin ang tulong ng kanyang guro para iligtas ang grupo ni Finn mula sa Crimson Lotus Alliance.

‘Siguradong napakalaking gulo ng naidulot ni Finn Doria sa Crimson Lotus Alliance--lalong-lalo na sa Crimson Guardian. Ang kamatayan ni Gyuru ay hindi palalampasin nina Gamor at Urio, siguradong maghihiganti sila. Sana lang ay pakinggan at pagbigyan ako ni Guro sa oras na hingiin ko ang kanyang tulong para iligtas ang mga ito mula sa panganib,’ sa isip ni Klaws.

Pinakiramdaman niya muli ang kanyang enerhiya. Ibang-iba na ang tindi ng kanyang kapangyarihan kaysa noong siya ay Heavenly Emperor Rank lamang. Mas naging marahas ang kanyang enerhiya, at ramdam niya na kayang-kaya niyang lumaban sa mga Heavenly Emperor Rank kahit hindi siya gumagamit ng ikalawang antas ng kanyang foundation art. Ramdam niya na ngayon ang sinasabi sa kanya ng kanyang guro sa tuwing binabanggit nito ang tungkol sa pag-abot sa Chaos Rank.

Sina Finn ang rason kung bakit niya naabot ng ligtas at tahimik ang Chaos Rank dahil habang ina-absorb niya ang Chaotic Fruit, tensyonadong nakikipaglaban sina Finn kay Gyuru at sa mga tauhan nito. Kitang-kita niya ang kinahinatnan ng laban, at kahit na walang nalagas sa grupo ni Finn, nagtamo pa rin sila ng malubhang pinsala at napagod pa ang lahat sa kanila na sa puntong kakailanganin pa nila ng ilang araw para lubusang gumaling, at upang maibalik sa isang daang porsyento ang kanilang lakas.

Ilang sandali pang pakikiramdam sa bago niyang lakas, bumaling siya kay Paul na kasalukuyang nakatitig lang sa kawalan. Hindi ito nagninilay-nilay kaya nilapitan niya ito upang kausapin.

Napansin ni Paul ang paglapit sa kanya ni Klaws. Agad siyang natauhan at napatingin siya rito, nagtataka at nahihiwagaan kung bakit ito palapit sa kanya. Tumayo rin siya upang pormal na harapin ito.

“Paul Bayson, maaari ba akong magtanong?” Wika ni Klaws nang makalapit siya kay Paul.

Nang marinig ni Paul ang sadya sa kanya ni Klaws, bahagya siyang tumango at ngumiti, “Hangga't kaya kong sagutin, sasagutin ko.”

Huminga ng malalim si Klaws. Bumaling siya sa kinaroroonan nina Finn, Eon at Poll at muling nagsalita, “Kung hindi mo mamasamain... pagkatapos ninyong makabawi ng lakas, saan kayo pupunta? Lilisanin n'yo na ba ang bulkan na ito upang magpatuloy sa paglalakbay sa mundong ito?”

Napaisip si Paul kung sasagutin niya ang tanong ni Klaws. Mayroon na silang plano ngunit pribado ito sa kanilang grupo lamang kaya hindi niya maaaring sabihin kung saan talaga ang kanilang destinasyon.

Agad na napansin ni Klaws ang pag-iisip ni Paul. Naunawaan niya kung ano ang iniisip nito kaya pilit siyang ngumiti at nagwika, “Hindi mo na kailangang sumagot kung hindi maaari.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Where stories live. Discover now