Chap.8: Ang Unang Laban

16.9K 470 28
                                    

 ๑۩۞۩๑  Ang Unang Laban  ๑۩۞۩๑

Sa isang iglap, bumalik sa dati ang kapaligiran. Di na blurred. Maliwanag ang bilog na buwan sa langit pero ang mas nagbibigay liwanag ay si Popoy.

Nakikita ko na si Itim na kapansin-pansin na suot-suot niya sa may kanang hita ang singsing na agimat ni tatay Alberto.

Nakikita ko na rin si Dahongo sa di kalayuan na nakatunganga. Malamang di makapaniwala na may elemento na ako.

"Nagawa mo rin, Gino!" masayang sambit ni Itim.

Kakaiba na ang pakiramdam ko. Feeling ko mas lumakas ang mga senses ko. Nararamdaman ko ang pinong-pinong haplos ng malamig na hangin.  Naririnig ko ang mahinang huni ng mga ibong tulog pati na rin ang kahol ng aso sa napakalayong bahay. Sa sobrang lakas, may nakikita, naririnig at nararamdaman akong di normal para sa akin. 

Tumingin ako sa paligid. May mga kinang ng mata akong nakikita. Mga engkanto! Mabuti na lang nagtatago sila sa kadiliman ng mga anino. Naririnig ko ang kanilang mga bulungan. Nararamdaman ko ang kanilang presensya. Di sila karamihan. Sa aking pakiramdam, may dalawa pang duwende kagaya ni Dahongo na nagtatago sa likod ng naglalakihang bato. May isang kapre na nakatayo sa likod ng puno ng mangga. Naaamoy ko ang usok ng tabako nito. May malakas ding amoy ng isang tikbalang. Naririnig ko ang ugol nito na kagaya sa isang kabayo. 

"Nakakapagbukas ba ng third-eye ang agimat mo Popoy?" tanong ko sa santelmo habang napansin ko na may tatlong maliit na maliliwanag na batang babae na naghahabulan sa di kalayuan. Mga multo o diwata?

"Di mo man nais pero oo. Mas lalakas ang iyong espiritwal na pandama."

"Kailangan mo kasi ito lalo na kung may papalapit na kalaban." dagdag ni Itim.

"Okay game na!" biglang sabi ko. Excited na akong gamitin ang elemento ng apoy. Pinagdikit ko ang aking dalawang palad at pinagpatong ang mga daliri upang makagawa ng isang baril. "Bang! Bang!" seryoso kong sigaw.

"WHAHHAHAHAAHHAH! Baliw na, bata!" tawa ng tawa si Dahongo. 

"Sorry naman!" naaasar kong sambit, "Paano ba?"

Magaling na lang di pinansin nina Popoy at Itim ang ginawa ko.

"Gino, Kailangan mo munang tawagin ako at damhin ang aking presensya." sagot ni Popoy."

"Di ko alam kung paano sabihin."

"Bawat tao ay may kanya-kanyang paraan ng pagtawag ng kani-kanilang engkanto at may kani-kanilang pamamaraan ng paggamit ng elemento. Ikaw lang ang makakasagot ng iyong tanong."

Unting-unting naglaho si Popoy at bahagyang dumilim. "Nasaan ka na Popoy?" natataranta kong sambit.

"Nandito lang ako, Gino. E'to na ang pagkakataon upang madama mo ang aking presensya. Ako'y nasa sa iyo na."

Napakamot ako ng ulo. Di ko talaga alam kung ano ang gagawin. 

"Iho, ipikit mo ang iyong mga mata at hanapin mo sa loob mo si Popoy. Tawagin mo siya. Maging isa kayo." marahang sabi ni Itim.

Pinikit ko ang aking mga mata.

"Gino..."

"Popoy? Nasaan ka?"

"Doon sa pinagmumulan ng iyong emosyon...ng iyong galit...ng iyong pagmamahal..."

Sandaling sumikip ang aking dibdib. Nang huminga ako ng malalim may kakaibang init akong nararamdaman sa dibdib ko. Sobrang init pero hindi nakakapaso. Masarap sa pakiramdam. Bumilis ang tibok ng aking puso. Napakabilis yung pakiramdam na parang gusto nitong kumawala. Pinatong ko ang aking kanang kamay sa dibdib ko. Lumiwanag ang dyamanteng ruby sa aking agimat na singsing.

ELEMENTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon