EL KANTADIA 26: ANG HALIK NG TUNAY NA PAG-IBIG

2.4K 99 5
                                    


Hindi hahayaan ni Daniel na mawala sa kanyang paningin ang itim na usok na tumakas mula sa Kristal na Palasyo sa Kabundukan ng Yelo.

Bihag ni Carlos ang kanyang pinakamamahal na alam niyang nagdurusa. Sobra siyang nanghinayang sa mga taong nasayang. Hindi din niya lubos maisip kung anong kalapastanganan ang mga pinaggagawa nito kay Mariella!

"Mahal ko, maghintay ka lang! Ililigtas kita!" kanyang sigaw sabay kampay sa kanyang pakpak na may malalapad na balahibo. Nasa anyong kaisa na siya sa kanyang elementong-kaisa na si Agilus. Balot ng pinaghalong itim, puti at kulay tsokolateng balahibo ng ibon ang kanyang buong maskuladong katawan.

Kung anong bilis ng itim na usok na ngayon ay animo'y tambuhalang ahas na gumagapang sa himpapawid, ay siyang kasing tulin naman gaya ng isang agila si Daniel sa paglipad; kahalintulad ng isang ibong determinadong hulihin ang kanyang hinahabol, at ito ay si Carlos!

"Humanda ka!" pagbabanta niya.

Sunod-sunod na bumuga ng malakas na hangin si Daniel, pilit tinatamaan ang itim na usok. Pero humahalo lang sa hangin ang usok at muling nabubuo lang ito.

Napagtanto ni Daniel na kailangang nasa pisikal na katawan si Carlos para matamaan niya ito. Dapat hindi naka-anyong usok ang school director! Ngunit paano niya ito magagawang mag-anyong tao?

Hindi rin nagtagal ay may naaaninag siya na mga lumulutang na anyong lupa sa langit. Berdeng-berde ang mga ito dahil puno ng mga halaman at puno na hitik sa mga bulaklak at bungang prutas. Nagkalat din ang mga naglalakihang pira-pirasong mga dyamante at hiyas na nagpapadagdag sa ganda at hiwaga ng lugar.

Sinabi sa kanya ni Agilus na isang griffin na nasa teritoryo na sila ng elementong hangin, ang mga Isla ng Hangin!

Lubusan namang bumagal ang hinahabol na itim na usok dahil ang mga maliliit isla ay gumagalaw at nakakaharang sa dadaanan nito.

Napangiti si Daniel. Ito na ang kanyang pagkakataon. Pabor pa sa kanya dahil ang buong lugar ay para sa elemento ng hangin. Nakakaramdam siya ng pamilyar at malakas na kapangyarihan!

Ngayon ay nagpabalik-balik na ang itim na usok sa pag-ikot sa mga isla. May hinahanap si Carlos. Ang sabi sa kanya ng dyos ng Poot at Dilim na si Anino, may isang itim na hiyas sa isa sa mga islang lumulutang sa hangin na siyang magdadala sa kanya at kay Mariella sa kinaroroonan ng iba pang mga dalaketnon at mga taga-sunod ng dyos. Kailangang mahanap niya ito ng mabilis! Batid niyang hinahabol siya ng dating kaibigang si Daniel na inagawan niya ng pag-ibig. Nagkakamali ang ito kung iniisip na hahayaaan niyang mabawi nito ang dyosa. Sa kanya lang si Mariella!

May itim na liwanag ang biglang kuminang sa isa sa mga lumulutang na isla. Higit itong mas malaki at malapad sa ibang mga isla. Malakas ang kutob ni Carlos na dito niya makikita ang hinahanap na hiyas.

Nais man niyang manatiling nasa anyong usok, hindi maari; masyadong malakas ang sirkulasyon ng hangin sa buong lugar, sa lakas nito'y nadadala ang usok papalayo. Mas mabuting nasa anyong-tao siya para hindi madala ng hangin.

Sinadya niyang magpaikot-ikot muna sa mga isla upang lituhin si Daniel. Dali-dali siyang nag-anyong tao pagliko niya sa isang malaking puno sa isla kung saan niya nakita saglit ang itim na liwanag. Nalampasan siya ni Daniel na nasa ere pa rin at lumilipad.

"Huh? Anong nangyayari? Nasaan na tayo, Carlos?" tanong ni Mariella na wala pa ding makita dahil sa itim na telang nakatakip sa kanyang buong mukha.

"Shhh! Huwag kang maingay." saway ni Carlos.

Nang masiguro na niyang malayo si Daniel, hinila niya ang dyosa gamit ang kadenang nakapulupot sa magkabilang mga kamay nito. May ilang galos na sa maselang balat nito.

ELEMENTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon