[TWO] Chap.17: Uhaw sa Kapangyarihan

6.6K 196 18
                                    

๑۩۞۩๑ Uhaw sa Kapangyarihan ๑۩۞۩๑                 

   



Malakas ang sigawan. May kaguluhang nangyayari sa isang kasiyahan na puno ng mga sosyal na tao. Binuksan ni Gino Ivan Lazaro ang kanyang mga mata at napangiti. Ito ang gusto niya. Maraming tao ang takot at nagsisipagtakbuhan.

Isa itong kalayaan. Pakiramdam niya lahat ng gugustuhin niya ay kanyang makakamit. Walang sino mang kakapagpigil sa kanya. 

"Boooo!"

Nanlaki ang mga mata ng isang matandang lalaki. Natakot ito sa halimaw na maskarang suot-suot ni Gino.

"Mga maligno! Mga Halimaw!" nagsisisigaw na tumakbo ang matanda.

Natawa si Gino. Naaaliw siya. Silang lahat ay gulat na gulat at takot na takot. Hindi nila malaman ang gagawin. Halos lahat ay parang batang natataranta. Isa itong nakakatawang palabas.

Umiinit na ang kanyang mga palad. Masakit pero titiisin niya ang lahat para sa kapangyarihan. Hindi na siya ordinaryong bata, mayroon na siyang kapangyarihan! Lahat ay susunod sa kanyang ninanais.

"Fuego!" sigaw niya at mula sa kanyang mga palad ay kumawala ang apoy!

Gustong-gusto niya pinaghalong mangha at takot sa mga mukha ang mga taong nakakakita ng kanyang kapangyarihan.

"A-Ano kang bata ka?" may naglakas loob na nagtanong.

"Ako ay iyong bangungot! Hahahaha!"  mayabang niyang sagot at inihagis ang apoy sa nagtanong. 

Hindi ito inaasahan ng nagtanong at laking takot nito nang biglang nagliyab ng suot-suot na damit. Tumakbo ito papalayo.

"OH ANO? LALABAN KAYO?!" hamon ni Gino at patuloy na nanakot at nanggulo. 

Teka, mali...

Pawis na pawis na bumangon si Gino mula sa kanyang kinahihigaan. Isa na namang panaginip. Pero bakit parang totoo?! Nararamdaman pa rin niya ang kakaibang sensasyon sa kanyang mga palad. 

Apoy. 

Alam ni Gino sa loob-loob niya gusto niyang maranasan muling gumamit ng elemento ng apoy. Oo, sa kung anong dahilan ay nagagawa niyang painitin ang kanyang mga palad pero kahit gustuhin niya ay wala pa ring lumalabas na apoy.

Naalala niya si Priopoyrio... Si Popoy, ang kanyang elementong-kaisa. Namimiss na niya ito.

"Popoy..." bulong ni Gino. 

Malalim ang gabi. Kakaiba din ang katahimikan. 

"Gino."

Isang pamilyar na boses ang tumawag sa kanyang pangalan.  

"Popoy?"

"Gino."

"Popoy, nasaan ka?" tawag ni Gino. Hindi siya makapaniwala. "Akala ko tuluyan ka nang nawala."

"Hindi kailan man ako nawala." sagot ng boses ni Popoy sa kanyang isipan. "Ako at ikaw ay magkaisa. Kung nasaan ka, nadun din ako."

"Popoy!" tuwang-tuwa si Gino. "Magpakita ka!"

Pero biglang natahimik si Popoy. Lumipas ang isang saglit at wala nang sumagot.

"Popoy?"

"HAHAHAHAHAHAHAH!" may tumawa.

Lalong dumilim ang kapaligiran. Naramdaman na lang ni Gino na nakatayo na siya mula sa pagkakaupo sa kanyang kama. Tuluyan na siyang nawala sa kanyang kwarto.

ELEMENTOWhere stories live. Discover now