[TWO] Chap.25: Ang Sulat ni Ren

4.1K 163 10
                                    

۩۞۩๑ Ang Sulat ni Ren ๑۩۞۩๑




Isang bangungot na nagkatotoo.

Paos na si Clarissa Gutang sa kakasigaw ng pangalan ni Mang Jose, nagmamakaawang imulat ng kanyang ama ang mga mata pero wala itong kibo habang nagkakagulo ang mga nurse at doktor sa Emergency room.

"Ma'am hanggang dito na lang po kayo." sambit ng isang nurse at isinara ang kurtina.

Sumigaw si Clarissa, hindi niya naintindihan ang sinabi nito. Wala na siyang naririnig, wala na siyang pakialam sa kanyang paligid. Ang tanging malinaw lang sa kanya ay ang realidad na nasa panganib ang kanyang ama at maaari itong malagutan ng hininga kahit anong oras.

Natatakot siya. Takot na takot siyang malaman na baka maging ulilang lubos siya sa isang iglap lamang! Hindi iyon maaari! Hindi siya makakapayag!

"Tama na, Clarissa. Huminahon ka."

May mga bisig na pumigil sa kanya sa paggalaw at pagtangkang lumapit muli sa berdeng kurtinang syang nagkukubli sa kanyang ama.

Si Ren Dela Rosa.

Isang malutong na sampal ang ibinigay niya dito. Nanlilisik ang mga mata ni Clarissa at patuloy niyang pinagpapalo ito

Nanlulumo si Clarissa. Kitang-kita niya kung paano tinulak ni Ren ang kanyang ama sa kalsada na syang naging dahilan ng pagkakasagasa nito. Hindi lubos maisip ni Clarissa na magagawa ito ni Ren. Ano ba ang kanyang ninanais? Bakit ba niya sinaktan ang kanyang Tatay Jose?!

"Layuan mo ako! Ayaw kitang makita! BAKIT MO GINAWA IYON KAY TATAY?!!!" Halos wala nang mailuha ang namamagang mga mata ni Clarissa. Tinulak niya ito at kumawala sa pagkakahawak. "Pag... pag may nangyari sa tatay ko..." nanginginig ang mga labi ni Clarissa. Ayaw niyang bigkasin ang nasa kanyang isipan. "Pag si-siya ay... ay... HINDING-HINDI KITA MAPAPATAWAD!"

"Clarissa, please maniwala ka! Hindi ako 'yon. May ibang tao doon na marunong gumamit ng orasyon at kinuntrol ako. Alam mo naman na hindi ko magagawang saktan si Mang Jose, lalo't tatay mo siya." pagpapaliwanag ni Ren, umaasang pakinggan siya ng dalaga.

"HINDI, kitang-kita ko ng aking dalawang mata kung anong ginawa mo!" giit ni Clarissa.

"Clarissa naman!" Hindi maitago ni Ren ang inis dahil kahit anong pagpapaliwanag niya sarado na ang pag-iisip ni Clarissa.

"Dapat ikulong ka!"

"Iha. Huwag kang padalos-dalos." pagtanggol ni Ginang Violy Dela Rosa sa kanyang anak. Siya ang unang tinawagan ni Ren para tulungan si Mang Jose upang mabilis na madala sa oapital. Bilang isang ina, hindi siya naniniwalang magagawang saktan ni Ren ang ama ni Clarissa.

"Clarissa...Sana makinig ka sakin..." pagsusumamo ni Ren. Nangangamba siyang tuluyan nang lumayo ang loob nito sa kanya.

"Anak, iwan mo muna si Clarissa." pumagitna si Ginang Violy at pinigilan ang anak sa pagtangkang paglapit nito kay Clarissa na walang humpay sa paghagulgol. "Intindihin mo sana na mabigat ito sa kanya. Natatakot siyang mawala ang kanyang tatay at maghahanap siya ng masisi. Lapitan mo na lang siya kapag nahimasmasan siya."

Tumango si Ren at tahimik na lumabas sa emergency room. Lumingon siya kay Clarissa. Pilit siyang pinapakalma ng kanyang mommy. Umupo sila sa may waiting area ng emergency room.

Hindi niya maintindihan ang mga pangyayari. Bakit ba masyado siyang pinapahirapan ng pagkakataon? Hindi na makatarungan!

Sana siya ang nasa tabi Clarissa at nagpapakalma dito. Ipapadama niya na lagi lang siyang nasa tabi nito. Pero impossible, napaka-impossible dahil siya mismo ang sinisisi nito!

ELEMENTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon