Naagaw ang attention namin sa pagsulpot ng malaking screen at muli naming nakita ang mukha ni Ms. Harmony. "I'm so happy to see you again guys. Congratulations para sa mga nanalo sa laban. At ngayon tayo nang magpatuloy sa huling yugto ng paligsahan."

Lumapit sa tabi ko 'yung baboy-ramo ni Master Hagiza habang nakatingin din siya sa screen na animo'y nauunawaan niya kung ano ang nangyayari.

Hikkk

Ilang buwan pa lang siyang nasa bahay ni Master Hagiza pero hindi ko inasahan na matalino rin pala siya. Muli kong tiningnan ang screen. Nawala ang mukha ni Ms. Harmony. Ipinakita sa amin ng screen ang mga tatahakin namin kung saan kami dapat pumunta at kung paano magtatapos ang paligsahan. "Para sa mga nanalo, kapag bumukas ang malaking pinto ng silid na 'to kailangan niyong makarating sa espesyal na silid kung nasaan ang medalyon."

"Bakit espesyal ang silid?" tanong ni Akihiro.

"Dahil hindi lahat ay maaaring makapasok. At dahil nasa huling yugto na kayo, bibigyan ko kayo ng bonus na babala. May nag-aabang na surpresa sa mga taong nais makuha ang medalyon. Kung hindi ka takot mamatay, at kung confident ka, na ikaw ang itinakda. Ihanda mo na ang iyong sarili." Nawala ang screen sa harap namin. Kasabay nu'n napatingin kami kay Nathaniel dahil biglang nagkaro'n ng butas sa puwesto niya.

"Ah!!!" nahulog siya sa butas kaya nagtaka kami.

"Naninigurado lang ang management na walang makakalusot na hindi nanalo." Paliwanag ni Mr. Bill. Hindi kami makapagsalita pero bakas sa mukha namin ang pag-aalala kay Nathaniel. "Huwag kayong mag-alala, hindi naman siya mapupuruhan sa pagbagsak niya, ligtas pa rin naman siya kung saan man siya dadalhin ng management." Napatingin kami sa isang malaking pinto na dahan-dahang bumubukas. "Humanda na kayo..." sabi sa amin ni Mr. Bill, kaya tumayo na si Akihiro, habang ako naman ay kinuha ko muna ang dagger na nasa sahig, nababalutan pa ito ng dugo ni Rune. Inabutan ako ng malinis na panyo ni Mr. Bill. "Kakailanganin mo pa rin ang bagay na 'yan." Sabi niya. Kinuha ko na lang ang panyo at pinunasan ang dagger ko. Samantala, nasa dating puwesto si Troy at Carlisle, hinihintay lang nilang tuluyang bumukas ang pinto.

"Excited na ako!" sabi ni Troy. Nu'ng una'y nakangiti pa siya pero bigla rin siyang ngumisi na parang may binabalak siyang hindi maganda. "Good luck sa atin." Huli niyang sabi, kasabay ng tuluyang pagluwag ng malaking pinto.

Nagtinginan ang lahat ng nanalo sa isa't isa. Para kaming nagpapakiramdaman kung sino ang unang aabante. Pero sa huli, si Troy ang unang tumakbo. Sumunod na rin tumakbo si Carlisle, Akihiro at ako.

Biglang humarap sa amin si Troy, may kinuha siya sa likurang bahagi ng katawan niya at agad iyon binato sa amin. Maliit ngunit kuminang ang bagay na 'yun nu'ng tinamaan ng ilaw. "Ilag!" Sabi ni Akihiro. Sinalag ng mga sandata namin ang mga maliliit ngunit matutulis na bagay habang muli namang tumakbo si Troy.

Nakarating kami sa dulo ng tunnel at tumambad sa amin ang napakaraming tao kaya napahinto kami, pati si Troy sa pagtakbo. Ang elegante ng mga suot nila. Kung hindi ako nagkakamali sila ang mga business partners ng Dunstan Clan. Lahat sila ay nakatingin sa amin pero parang may kakaiba sa kanila kaya agad nilapitan ni Troy ang isang malapit sa kanya na isang ginang at hinawakan 'to, tumagos lang sa kamay niya ang taong 'yun na nakatingin lang sa kanya. "Woh, hologram lang sila. Amazing!" Sabi niya.

"Nasa ibang lugar sila ng kastilyo. Maaring ipinapakita lang nila kung sino-sino sila dahil nasa huling yugto na tayo ng paligsahan." Paliwanag ni Akihiro.

Hindi ko makita si Master Hagiza at si Master Luis, sa halip si Kyzhen ang nahagip ng mga mata ko. Makahulugan ang tingin niya sa akin pero agad ko ring iniwas ang tingin sa kanya dahil muling tumakbo si Troy kaya ganoon na rin ang aming ginawa.

The Cold Mask And The Four Elements (Book 1)Where stories live. Discover now