52: MATCH (The Crystal Arrow 1)

921 50 9
                                    

Ngayong nakabalik na ako hindi ko na alam kung anong sasabihin ko sa aking kaharap.

"Hindi ko masisisi ang mga tao kung ito ang tingin nila sa akin. Ang mga ninuno ko ay mas nauna pang nilikha at nabuhay kaysa sa apat na elemento. Kasabayan nang aking lahi ang mga dambuhalang hayop na nasa lupa, sa karagatan, at himpapawid. Sa inyo tinatawag silang Dinosaur. Iilan lamang ang aming lahi sapagkat kinakain ang mga bata ng ibang mas malalaking nilalang na mahilig sa karne. Madalas kaming magtago sa kagubatan, sa matataas na kabundukan, at malalamig na lugar."

Dinosaurs?

"Kung ganoon paano kayo nabuhay? Samantalang namatay ang mga nilalang na sinasabi mo."

"Sapagkat, kaya naming pakibagayan at pag-aralan ang paligid." Napakunot ang aking noo. "Ang ninuno ko ay nagtago sa kailaliman ng karagatan upang mabuhay kagaya ng ibang nilalang na pinaniniwalang nabuhay rin sa panahon namin. Nang sila'y umahon nagbago na ang paligid, nawala na ang mga pamilyar na nilalang na nakasama ng aking mga ninuno at napalitan ng mga ibang uri ng hayop at ng mga mas mataas na nilalang sa mundo--- Ang tao. Maliliit sila kumpara sa amin subalit mas tuso, mas matalino, at mas mapanganib kumpara sa ibang lahing nakasagupa na namin. Nang dahil doon kaya muli kaming nagtago subali't may ilang mga tao na nahahanap o nadidiskubre pa rin kami. Ang iba sa kanila, dala ng kuryosidad, ang iba ay nais kaming pag-aralan, ang iba ay nais kaming patayin, habang ang iba naman ay aksidente kaming nakikita. Ang aming uri ay napakalaki at talagang kakaiba kumpara sa mga hayop na madalas niyo nang nakikita, kaya binansagan kaming halimaw at pinaniniwalang pumapaslang."

Natahimik na lamang ako sa kanyang kwento.

"Mahilig din kami sa karne subalit hindi kami kumakain ng karne ng tao. Maniwala ka... Kayo ang pinakadelikadong nilalang na aming nakita kung kaya't hindi pagkain ang tingin namin sa inyo, kundi kalaban o kaibigan. Sinanay ako ni Hagiza na isda at patay na manok lamang ang aking kinakain. Isang araw nang makatikim ako ng karne ng buhay na kambing, hinahanaphanap na ito ng aking katawan, kung kaya't nagtutungo ako sa pinakamalapit na bayan upang kumuha ng kahit anong hayop na lumalakad sa lupa."

Sa totoo lang hindi ko alam kung papaano magrereact sa mga sinabi ni Lucas, subali't isa lamang ang alam ko. "Hindi ka pumapaslang ng mga tao. Bakit hindi mo ito sinabi sa kanila?"

"Sapagka't wala silang kakayahan na marinig ang aking tinig. Kahit ang dating sisidlan ay hindi rin ako narinig." Napakunot ang aking noo sa kanyang sinabi.

Maging si Lady Margareth na naging sisidlan ay hindi siya narinig, gayong kaya naman niyang makipagcommunicate sa apat na elemento.

"Ikaw ang unang taong nakarinig sa akin."

"Bakit?"

Muling tumaas ng bahagya ang Lantern na pumapagitna sa aming dalawa. Nang wala ng harang ay unti-unti itong lumapit sa aking kinaroroonan at itunuro kung nasaan ang aking puso. "Ang puso mo ang gumawa ng paraan upang mabasag ang harang na nakapagitan sa ating dalawa kaya narinig mo ang aking tinig. Hindi ko akalaing may uusbong na katulad mo sa lahi ng mga tao."

Nanatili lamang akong tahimik dahil tila hindi magprocess sa utak ko ang sinasabi ng Dragon sa aking harapan.

"Ngayon Elyon, sabihin mo sa akin kung bakit nais mong maka-alis sa lugar na ito?"

"Dahil..." Hindi ko maipagpatuloy ang aking sasabihin kaya pumikit na lamang ako at pinakinggan ang pintig ng aking puso. Matapos ang ilang minuto ay muli akong dumilat at tinitigan siya sa kanyang mga mata. "Ang totoo, ayoko na talagang umalis sa lugar na ito dahil ayokong iwan ka."

"Ipagpapalit mo ang kailangan ng mundo para lamang sa isang katulad ko?"

"Dahil bahagi ka ng mundo, kaya mahalaga ka."

The Cold Mask And The Four Elements (Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon