Andress 73 | Panaginip

125 13 23
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Panaginip ||


Nagising akong nakahiga sa manipis na damo sa gitna ng gubat, madilim ang paligid at tanging ang mga alitaptap na nagkalat sa paligid lamang ang nagbibigay liwanag sa paligid. Ang kalangitan na inaasahan kong puno ng mga maniningning na bituin ay hindi ko nakita, wala ni isa at wala rin ang buwan.

Matapos ang ilang sandaling pagkakahiga ay nagpasya na rin akong bumangon lalo pa nang ako'y makarinig ng kaluskos sa paligid. Dahan-dahan akong naglakad palapit sa pinanggalingan ng kaluskos at nang hawiin ko ang makakapal na halaman sa harapan ay isang batis ang aking nakita.

Sandali akong natigil sa aking kinatatayuan habang pinagmamasdan ang batis na sa 'di ko malamang dahilan ay tila nagliliwanag sa sobrang linis ng tubig na tila kristal. Ngunit ang pagkamangha ko sa batis ay naagaw ng isang bulto ng tao na nakaupo 'di kalayuan.

Dahan-dahan akong naglakad palapit sa taong nakaupo, maingat ang bawat hakbang ko upang hindi ko siya mabigla at matakot. Nang ako'y nasa likuran na niya saka ako nagsalita.

"Anong ginawa mo rito?"

Pabalikwas itong lumingon sa akin at dali-daling gumapang palayo. Kita sa kanyang mukha ang labis-labis na pagkagulat, kahit ako ay nagulat din.

"Uy, anong ginagawa mo rito, bata?" tanong ko sa batang dilat ang mata na nakatitig sa akin dahil sa pagkabigla. Sa aking palagay ay nasa walo o siyam na taong gulang na siya.

"Gabing-gabi na ah, bakit nandito ka? Nasaan ang iyong mga magulang? Hindi ligtas para sa isang batang tulad mo ang mantili rito."

Dahan-dahan siyang tumayo mula sa pagkakasadlak sa lupa. Napalitan na ng pinaghalong inis at pagtataka ang kanyang gulat kanina.

"Edi hindi rin ligtas para sa'yo ang manatili rito! Kung tawagin mo ako na bata parang hindi ka rin bata ah!" aniya na aking ikinataka.

Naglakad ako palapit sa batis at dumungaw sa tubig, ang repleksyon na aking nakita ay hindi ang kasalukuyan kong anyo kundi ang anyo ko noong ako'y pitong taong gulang pa lamang.

"Saka hindi ako bata lang dahil isa akong Andekas kaya hindi ako natatakot." Nagliwanag ng sandali ang kanyang kamay at ilang sandali lamang ay may hawak na siyang punyal.

"Nakita mo? Kaya kong protektahan ang sarili ko! Isa akong mahusay at malakas na bata," taas noo niyang wika bago niya ako pinagmasdan mula ulo hanggang paa.

"Kung meron man na dapat umuwi na at umalis dito ay ikaw 'yun. Sandali nga, babae ka ba?"

Hinawi ko ang medyo mahaba kong buhok na humaharang sa aking mga mata bago lumakad palayo sa kanya, dali-dali naman siyang sumunod sa akin.

"Uy, sandali lang! Saan ka pupunta? Pwede ba akong manligaw sa'yo? Sige na oh!"

Natigil ako sa paglalakad at dali-daling lumingon sa kanya, gulat sa aking narinig.

"A-anong sinabi mo?"

Ngumiti siya ng malaki at nagpamewang sa aking harapan. "Ang sabi ko ay pwede ba akong manligaw. Ang isang magandang tulad mo ay kailangan bantayan at protektahan ng isang magiting at makisig na tulad ko. Ano sa tingin mo? Bagay na bagay naman tayo. Maganda ka, gwapo ako. Hindi ka na lugi."

Hindi ako nakasagot sa kanyang sinabi, hindi ko rin naman kasi alam kung ano ang sasabihin. Nang tumagal na hindi ako nakapagsalita ay bigla na lamang siyang nalungkot.

"Ayaw mo rin sa akin," ang malungkot niyang sabi. "Sige na, umuwi ka na. Iwan mo na lang ako rito."

Tumalikod siya sa akin at naglakad pabalik sa gilid ng batis. Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit nakaramdam din ako ng lungkot para sa kanya.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon