Andress 53 | Pagpupulong

262 18 12
                                    


📖 ANDRESS 📖

|| Pagpupulong ||


"Hoy, Andress! Ano ka ba? Mali 'yang ginagawa mo eh!" puna ni Enthon na gumising sa aking diwa.

Nataranta ako at dali-daling itinaas ang hawak kong espada. Masyado na palang okupado ng kung ano-anong mga bagay ang aking isipan at hindi ko na napagtutuunan ng pansin ang pagsasanay namin.

"P-pasensya na," paghingi ko na lamang ng despensa at umayos muli ng tindig.

Nandito kami ngayon sa burol kung saan nakatayo ang aking kubo. Dito ko napili na ipagpatuloy ang aking pagsasanay nang tuluyan nang bumalik ang aking lakas makalipas ang ilang araw. Pumayag naman si Guro dahil kasama ko naman si Enthon. 

"Ano bang gumugulo sa iyong isipan at wala ka sa iyong sarili? Hindi ka naman ganito noong mga unang pagsasanay natin. May bumabagabag ba sa'yo?" tanong niya habang nakapamewang. Umiling lamang ako at nag-iwas ng tingin sa kanya, pabugso-bugso na lang kasi ang pagkabog ng aking dibdib kapag nagtatagpo ang aming mga mata. Hindi naman ito mangyayari kundi dahil kay Asia.

Matapos ang naging pag-uusap namin noong gabing nagising ako, nagsimula na rin akong makaramdam ng pagka-ilang kay Enthon. Subukan ko mang pigilan, hindi ko naman magawa lalo pa't parang bubuyog na bumubulong lamang sa aking tenga ang mga salitang binitiwan noon ni Asia. Kaya ngayon, nahihirapan tuloy akong pagtuunan ng pansin ang aming pagsasanay lalo pa't dalawa lang kaming nandito.

Napansin ko na palapit na ito sa akin kaya itinuon ko na lamang ang atensyon ko sa paghampas ng hawak kong espada sa hangin. Inabala ko na lamang ang sarili ko sa ginagawa ko nang bigla niyang tinapik ang aking kamay dahilan para mabitawan ko ang espada.

Seryoso itong nakatingin sa akin, nakakalunod ang paraan ng kaniyang pagtitig at tila ba'y binabasa nito ang buo kong pagkatao. Sa huli ay yumuko na lamang ako at itinuon na lang ang tingin sa espada na nabitawan ko na unti-unting naglalaho.

"Mali ang paghawak mo sa espada. Nakita mo, sa isang tapik ko lamang at nabitawan mo kaagad ito," aniya saka muling nagsamo ng panibagong espada.

Lumapit ito sa akin at pumwesto sa aking likuran. Hindi ako nakakilos at parang tuod lamang akong nakatayo at nakatingin sa harapan.

"Hawakan mo. Gagabayan ko ang kamay mo kung paano ito hinahawakan ng tama." Inabot niya sa akin ang espada mula sa likuran. Ang kilabot at tila panghihina ay gumapang nang mabilis sa buo kong katawan nang tumama ang mainit niyang hininga sa aking batok.

"A-ako na lang. Ano... alam ko naman na, E-Enthon." Gusto kong pagalitan ang sarili ko sa ilang beses na pagka-utal ngunit hindi ko talaga napigilan.

"Alam mo pero hindi mo naman ginagawa," inis na niyang sabi. "Hawakan mo na kung ayaw mong ihagis kita pababa ng burol!"

Kahit na naiilang sa presensya niya na nasa aking likuran ay sinunod ko na lamang siya. Palihim na lamang akong humihinga ng malalim habang tinuturo niya sa akin ang dapat gawin at ginagabayan ang aking kamay sa tamang paghawak sa espada.

"Ganyan. Nakuha mo na ba?" tanong niya na nagpaigtad sa akin.

Tumango ako. "A-ahh, oo. Oo, nakuha ko na."

Nasa ganu'ng posisyon kami nang biglang may sumulpot na liwanag sa aming harapan at iniluwa no'n si Kuya Rigor kasama sina Gadriel at Asia.

"Magandang tanghali sa inyo!" kumakaway na bati ni Gadriel. Nang maalala kong nakahawak pa rin si Enthon sa aking kamay at balikat mula sa aking likuran ay lihim akong kumilos upang lumayo sa kaniya. Nang lingunin ko siya, nakakunot ang noo niyang nakatitig sa akin.

ANDRESSWhere stories live. Discover now