Andress 94 | Muling Pagbangon

89 9 22
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Sa Pagbangon ni Andress ||

Haplos ng sariwang hangin ang malayang tumatama sa aking mukha. Rinig ko ang pagpaypay ng laylayan ng suot kong roba na pinasasayaw ng bawat ihip ng hangin. Matapos ang ilang sandaling pagmumuni-muni sa alapaap ay dahan-dahan na rin akong bumaba sa tuktok ng isang bundok na isang beses ko pa lamang napuntahan.

Lumapit ako sa nakaangat na tipak ng bato at dito naupo upang magpahinga. Mula rito sa kinauupuan ko, tanaw na tanaw ko ang malawak na kapaligiran sa ibaba- ang karagatan sa di kalayuan, ang napakalawak na kagubatan na nakapaligid at ang ilang bayan na halos sing-liit lamang ng langgam sa aking paningin. Ito ang pinakamataas na bundok sa buong Istenföld, ito ay nalaman ko sa kaisa-isang tao na minsang nagdala sa akin dito; ng taong wala na ngayon.

'Si Guro Plabio.'

Isang malalim na paghinga ang aking pinakawalan. Muli ko na naman kasing naramdaman ang pag-init at pamamasa ng aking mga mata, nagbabadya na namang bumagsak ang aking mga luha kaya't minabuti ko na lang na paglabanan ang nabubuhay na kalungkutan at pangungulila.

Tapos na ang mga araw ng walang tigil na pagluha. Pinakawalan ko na ang emosyong gumapos sa akin ng ilang araw at gabi. Wala ng lugar sa aking puso ang maghimutok at magmukmok bagkus ay nabubuhay na lang sa akin ay ang bilin ni Guro- ang magpatuloy.

Ganun pa man, ang mga huling araw na nakasama namin sya bago siya tuluyang nagpaalam sa amin dalawang Linggo na ang nakalilipas ay nasa aking isipan parin. Sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata, nakikita at naririnig ko parin ang mukha ng mga taong sumama at nakiramay sa paghatid kay Guro sa kanyang huling hantungan.


•••••

Dinig ko ang hikbi, hagulgol at panaghoy ng mga taong nasa paligid, lahat kami ay nakasuot ng puti at may hawak na mga Puting Rosas sa aming mga kamay. Sa harapan, nakatayo si Tata Tabian sa tabi ng katawan ni Guro na nakahimlay sa mga tumpok ng kahoy.

Nakatulala lamang ako sa kawalan. Hindi ko alam kung sino-sino ang mga panaka-nakang tumatapik o yumayakap sa akin sa kadahilanang ang isipan ko ay masyado ng manhid sa mga nangyari. Para na lamang naging bato ang aking katawan at pakiramdam ko ay tumigil na ang puso ko sa pagtibok at ang isipan ko sa pag-iisip.

Ilang araw ko mang i-proseso ay wala parin talagang magandang mga salita na makakapag-alis ng sakit at pait na nararamdaman ko. Kung pwede lang sanang ipa-gamot sa mga Maaram ang aking puso upang magtigil na ang sakit na nararamdaman nito ay matagal ko ng ginawa ngunit hindi iyon maaari.

Sa pagkakatulala ko, dumako bigla ang mga mata ko sa katawan ni Guro na nakahiga sa ibabaw ng mga tumpok ng kahoy. Hindi na sya gumagalaw at alam kong hindi na sya gagalaw pa kahit kailan. Habang pinagmamasdan ko ang payapa at maaliwalas na nitong mukha ay bigla na lamang pumatak ang aking mga luha. Muling nagbalik sa aking isipan ang naging pag-uusap namin sa aking panaginip ilang araw na ang nakalilipas bago ako nahanap nil Kuya Saturno.

[ "Andress, wala akong takot o pagsisisihan na iniwan ko na kayo dahil alam kong maitatayo ninyo ang isa't-isa sa pagtutulungan. Alam na ni Saturno ang mga gagawin sa Santuario at nangako sya sa akin na pananatilihin ito bilang pag-alala sa akin. At ikaw naman bilang aking tagapagmana, nais ko na ipagpatuloy mo ang ating nasimulan at wag magpapagapos sa mga pagsubok at hamon. Nawala man ako ay lagi mong tatandaan na lagi mo parin akong kasama sa pamamagitan ng libro at pag-alala sa akin." ]

ANDRESSDove le storie prendono vita. Scoprilo ora