Andress 16 | Kubo sa Burol

430 28 17
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Kubo sa Burol ||

Mataas na ang sikat ng araw nang ako ay magising. Walang pagmamadali kong iminulat ang aking mga mata at hinayaan itong manatiling nakatutok sa malaking Oro-oro na nasa kahoy na kisame ng silid.

Nang magsawa rito ay sa bintanang nasa kaliwa ng aking hinihigaan naman ang aking binalingan. Maya-maya ay tumayo na rin ako at nagtungo rito. Bumungad kaagad sa akin ang asul na kalangitan at ang maberdeng kaparangan sa paligid nang buksan ko ang bintana. 

Kahit na isang linggo ko na itong nakikita sa tuwing ako ay magigising sa araw-araw ay 'di pa rin nawawala ang kakaibang kaginhawaan na hatid nito sa akin.

Napaka-payapa.

Pikit ang mata at tahimik na sinasamyo ang preskong hangin na pumapasok sa bintana mula sa labas, ito ang aking kadalasang ginagawa sa tuwing ako ay magigising sa umaga.

Tahimik at payapa lang, malayo sa dati kong buhay at ngayon ay nakakasanayan ko na.

Makalipas ang ilang minuto na pagbababad sa preskong hangin at kapayapaang hatid ng kapaligiran ay lumabas na ako ng silid. Una kong nakita ay ang maliit na mesa sa kaliwa, may nakapatong dito na isang bayong na gawa sa ugat at pinatuyong dahon ng niyog.

Paglapit ko rito ay nakita ko ang isang papel na nakapatong sa ibabaw nito. Kahit na ayaw kong basahin dahil alam ko naman na kung kanino ito galing ay tila may sarili namang buhay ang aking mga kamay at mata.

'Hoy! Pinabibigay ni Tanda itong mga pagkain para sa'yo. Pinaglutuan ka rin ni Asia kaya ubusin mo lahat ng ito lalo na ang luto ni Asia dahil masarap s'yang magluto. 'Wag kang magsasayang ng pagkain. Enthon.'

Matapos basahin ang "makabagbag-damdaming" liham na galing kay Enthon ay binuksan ko na ang bayong.

Prutas at ilang mga tinapay ang nakita ko kaagad sa loob. May isang dilaw na lagayan rin na nakasara, mukhang ito ang tinutukoy ni Enthon na niluto ni Asia kaya 'yun na ang una kong kinuha.

Habang kumakain ay bigla silang sumagi sa aking isipan: si Enthon, si Gadriel at Asia, at maging si Gurong Plabio.

Halos mag-dadalawang linggo na mula noong ako ay idala ni Enthon dito sa Kanluran at halos isang linggo na rin akong naninirahan dito sa itaas ng burol... mag-isa.

Oo, pinili kong mamuhay mag-isa malayo sa kanila.

Alam na nila.

Alam na nila na tulad nila ay may tinataglay rin akong kapangyarihan. Ngunit mas pinili ko pa ring lumayo sa kanila kesa manatili sa Santuario kung saan dapat ang mga tulad namin; kung saan mas ligtas.

Ang tanging alam lang nila ay isa rin akong Andekas ngunit wala ni isa sa kanila ang nakakaalam ng kwento ko at nang tunay na pagkatao ko. Wala akong pinagsabihan kahit pa si Enthon na pinakauna kong nakilala sa kanila.

Pinili kong maging tahimik at
mapag-isa. Wala ni isang pwedeng maging malapit sa'kin dahil natatakot ako.

'Biyaya' nila kung ituring ang mga kakayahan nila ngunit 'Sumpa' naman ang tingin ko rito. At ang sumpang ito ang dahilan kung bakit kailangan kong gumawa ng mga desisyon tulad na lamang nitong paglayo at maging mapag-isa.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon