Andress 67 | Ang Pagsilang at Paghayag ng Bagong Panahon

181 18 19
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Pagsilang at Paghayag ng Bagong Panahon ||

Sa ibinigay na hudyat ni Ashnev ay nagsimula nang sumugod ang mga kalaban. Isa-isang bumuka ang bibig ng mga halimaw, humigop ng itim na enerhiya sa hangin at sa isang kumpas ni Farah ay ibinuga nila ang mga naipon sa amin.

Mabilis na kumilos si Kelyon at dali-daling ginalaw kanyang mga daliri upang pakilusin ang mga Bullis. Maging si Kuya Matias ay binalot ng liwanag, ilang sandali lamang ay naging Bullis rin ito ngunit doble ang laki ng katawan at sungay.

"Ngayon na!" sigaw ni Gadriel na may buhat sa akin. Naglabas ng malamlam na liwanag ang kanyang katawan hanggang sa isang asul na bula ang nabuo at naging harang naming dalawa.

Nagpakawala ng malalakas na dilaw na kidlat ang mga sungay ng mga Bullis at maging si Kuya Matias na nasa ganu'n ding anyo. Nagtama ang mga pinakawalang atake ng mga halimaw at ang atake nila Kuya Matias at ng mga Bullis. Lumikha ito ng malakas na pagsabog dahilan ng sandaling pagyanig. Ang ilang mga itim na enerhiyang binuga ng mga halimaw na hindi nahagip ng mga dilaw na kidlat ay hinarang naman ng mga ugat at baging ni Evan.

"'Wag niyo ng patagalin ang paghihirap niyo! Isuko n'yo na lamang ang mga sarili ninyo!" sigaw ni Ashnev. "Sa huli, kamatayan pa rin ang kahahantungan ninyo!"

"Wala na kayong lakas! Talo na kayo!" sigaw rin ni Farah bago niya itinaas ang kanyang tungkod na hawak. Muli niyang pinalakas at ginawang mas mabangis ang mga itim na halimaw.

Sandaling tinignan ko ang lahat. Sina Evan, Kelyon, Kuya Matias at Gadriel lang ang makakalaban. Kahit si Evan ay lumalaban na muli kasama namin habang pinuprotektahan ang kanyang mga magulang. Tunay nga na walang magagawa ang bilang nila sa kanila ngunit mataas pa rin ang kompyansa nila Gadriel na lumaban.

"Sugod!"

Naghanda muli sina Kelyon, Kuya Matias at Evan para sa mga pasugod na kalaban nang biglang umulan ng 'di mabilang na palaso. Bumagsak ang mga tinamaan at ang mga halimaw na nasa himpapawid ay pinabagsak ng kulay puting usok na sumulpot mula sa kung saan.

"Nandito na kami!" sigaw na galing sa babaeng nagpakawala ng 'di mabilang na palaso.

"Ayan na sila Asia!" nakangiting wika ni Gadriel habang nakatingin sa direksyon nila Asia. Nabigla pa ako nang makita ko sa tabi nya sila Aliah, Ellai, Ava, Kuya Rigor at si Kuya Ga'an kasama ang mga mandirigma mula sa kanilang bayan.

"Mga bagong pakialamero na naman!? Sawang-sawa na ako sa inyo!" Nagngitngit na talaga sa galit si Ashnev kaya sumabay na rin ito sa pagsugod.

"Alam niyo na ang gagawin!" sigaw ni Kuya Ga'an saka tumakbo pasugod sa mga kalaban. Naglabas ito ng hamog na bumalot sa buong paligid.

Wala na akong makita ngunit rinig na namin ang sunod-sunod na pagsasagupaan sa loob ng makapal na hamog. Habang pilit akong nakikiramdam sa paligid ay biglang may sumulpot sa aming tabi, ang akala ko ay kalaban ito ngunit pamilyar na presensya ang aking naramdaman.

Liwanag ang huli kong nakita bago ako pumikit at sa pagdilat ko ay nasa ibang lugar na kami. Batid kong nasa loob pa rin kami ng bayan dahil rinig pa rin ang malalakas na pagsabog at sagupaan. Malayo na kami sa gulo, ang tanging kasama lang namin dito ay sina Ava, Ellai, ang mga kasama naming paralisado. Nandito rin sila Evan kasama ang kanyang ama't ina.

ANDRESSWhere stories live. Discover now