Andress 79 | Ang Natitirang Haligi

100 13 2
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Natitirang Haligi ||

Ganap ng kalat ang dilim sa paligid, tunog ng mga kulisap at kuliglig ang maririnig sa nakakakilabot na katahimikan ng gabi bukod sa mga malulutong na tunog ng mga tuyong sanga at dahon na aming natatapakan.

Sa kabila ng kawalan ng buwan at mga bituin sa madilim na kalangitan, nagagawa pa rin naman naming makita ang aming daan sa tulong ng mga butil ng aking puting liwanag.

Sa haba ng aming paglalakad matapos ang ilang sandali ng aming pagpapahinga ay wala pa naman kaming nakakasalubong na panganib. Minsan ay may mga dumadaan na mga halimaw sa himpapawid ngunit wala naman sa mga ito ang nakakita sa amin, ginagamit namin ang kadiliman ng paligid upang itago kami, gayunpaman, ang mga kalat na espiritu at kaluluwa naman sa paligid ay hindi na nawala at mas dumagsa pa sa pagmamasid sa amin lalo pa't kalat na ang dilim.

"Malayo pa ba tayo?" tanong ni Gadriel na akbay ngayon ni Kuya Saturno. Ayaw na kasi nitong kumilos kanina nang makarinig na siya ng mga tinig na tila umiiyak.

"Medyo malapit na tayo," sagot ni Ama. "May isang ilog lang tayong tawirin matapos no'n ay ilang lakaran na lang nandoon na tayo."

Bumaling naman kay Gadriel si Kuya Rigor. "Narinig mo 'yun, Gadriel? Malapit na raw tayo kaya sumiksik ka muna riyan sa kili-kili ni Saturno."

Nagtawanan naman ang lahat.

Sa gitna ng usapan at ng masayang kwentuhan kung saan si Gadriel ang kanilang pinupulutan ay natigilan ako nang may bigla akong naramdaman. Nakita ni Ginoong Ludamus ang pagtigil ko kaya't tumigil din siya kasabay na ng lahat na biglang natahimik habang nakatingin sa akin.

"Andress, may problema ba?" tanong ni Ginoong Ludamus. Hindi ako nagsalita at sinenyasan ko muna sila na 'wag gagawa ng ingay.

Ipinikit ko kaagad ang aking mga mata at kumuha ng maliit na porsyento ng kapangyarihan at inilipat ko sa aking mga mata. Nang maramdaman ko ang paglamig ng aking mga mata ay dali-dali akong dumilat.


Ilan sa mga nagkalat na espiritu at kaluluwa na kanina lamang ay nagmamasid sa amin ang nahuli kong nagkakagulo at parang may kinakatakutan. Ang makita ang takot nila ay labis na nagdala ng matinding kilabot at pagkabahala sa akin kaya binalaan ko na kaagad ang aking mga kasama.

"May hindi tama, nagwawala ang mga espiritu, para silang may kinakatakutan. Maghanda kayo."

Tumalima kaagad ang mga ito at pumwesto pabilog kung saan si Ama ang nasa gitna. Kita sa mukha niya ang kaba at pagkabahala nang sandali ko siyang lingunin.

"Ama, huwag po kayong mabahala, hindi ko po kayo papabayaan," wika ko sabay tapik sa kanyang balikat. Tinignan niya lang ako ng ilang sandali bago siya tumango at hinawakan ang kamay kong nakapatong sa balikat niya.

"Ano bang nakikita mo, Andress? Hindi na kasi namin makita ang nangyari sa paligid," tanong ni Ginoong Ludamus.

Tinignan ko kaagad ang magkabilang kamay ko, ang kaninang manipis na usok na lumalabas sa aming katawan ay naglaho na.

"Hindi niyo na nakikita ang mga espiritu at kaluluwa sa paligid dahil sa mga oras na ito, wala na ang proteksyon ni Luwayen."

Napasinghap at mabilis nilang pinasadahan ng tingin ang kanilang kabuuan. Nang makita na wala na nga ang proteksyon ay mas lalo silang nabahala.

"Kung ganu'n ay magagawa na nila tayong saniban? Makukuha na nila ang mga katawan natin!?" mga tanong ni Gadriel na hindi na maitago ang pangingilabot at pagkabahala.

ANDRESSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon