Andress 57 | Iisang Damdamin

178 16 21
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Iisang Damdamin ||


Nang mahanap ko kung nasaan si Enthon ay walang pag-aalinlangang nagtungo na ako roon. Alam kong may inis pa rin ito sa akin dahil halos ang tagal na rin niya akong hindi pinapansin ngunit sa gabing ito, nais kong magka-ayos na kami. Nais kong maka-usap na siya bago sila umalis. Tama naman kaso sila Asia, kung patatagalin ko pa ito ay baka hindi na ako makakuha pa ng pagkakataon.

Alam kong hahanapan ako ni Enthon ng dahilan kung bakit ko siya hindi sinama sa akin. Sa totoo lang, wala pa rin akong balak na sabihin ang totoong rason dahil baka magbago pa ang isip nito at sapilitang sumama sa amin. Bahala na siguro kung anong lumabas sa aking bibig basta ay kailangang makausap ko muna siya ngayon.

Sa haba ng aking paglalakad sa gitna ng madilim na gubat ay nakarinig na ako ng lagaslas ng tubig. Hindi naman naging mahirap para sa akin na makakita sa dilim dahil sa tulong ng mga puting butil ng liwanag na naglalaro sa aking paligid. Para silang mga alitaptap na nagbibigay liwanag sa aking daan.

Ilang sandaling lakaran pa nga ay natanaw ko na ang batis. Napapikit ako at sandaling tumigil sa paglalakad para damhin ang tahimik na paligid at ang preskong simoy ng hangin. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigo ang kalikasan na pagaangin ang aking mga dinadala at alalahanin.

Sinundan ko na lamang ang batis, alam ko naman na ang lugar na ito dahil sa malapit lang ito sa burol kung saan nakatayo ang kubo na minsan kong tinuluyan. Madalas rin ako rito para magsanay at kumuha ng malinis na maiinom kaya hindi na ako maliligaw.

Natigil ako sa paglalakad nang makarating na ako sa lugar kung saan kami madalas magsanay ni Nelmi. Napangiti pa ako habang inaalala ang mga pagsasanay na ginawa namin rito.

Sa 'di kalayuan naman ay nakarinig ako ng paggalaw sa tubig— pagtampisaw ng kung sino sa batis. Ngunit sa halip na mangamba ay nagtungo na lang ako roon dahil kilala ko ang presensya ng taong nandoon— ang taong hinahanap ko.

Nang makita ko siya sa batis ay tangkang lalapitan ko na sana ngunit natigil ako nang makita kong wala siyang suot na kahit ano. Nakatalikod ito sa akin habang nakahawak sa kanyang buhok at bahagyang nakatingala sa madilim na kalangitan. Nalaman kong hubo't hubad ito dahil kita ko ang likuran bahagi ng kaniyang pang-ibaba.

Napahawak ako sa aking dibdib at mabilis na ginapangan ng kaba. Ang mukha ko ay biglang nag-init kaya naman mabilis akong nagtago at sumandal sa punong malapit sa akin.

Narinig ko muli ang paglagaslas ng tubig, mukhang lumusong na si Enthon. Ang kaba sa aking dibdib ay hindi mawala, ito kasi ang unang beses na nakita ko si Enthon sa ganu'ng ayos. Oo nga't madalas itong nagtatanggal ng pang-itaas kapag siya ay nagsasanay ngunit ang makita siyang hubo't hubad ay ibang usapan na.

Habang ako'y nakasandal sa punong pinagtataguan ko ay tatlong magkakasunod na tila pagbaon ng patalim ang narinig kong tumama rito.

"Alam kong may tao sa likod ng punong iyan, kita ko ang laylayan ng iyong damit! Nandito ka ba para panoorin akong maligo?" tanong niya na mas ikinalakas ng kabog ng aking dibdib. Alam niyang nandito ako.

Paggalaw sa tubig ang muli kong narinig at kasunod no'n ay apat na malalaking espada ang bumagsak sa aking magkabilang gilid.

"Kapag hindi ka pa lumabas diyan sa pinagtataguan mo ay mga sibat naman ang ibabato ko sa'yo," pambabanta niya. "Bibilang ako ng tatlo, isa-"

Napapikit na lamang ako ng mariin at inipon ang lakas sa aking dibdib.

"Dalawa-"

Bahala na kung anong kalabasan nito, kung galit pa siya sa akin sana kahit ang makinig lang sa akin ay pagbigyan niya.

ANDRESSWhere stories live. Discover now