Andress 20 | Pangitain

372 28 6
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Pangitain ||


Nagising ako sa tama ng mainit na sinag ng araw galing sa nakabukas na bintana. Mataas na ang sikat ng araw kaya mainit na ito sa balat.

Kahit medyo inaantok pa ay nagpasya na rin akong bumangon. Marami pa akong kailangang gawin at dapat kong matapos ang lahat ng mga 'yun ngayong umaga.

Diretso kaagad ako sa labas ng kubo upang gawin ang mga kadalasang ginagawa ko tuwing ako'y gigising– magwawalis at magdidilig ng mga tanim na gulay, kung may maaari ng anihin ay inaani ko na. Oras ang pinalipas ko saka ako bumalik sa loob ng kubo para naman mag-handa ng makakain.

Tatlong araw matapos akong maglakbay ay bumalik na ako rito sa aking kubo sa taas ng burol. Ayaw pa sana nila akong payagan na umalis ngunit masyado akong mapilit at matigas kaya't wala na rin silang nagawa pa at hinayaan na lamang ako.

Sa kwento nila Asia sa'kin, halos isang buong linggo akong walang malay. Marahil ay dahil sa paglalakbay ng aking diwa kaya ganu'n. Nagulat nga ako noong ako'y nagising dahil napaka-ikli lang naman ng aking paglalakbay ngunit inabot ako ng ganu'n katagal bago nagising.

Hindi ako makatayo at hindi rin makakilos. Para akong baldado nang ako'y makabalik sa aking katawang-lupa. Pakiramdam ko ay naubos ang lahat ng lakas ko kaya kinailangan pa akong bantayan at alagaan nila Asia ng halos tatlong araw. Nang kaya ko ng kumilos at magsalita saka ko naman inilahad sa kanila ang lahat ng mga nakita ko at naranasan ko sa aking paglalakbay.

Lahat.

Matapos ko ngang ilahad ang aking mga nakita ay naging abala ang lahat sa pag-alam sa mga tanawin na aking nakita. Ang mabatong bundok, ang mahabang ilog na lumilinya sa kagubatan at ang mga dahon ng mga puno sa kagubatan na 'yun ay kakaiba sa mga dahon na nakita ko. Kulay kayumanggi o 'di kaya ay kahel ang mga 'yun at may pagkakapareho rin ang hugis sa dahon ng lagundi na s'yang halamang-gamot.

Sa kanilang hinala ay maaring sa Silangan ako nakapaglakbay. May ilan kasi sa Santuario na nagsabing sa Silangan lang makikita ang dahon na nakita ko. Ang ina-alam na lamang nila ay ang eksaktong lokasyon ng malaking bahay na bato na aking nakita sa gitna ng kagubatan na walang dudang base ng mga Bandido.

Matapos kumain ay naglinis muna ako ng kubo at ng aking sarili na rin. Gusto kong magpunta sa Santuario ngayon para makibalita sa kanila.

Pagtapos mag-ayos ay isinuot ko muli ang abohing manto na nakasabit sa dingding ng aking kwarto. Isinarado ko rin ang kubo bago ako tumulak pababa ng burol patungong Santuario.

Hindi naman naging mahirap sa'kin ang paglalakad papunta sa gubat. Kabisado ko naman na ang gubat kaya mabilis lang rin akong nakarating sa Santuario.

Pagbukas ko ng pinto ay iilan lamang ang nadatnan kong tao sa loob, siguro ay mga nasa lima lamang sila at mukhang abala ang mga ito. Ang tanging nakapansin lang sa aking pagdating ay si Kuya Rigor na kabababa lang ng hagdan.

"Andress!" tawag nito sa'kin saka ako nilapitan.

Ngumiti lang ako at inantay s'yang makalapit.

"Anong sadya mo at naparito ka? May problema ba?"

"Wala po," umiiling kong sagot sa kanya. "Hinahanap ko lang po sila Asia."

ANDRESSWhere stories live. Discover now