Andress 88 | Ritmo ng Itim na Ritwal

110 11 21
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ritmo ng Itim na Ritwal ||

Magulo at malalakas na sigawan na sinusundan ng malalakas na pagsabog at pagyanig ang aming naabutan nang kami'y makalabas sa mahiwagang talon na nagsisilbing tarangkahan ng Nebel. Nasa magkabilang gilid lang ng talon ang mag-amang Keba'an at Kae'an para siguraduhin na walang makakapasok sa talon. Nagagawa naman nilang makatulong sa labanan dahil sa pambihirang kakayahan nilang manipulahin ang tubig.

"Andress, ayun si Enthon!" turo ni Asia sa isang direksyon matapos siyang pumana ng tatlong halimaw na lumilipad sa madilim na kalangitan.

Kalat na nga ang dilim dahil halos nasa kalagitnaan na rin ng gabi. Ngunit sa tulong na maliwanag at malaking puting harang na aking binuo upang protektahan ang buong bundok kung saan nakatago ang bayan, nagagawa naman nitong bigyang liwanag ang kapaligiran kahit papaano.

Nang lingunin ko ang direksyon na tinuro ni Asia, doon ko nga nakita si Enthon na abala sa pakikipaglaban sa mga naka-itim na manto at mga itim na halimaw ng karimlan. Sabay siyang nakikipagbuno sa mga ito ngunit hindi makikitang nahihirapan siya, patunay na isa talaga siyang bihasang mandirigma at malakas na Andekas.

Pinalutang ko ang aking sarili gamit ang aking kapangyarihan upang lumapit sa kanya. Sa tulong ng aking kapangyarihan, walang ni isa sa mga nagtangkang sumugod sa akin na mga halimaw na lumilipad ang nakalapit. Bago pa sila makalapit sa akin, bumabagsak na sila pabalik sa lupa o kaya ay nagiging abo na lamang matapos kong paulanan ng matatalas na puting liwanag.

"Enthon!"

Ikinumpas ko ang aking kamay sa kanyang direksyon nang makita kong sabay-sabay siyang pauulanan ng atake ng mga naka-itim na manto. At sakto lamang ang naging pagbuo ko ng harang bago pa man tumama ang mga ito sa kanya.

Napuno ng alikabok ang paligid niya, hindi ko makita kung anong nangyari sa kanya ngunit alam kong ligtas lang siya dahil hindi naman nasira o nabutas man lang ng mga pinagsama-samang atake nila ang nabuo kong harang.

Maya-maya pa ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin, nagpaikot-ikot ito sa kinatatayuan ni Enthon na puno pa rin ng alikabok hanggang sa sumabog ang umiikot na hangin at winalis ang alikabok. Ngayon na wala na ang alikabok, nakikita ko na ngayon si Enthon suot ang isang pilak na baluti na may mga esmeralda na nakadikit sa kanyang baluti. Hawak niya rin ngayon ang isang mahabang karit na tulad ng kay Kamatayan ngunit ang talim nito ay gawa sa rin sa esmeralda.

Ang Baluti ng Hangin.

Tumingala sa akin si Enthon at itinaas ang isang kamay niya upang ipakita sa akin ang kanyang hinlalaki. Nakaugaliang gawain na ni Enthon iyon na nais iparating lamang ay ayos lang siya. Bumaba naman ako sa kanyang tabi at binasag ang harang na aking ginawa sa isang kumpas lamang ng aking kamay.

"Enthon, ayos ka lang ba?" tanong ko sa kanya. Sinalubong naman niya ako ng mahigpit na yakap na parang ayaw akong bitawan.

"E-enthon, nasa labanan tayo- aray! M-masyadong higpit," tanging nasabi ko na lamang dahil para na niya akong dudurugin sa higpit ng yakap niya. Maya-maya ay pinakawalan na rin niya ako kasabay ng mabilis na paghalik sa aking pisngi.

"Ayan, ayos na ayos na ayos na talaga ako. Nakayakap na, nakahalik pa! Ayos na talaga!" nakangisi niyang turan na sinundan ng pilyong pagtawa.

Hindi ko maiwasang pamulahan habang hawak ang aking pisngi na kanyang hinalikan. Nasa gitna kami ng labanan ngunit nakukuha pa rin magpakilig ni Enthon ng ganito at aanimin ko na tumatama naman sa akin ang kanyang mga ginagawa.

ANDRESSWhere stories live. Discover now