Andress 100 | Ang Makatarungan Paglilitis

89 12 6
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Makatarungan Paglilitis ||

Sabayang awit ng mga kuliglig, mabibigat na paghinga at mahihinang pagaspas ng aking pakpak ang tanging maririnig sa kapaligiran. Ilang hakbang ang layo mula sa akin ay ang grupo nila Ahriman na matatalas kung nakatitig sa akin.

Wala ni isa sa amin ang bumibitaw sa mahigpit na labanan ng titig. Bawat simpleng paggalaw, maging ang pagtaas-baba ng aming mga balikat ay maiging binabantayan. Kasabay ng paghigpit ng aking pagkakahawak sa dalawang espadang likha mula sa aking liwanag ay ang maharang pagbukadkad din ng aking mga pakpak.

Sa pagtigil ng sabayang pag-awit ng mga kuliglig at pagbuga ng malalim na paghinga, ako ay nasa kanilang harapan na.

Sa bilis ng pagsulpot ko sa kanilang harapan ay wala na silang oras pa para makakilos dahil lahat sila ay tinamaan na ng pwersang nilikha ng ginawa kong pagsipa sa lupang nasa harapan nila.

Kitang-kita ng dalawang mga mata ko ang hiwa-hiwalay na pagtapon ng mga ito sa lakas ng pwersang sumabog sa kanilang harapan. Nahuli ko pa ang walang tigil na paggulong ng katawan nina Akhram at Ashnev na kapwa nasa estado pa rin ng pagbawi ng lakas.

Dahil nanghihina pa rin ang kanilang mga katawan ay hindi na nila nagawang protektahan ang kanilang mga sarili hanggang sa sila ay tuluyan ng nawalan ng malay. Ngayon, ang tanging poproblemahin ko na lamang ay sina Ahriman, Gaskor, Damian, Farah, at Enthon.

Matapos ang ginawa kong supresang pag-atake ay dali-daling tumayo ang natitirang kinatawan ng karimlan, kapwa umiinda sa mga tinamong pinsala ng kanilang katawan ngunit handa pa ring lumaban.

"Andress!!" gigil na gigil na sigaw ni Enthon na unang nakabawi sa aking ginawa.

Nang humarap ako sa kanya ay para na itong isang nagwawalang toro na rumaragasa sa pagtakbo pasugod sa akin habang balot ng pinaghalong pula at itim na enerhiya.

Itinapat ko sa kaniya ang aking kaliwang palad at ngumiti ng mapait.

"Mamaya tayo maghaharap, Enthon," wika ko sabay pakawala ng malakas na kapangyarihang direktang tumama sa kanya. Tanging pagsigaw na lamang ang nagawa niya nang tumapon siya palayo sa lugar na ito.

Alam kong magiging mapaminsala ng mga pag-atakeng papakawalan ko mamaya. Kung ano man ang mangyayari kanila Ahriman, ayokong sapitin din iyon ni Enthon dahil kahit na nasa panig na siya ng kadiliman ngayon, ayoko pa rin siyang mawala ng tuluyan sa akin kaya iyon na lang ang naisip kong paraan.

Bukod sa pagtapon kay Enthon ay binalot ko rin ito ng aking kapangyarihan upang pansamantala siyang maparalisa, sa ganu'ng paraan ay magkakaroon ako ng sapat na oras upang tapusin si Ahriman at ang mga alipores nito.

Matapos ang aking ginawa kay Enthon ay humarap na akong muli kanila Ahriman, Damian, Farah, at Gaskor na naghahanda na.

"Masyado kang mayabang kung iniisip mong matatalo mo ako, Tagahawak!" wika ni Ahriman habang nakatitig sa akin ng matalim.

Hindi ko sinagot ang anomang sinasabi niya, nanatili lang akong nakatitig sa kanila habang ako'y dahan-dahang umaangat sa ere.

Nang sapat na ang taas ko ay muli kong tinawag ang dalawang punyal ng liwanag sa aking magkabilang kamay. Ang aking atensyon ay na kay Ahriman lamang na nakatingala sa akin ngayon.

"Hindi ko kailangan ng kayabangan upang talunin ka. Presensya ko pa lang ay sapat na, Ahriman," wika ko na halatang hindi nito nagustuhan.

Nagngingitngit ang mga ngipin niyang itinaas ang hawak niyang tungkod bago ito sumigaw, "Hindi ako natatakot sa presensya mo, batang Andress!"

ANDRESSWhere stories live. Discover now